Kahirapan sa ilalim ng iisang pamilya sa Caloocan


Halos iisa lang ang reaksiyon ng mga residente kaugnay sa pagiging pinakamahirap na lungsod ng Caloocan sa buong National Capital Region. “Nakakalungkot, nakakaawa at nakakagalit,” sabi ng isang residente.

Anim na taong gulang pa lang ang binatang si Mettle Lemoncito nang maging kulay kahel ang paligid ng Caloocan City. Ngayon, 18 na siya, ngunit halos walang nagbabago sa kalagayan ng kanilang lungsod.

“Puno ng korupsiyon ang lugar na ito kung saan nakapaskil sa paligid ‘yong mukha ng mayor,” seryosong sabi ni Lemoncito.

“Pati na rin sa mga school [supply] na pinamimigay nila na para bang siya ang mag-aaral,” aniya.

Ayon sa ulat noong 2024 ng Philippine Statistics Authority, Caloocan ang may pinakamababang gross domestic product (GDP) per capita na nasa P139,525 kumpara sa karaniwang GDP per capita ng buong National Capital Region (NCR) na umaabot sa P460,969 para sa 2023.

Ang GDP ang kabuuang halaga ng pinagsamang mga produkto at serbisyo ng iisang lugar sa loob ng isang partikular na panahon. Ito rin ang sukatan ng kabuuang kita lugar.

Barangay sa timog na bahagi ng Caloocan City kung saan nagkalat ang tarpulin ng kasalukuyang alkalde. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly 

“Since Caloocan ang pinakamahirap na lungsod ngayon sa NCR, nahihiya ako dahil lumaki ako sa lungsod na ‘to,” ani Lemoncito.

Hindi lang si Lemoncito ang may hinaing sa pagiging pinakamahirap na lungsod ng Caloocan. Pati ang iba pang mga residente, ramdam na ramdam ito.

“Masakit at hindi ko tanggap kasi parang nagiging manhid na lang ang [ilan] at mas tinatanggap nila ‘yong mga pansamantalang remedyo lang sa buhay kaysa sa pangmatagalang solusyon,” sabi ni Joseph Andres, 32, isang porter na residente sa hilagang Caloocan.

Halos iisa lang ang reaksiyon ng mga residente kaugnay sa pagiging pinakamahirap na lungsod ng Caloocan sa buong NCR. “Nakakalungkot, nakakaawa at nakakagalit,” sabi nga ni Akira Gualvez, 25, call center agent.

Sa Pangarap, Caloocan, pahirapan ang pag-akses nila sa mga batayan at mahalagang serbisyo. 

“Wala kaming [linya ng] Meralco, meaning wala kaming stable source ng electricity kaya ‘yong mga nakatira dito ay naka-generator at solar panel,” kuwento ni Matthew Jimenez, 21, mag-aaral sa kolehiyo.

Isa rin ang internet sa mga pangunahing pangangailangan ng mga residente lalo na ang mga guro at estudyante, pero pahirapan ang pagpapakabit ng internet connection sa lugar dahil napakahirap nitong pasukin.

“Sa tubig naman, wala kaming [linya ng] Maynilad or any companies na nagpo-provide ng water service kaya ang source ng water namin [ay] ‘yong mga nasa truck lang,” dagdag niya.

Pangamba ng mga residente rito ang kalinisan ng tubig na kanilang kinukonsumo dahil galing ito sa balon at kung dumaan ang masusuwerteng araw, nanggagaling ito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Bukod sa kakulangan ng matinong serbisyo, tinik rin sa dibdib ng mga residente ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang napakalakas na ulan.

“Mahirap dito sa Pangarap lalo na tuwing tag-ulan dahil mabilis kaming bahain rito,” ani Mary Joy Verdad, 36, isang janitress. Kapag malakas ang ulan, nadaragdagan ng mahigit isang oras ang biyahe dahil sa napakalalang daloy ng trapiko sa Quirino Highway kung saan ginagawa ang MRT-7.

Pati ang mga residente mula sa San Jose del Monte City, Bulacan na dumadaan ng Caloocan, naaabala rin.

“Magulo na nga [tapos] ‘yong kalsada pa rito, sira-sira at ang hirap humingi ng tulong,” sabi ni Verdad. Kaya tinik sa mga dibdib nila, ang pagkakaroon ng alkalde tulad ni Along Malapitan, sabi naman ni Gualvez. “Malapitan pero ‘di malapitan.”

Noong 2017 sinabi ni Gregorio Araneta III na bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “Magiging central business district ko. Walang central business district doon. Ang area lang katabi no’n ay ‘yong La Mesa Dam Watershed.”

Sa lahat ng mga lungsod sa NCR, tanging Caloocan lang ang mayroong dalawang bahaging nahahati sa hilaga at timog. 

Taong 1939 nang lagdaan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon ang Commonwealth Act 502 na naglalayong mabuo ang Lungsod Quezon na magiging bagong kabisera ng Pilipinas. Matapos nito, ilang mga barangay mula sa gitna ng Caloocan ang nasama doon kaya nahati ito.

Hindi tuloy maiwasang magkaroon ng pagkakaiba sa dalawang parte pagdating sa kabuhayan, trabaho, transportasyon at oportunidad.

Baku-bakong kalsada sa Barangay 181, North Caloocan. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly 

“Kahit papaano medyo mas developed ‘yong south kaysa sa north na puro lubak ang kalsada,” sabi ni Gomez. 

Pagdating sa mga pampublikong serbisyo, mas maayos ang proseso sa timog kumpara sa Pangarap, Camarin at ibang lugar sa  hilaga na tinuturing na parang probinsiya ng mga residente.

Isa ang edukasyon sa mga problema ng mga taganorte dahil hindi tulad sa timog na matagal nang mayroong science high school, noong 2012 lang nagkaroon nito sa hilagang bahagi.

“Madalas napapabayaan din kami sa north. Examples ay ‘yong University of Caloocan City at science high na sobrang late na pinagawa for north compared sa south,” dismayadong sabi ni John Erickson Lao, 20, mula sa Bagong Silang.

Ang tatlong miyembro ng pamilyang Malapitan na naghahari sa lungsod ng Caloocan. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Taong 2013 nang mahalal bilang alkalde ng lungsod noon na si ngayo’y Caloocan First District Rep. Oscar Malapitan kung saan nagsilbi siya ng tatlong termino hanggang 2022.

Tumakbo naman ang anak ni Malapitan na si Along noong 2022 sa pagiging alkalde at nanalo laban kay ngayo’y Caloocan Second District Rep. Egay Erice.

Makalipas ang isang termino, muling tumakbo at nanalo muli ang nakababatang Malapitan sa parehong posisyon.

“Nakaramdam ako ng kahihiyan dahil sa mga maling desisyong ginawa ng mga tao noong malapit na ang pagbabago,” ani Lemoncito.

Taong 2025 rin ng manalo sa kanyang ikatlong termino ang isa pang anak ni Oscar na si Enteng sa pagiging konsehal ng unang distrito ng lungsod. Sa kasalukuyan, tatlong na silang mag-aama ang nakaupo sa Caloocan.

“Okay lang sana ‘yong may pamilyang namumuno pero ‘wag naman lahat ay nakaupo sa puwesto. Unfair ‘to and it doesn’t give other people chance na makatulong sa gobyerno,” sabi ni Otep Ortega, 45, lider ng campus missionary sa hilagang Caloocan.

Mahigit isang dekada nang pinapatakbo ng iisang pamilya ang Caloocan. Sa loob ng 12 na taon, may mga pagbabago namang napansin ang mga residente pero para sa kanila, hindi naman sila ang mismong nakikinabang rito.

“Imbis na benepisyo at trabaho ang ibigay sa mga mamamayan, mga gusaling hindi naman namin nagagamit ang tinututukan nila,” galit sabi ni John Ronald Hayes, 30, residente sa timog ng Caloocan.

Kapag sobra-sobra ang baha, kitang-kita ang kakapusan at korupsiyon ng pamahalaang lokal aniya.

Ayon kay Rachelle Pabilico, 53, isang doktor mula sa hilagang Caloocan, nakatayo ang kanilang bahay sa tabi ng creek kaya agad na bumabaha sa kanila kapag malakas ang ulan, at paminsan-minsa’y pumapasok pa sa kanilang bahay ang tubig.

“Kung hindi naman umaabot sa bahay ang baha, mataas naman ang tubig sa [kalsada] kaya parang nasa isla kami,” aniya.

Pagbaha sa Barangay 181, North Caloocan matapos ang mahigit isang oras na pag-ulan. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

“Bilang taxpayer, you were expecting na may maibabalik sa’yo ang gobyerno,” ani Ortega.

Ang mga senior citizen naman, hirap makakuha ng pensiyon at iba pang mga benepisyo. “Malayo sa bahay namin ang city hall kaya talagang pahirapan sa pagkuha ng [senior citizen] handbook,” sabi ni Benjamin Roma, 72, residente sa Pangarap.

“Kung sino lang kasi ang malapit sa [kusina], ‘yon lang ang mga nabibigayan,” kuwento ni Christopher Ramos, 70, tricycle driver mula sa hilagang Caloocan.

Matagal nang napapansin ng mga residente na mas mabilis makatanggap ng tulong ang mga taong kakilala ng mga tauhan sa barangay at city hall. 

Sa kabila ng mga suliraning ito, buhay pa rin sa puso ni Yana de Silva, 20, dating tagahilagang Caloocan na nakatira na ngayon sa Canada, ang pag-asa para sa kanyang lupang sinilangan.

“Umaasa akong pag-uwi ko sa Caloocan na mas mapayapa na do’n. More job opportunities. Ma-improve ‘yong kalidad ng edukasyon, matulungan ang mga homeless, at magkaroon ng more security sa paligid,” aniya.