Manggagawa

Mga dapat malaman sa Compressed Workweek

October 4, 2017

Panibagong atake sa karapatan ng mga manggagawa.

Mukhang sa pambili lang ng kape mapupunta ang barya-baryang itinaas ng sahod ng mga manggagawa.

Itinutulak ngayon sa Senado ang Senate Bill 1571 o Flexible Work Agreement Bill na naglalayong pahabain ng hanggang 12 oras ang dating walong oras na trabaho sa mga pagawaan. Nagmula ang panukalang-batas na ito sa House Bill 6152 o Compressed Workweek Scheme na naipasa sa Kamara noong Agosto.

Layunin umano ng SB 1571 na gawing mas pleksible ang work arrangement ng mga manggagawa sa kanilang mga employer nang hindi naisasaalang-alang ang pagiging produktibo nito. Bibigyan nito ng hanggang dalawang araw na karagdagang pahinga ang mga manggagawa kapalit ng mas mahabang oras ng pagtatrabaho.

“Sinasalungat ng compressed workweek ang mga batas na nagpapatupad ng makataong walong oras kada araw na trabaho at overtime,” ani Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Ang isa pang idinadahilan ng mga nagpasa ng batas: trapik. Hindi malinaw kung paano mababawasan ng pagdadagdag ng oras ng pagtatrabaho ang mga sasakyan at pasahero sa kalsada pero tulad ng trapik, hindi naman bago ang paggamit ng compressed workweek sa mga pagawaan.

Noong 1990, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order No. 021-90 o Guidelines on the Implementation of Compressed Workweek bilang tugon sa krisis sa langis. Noong 2004 naman, mahigit isang dekada ang nakakaraan, inilabas ang Department Advisory No. 02 series of 2004 (DA 02) “Implementation of Compressed Workweek Schemes” sa panahon ng krisis sa enerhiya. Nagkaroon muli ng bagong bersiyon ang iskemang ito noong 2009 sa ilalim ni dating Labor Sec. Marianito Roque—ang DOLE Advisory No. 2 Series of 2009 bilang tugon naman sa pandaigdigang krisis pampinansiya noong panahong iyon.

“Pabor lang sa mga kapitalista ang iskemang compressed workweek dahil makakatipid sila sa benepisyo,” ani Porras. Sumusulpot ang iskemang ito sa tuwing nakakaranas ng krisis ang ekonomiya.

Ang patuloy na nire-recycle na iskemang ito ay may tatlong karapatang pantao na nilalabag.

Una, hindi malinaw kung paano ang magiging partisipasyon ng mga mga manggagawa sa pagbuo ng desisyon kung sakaling ipatupad ng employer ang iskema. Boluntaryo umano, pero kung hindi lahat ng manggagawa ay pumayag sa pagpapatupad nito, lalabas na sapilitang paggawa ang pagtatrabaho ng higit sa walong oras.

Ang karanasan ng DOLE sa DA 02 noong 2004 ay isang malinaw na halimbawa. Nahirapan ang mga administrasyon sa mga pagawaan na kunin ang legal consent ng lahat ng mga manggagawa. Dahil dito, ipinadaan ng departamento sa mga collective bargaining agreement ang botohan sa panig ng mga manggagawa—oo o hindi lang—maski hindi pabor sa sitwasyon ng lahat ang iskema.

Ang ginawang ito ng DOLE ay mapanghati sa mga panig ng mga unyonista habang tinatanggalan ng boses ang mga kontraktwal na hindi kasama sa mga unyon dahil ang esensya ng CBA ay paglalatag ng mga makatwirang kahilingan sa administrasyon.

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng SMT Philippines laban sa compressed workweek. <b>Kontribusyon</b>

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng SMT Philippines laban sa compressed workweek. Kontribusyon

Ikalawa, tatanggalin nito ang karapatan ng mga manggagawa sa overtime pay.

Ganito ang magiging kalakaran sa panukalang-batas na ito: Ang anim na araw ng trabaho na may 48 oras kada linggo ay magiging 9.6 oras kada araw kung paiiksiin nang limang araw, habang 12 oras naman kada araw kung paiiksiin pa ng apat na araw. Lumalabas na 16 oras na dapat sana’y katumbas ng overtime pay ang ituturing na normal na oras ng pagtatrabaho.

Ang karagdagang araw ng pahinga ay maaari nga namang igugol sa maraming bagay tulad ng oras sa pamilya, oras sa personal na mga gawain, o pagtulog buong araw para makabawi sa apat na araw ng walang tigil na pagtatrabaho. Pero hindi ba mukhang binibili ng manggagawa ang kanilang pahinga dahil mawawalan na sila ng overtime pay?

“Binabalewala (nito) ang tunay na kahilingan ng mga manggagawa na regularisasyon, nakabubuhay na sahod, at ligtas na kondisyon sa mga pagawaan. Nagkakaroon pa ng puwang sa pagsasamantala ang mga kapitalista dahil sa mga ganitong panukalang-batas,” ani Porras.

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng Nexperia. <b>Kontribusyon</b>

Lunchbreak protest ng mga manggagawa ng Nexperia. Kontribusyon

Ikatlo, palalaganapin nito ang diskriminasyon laban sa mga manggagawang may edad na at pamilyado.

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), lumalabas na pinapaboran ng mga employer ang mga manggagawang 30 anyos pababa na wala pang pamilya dahil mas may kakayahan itong magtrabaho ng mas mahabang oras at mas mataas ang resistensya sa sakit.

Sinusunod na istandard sa buong mundo ang pagkakaroon ng walong oras na trabaho kada araw, at may mahabang kasaysayan ito. Pinagbuwisan ito ng buhay ng mga manggagawa noon kung kaya tinatamasa ito ng mga manggagawa ngayon—ang makasaysayang May Day na nagpaiksi sa 100 oras kada linggong pagtatrabaho ng mga manggagawa sa Amerika, kasabay ng iba’t iba pang pagkilos ng mga manggagawa sa buong mundo.

“Magiging kasangkapan pa ito para lalong lumaganap ang kontrakuwalisasyon at paggipit sa mga karapatan ng manggagawa tulad ng security of tenure at bargaining rights ng mga unyon. Binabalewala nito ang tagumpay ng mga manggagawa sa buong mundo laban sa mala-aliping kondisyon sa mga pagawaan,” ayon kay Porras.

Sa kasalukuyan, nakikipaglaban din ang mga manggagawang Pilipino sa tangkang pagsasabatas ng mahabang oras ng pagtatrabaho.

Sa mga pagawaang nasa special economic zones (SEZs) sa Cavite talamak ang paggamit sa iskemang ito. Nagwelga pa nga ang mga manggagawa sa Optodev Inc. at Nexperia SCI para alisin ang nakamamatay na iskemang ito. Inirereklamo nila ang sobrang haba na oras ng pagtatrabaho kapalit ng napakababang sahod. Nagkakasakit na rin ang mga manggagawa dahil hindi sapat ang oras ng kanilang pahinga.

Tumagal nang isang taon ang pagwewelga ng mga manggagawa sa Optodev bago nila nakamit ang mga kahilingan, habang nakikipaglaban pa ang mga unyonista naman ng Nexperia SCI para itigil ang iskemang ito.

Laging gising ang mga manggagawa sa panahon ng administrasyong Duterte—hindi lang dahil kinukuripot sila nito sa pahinga kundi dahil nagbabantay ito sa anumang hakbang ng paasang pangulong nagtutulug-tulugan sa tuwing isisigaw nila ang kanilang kahilingan.


Marjo Malubay

Marjo Malubay

Marjo Malubay is one of our younger Pinoy Weekly reporters. A former staffer of The Catalyst, Polytechnic University of the Philippines’ campus paper, Marjo currently studies journalism at the same university.