Karapatang Pantao

Dahil sa karamdaman, bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta, pansamantalang pinalaya


Nakalabas na mula sa piitan si Ericson Acosta— sa ngayon. Pumayag sa pansamantalang paglabas ng bilanggong pulitikal na si Acosta sa piitan ang Gandara Regional Trial Court sa Samar. Pakiusapan ang korte ni Persida Rueda-Acosta, hepe ng Public Attorneys’ Office (PAO), na payagan si Acosta na magpasailalim sa medical check-up sa National Kidney Institute (NKTI) sa Quezon City ngayong […]

Si Ericson Acosta, bilanggong pulitikal, bago pumasok sa emergency room ng National Kidney Institute sa Quezon City. (Darius Galang)
Si Ericson Acosta, bilanggong pulitikal, bago pumasok sa emergency room ng National Kidney Institute sa Quezon City. (Darius Galang)

Nakalabas na mula sa piitan si Ericson Acosta— sa ngayon.

Pumayag sa pansamantalang paglabas ng bilanggong pulitikal na si Acosta sa piitan ang Gandara Regional Trial Court sa Samar. Pakiusapan ang korte ni Persida Rueda-Acosta, hepe ng Public Attorneys’ Office (PAO), na payagan si Acosta na magpasailalim sa medical check-up sa National Kidney Institute (NKTI) sa Quezon City ngayong Enero 18.

Sa kabila ng pansamantalang paglaya, nasa kustodiya pa rin si Acosta ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at administrasyong Aquino.

“Maniwala kayo sa hindi, ito ang unang pagsakay ko sa eroplano,” sabi ni Acosta, isang aktibistang makata, sa mga kaibigan, kaanak at tagasuporta na tumagpo sa kanya sa Terminal III ng Ninoy Aquino International Airport matapos manggaling sa Calbayog.

Naunang binista ni Rueda-Acosta (walang kaugnayan kay Ericson Acosta) ang detenidong si Acosta sa Calbayog Sub-Provincial Jail kasama ang isang medico-legal consultant at grupong paralegal ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan. Hiniling ito ng pamilya ni Acosta at ng Free Ericson Acosta Campaign (FEAC).

Napag-alaman mula sa checkup na may nephritis, o pamamaga ng bato (kidney), si Acosta.

Walang itinakda ang korte kung kailan kailangang ibalik sa kulungan si Acosta, o kung kailan ang sunod na pagdinig ng kanyang kaso. Samantala, inaasahang mananatili siya sa NKTI para sa medikal na mga eksaminasyon at pagpapagamot.

“Matagal na naming hinihintay ang mapatingnan si Eric [palayaw ni Acosta]. I am coming to see him without my husband who also has an appointment with the doctor for his spinal ailment that has debilitated him for weeks. Gusto nga sana niyang sumama kay Attorney Persida pero hindi na niya kinaya ang sakit,” sabi ng ina ni Acosta na si Liwayway, 80.

Si Ericson at ang pambansang alagad ng sining na si Bienvenido Lumbera. (Darius Galang)
Si Ericson at ang pambansang alagad ng sining na si Bienvenido Lumbera. (Darius Galang)

Ayon sa medico-legal consultant ng PAO na si Erwin Erfe, isang doktor, kinakailangan pumasailalim umano si Acosta sa “thorough diagnostic examinations, possibly including renal biopsy and other specialized ancillary procedures in a specialist kidney hospital.”

Ikinatuwa ni Renato Reyes Jr., kaibigan ng bilanggong pulitikal at convenor ng FEAC, ang pansamantalang pagpapalaya kay Acosta. Pero naiwasan umano sana ang paglala ng sakit ng naturang bilanggong pulitikal kung agad siyang pinalaya ng gobyerno dahil sa malinaw na kawalan ng batayan sa kanyang pagkulong.

Sinabi rin ni Rueda-Acosta na “there were no private complainants (sa kaso laban kay Acosta); these are all Army people in the list… The country is starved for justice. We must acknowledge Acosta as a writer and researcher serving this need for doctors for our society.”

Samantala, dinumog ng mga kaanak, kaibigan at tagasuporta ni Acosta ang NKTI noong umaga ng Enero 18 sa pagdating ni Acosta sa naturang pasilidad.

Para kay Angie Ipong, tagapagsalita ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), matagal nang dapat na pinalaya ng administrasyong Aquino si Acosta. Inihalintulad niya ang kaso ng naturang bilanggong pulitikal sa iba pang bagong kaso ng pagkulong sa mga aktibista na sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.

Kabilang dito ang pagsampa ng kaso sa 52 aktibista sa Negros, gayundin ang kaso laban sa mga organisador ng government employees na sina Randy Vegas at Raul Camposano, mga aktibista sa Cagayan Valley, at ang mga lider-obrero ng Kilusang Mayo Uno na sinampahan ng iba’t ibang gawa-gawang kaso.

Hinuli si Acosta ng mga militar noong Pebrero 13, 2011 matapos makitaan siya ng laptop sa kanyang kagamitan habang bumabiyahe sa San Jorge, Samar.

Manunulat si Acosta at boluntir sa isang grupo ng mga magsasaka sa naturang lugar. Sinampahan siya ng militar ng illegal possession of explosives dahil nakitaan daw siya ng granada sa gamit.

Mariing itinatanggi ito ni Acosta, na nagsabing ni hindi umano siya marunong mangtanggal ng pin ng granada.

Sa pangunguna ng FEAC, naglunsad ang kanyang mga kaibigan at tagasuporta ng malawakang kampanya para sa pagpapalaya kay Acosta. Sinuportahan ng iba’t ibang alagad ng sining, aktibista, pulitiko, at personalidad tulad nina Ricky Lee, Bibeth Orteza, National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at maraming iba pa, ang naturang kampanya.

Dating patnugot ng Philippine Collegian sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman si Acosta. Nakilala rin siya sa progresibong kilusan bilang kompositor, mang-aawit, manunulat at mamamahayag.