
Nakikidalamhati ang PinoyMedia Center (PMC) sa pamilya, kaibigan, kasama, katrabaho, estudyante, tagahanga at sa buong sambayanang Pilipino sa pagpanaw ng ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, si Bienvenido Lumbera.
Nakikiramay kami sa aming outgoing Executive Director, si Silay Lumbera, sa pagpanaw ng kanyang ama. Batid namin ang malalim na pagmamahal at paghanga ni Silay sa kanyang dakilang ama na haligi ng panitikang Pilipino, ng pagsusuring pampanitikang Pilipino, at ng buong kilusan para sa progresibong pagbabago sa Pilipinas.
Kasama rin namin si Bien sa Board of Trustees ng PMC mula 2010. Bago pa nito, naging editorial consultant din siya ng Pinoy Weekly mula 2002, at board member ng Prometheus Publishing Corp. na dating publisher ng Pinoy Weekly, mula 2002 hanggang 2008. Mula 2017, naging mas malapit na kaugnayan namin si Bien sa board meetings.

Napakahalaga ng kanyang mga payo at ambag sa pagpapatuloy ng aming gawain bilang tagapagtaguyod ng alternative media at tagapag-ugnay ng batayang mga sektor sa dominanteng midya. Kahit sa abanteng edad, naging mapagbigay siya ng panahon sa pagbabahagi ng kanyang karanasan at kaalaman bilang progresibong manunulat at kritiko. Naging bukas din siya sa pagpapahiram ng kanyang pangalan at prestihiyosong reputasyon para sa mga adbokasiya at institusyong progresibo at makabayan. Halimbawa, lagi siyang handang makiisa sa mga petisyon at pagdagdag ng kanyang pangalan sa mga pahayag ng paglaban sa mga mapanupil na polisiya at hakbang ng gobyerno laban sa mga alagad ng sining, mamamamahayag, at iba pang sektor.
Bilang makabayang intelektuwal may mahabang ambag sa kilusan para sa progresibong pagbabago, insipirasyon din siya sa aming mga alternative media practitioner. Pana-panahong binabalikan namin ang kanyang mga turo, mga akda, para sa mga aral na magpapayaman sa kasalukuyang mga adbokasiya at praktika namin. Makabuluhan pa rin ang kanyang mga akda, kabilang ang mga tula, bilang interbensiyon sa kasalukuyang mga isyung pambayan, at bilang panghikayat sa malawak na bilang ng mga mamamayan na makilahok sa progresibong pagbabago.
Maraming salamat, Ka Bien sa inyong ambag! Hinding hindi ka namin malilimutan! Patuloy na magiging buhay ang iyong ambag at alaala sa mga mamamayang Pilipino na naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa ating bansa.
