Pamamaslang sa siyentista pinaiimbestigahan sa Kamara

Hiniling ng militanteng mga mambabatas na imbestigahan ng Kamara ang pagpatay kina Leonardo Co, siyentistang pangkalikasan, Sofronio Cortez, bantay-gubat at magsasakang si Julius Borromeo sa Kananga, Leyte.

Dr. Leonard Co, habang nasa fieldwork. (Larawan mula sa Facebook page ni Dr. Leonardo Co)
Dr. Leonard Co, habang nasa fieldwork. (Larawan mula sa Facebook page ni Dr. Leonardo Co)

Hiniling ng militanteng mga mambabatas na imbestigahan ng Kamara ang pagpatay kina Leonardo Co, siyentistang pangkalikasan, Sofronio Cortez, bantay-gubat at magsasakang si Julius Borromeo sa Kananga, Leyte.

Sa resolusyong isinumite ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, binanggit ang testimonya ni Policarpio Balute, miyembro ng Tongonan Farmers Association (Tofa), na nakasaksi sa insidente, na isa sa mga batayan para seryosong pagdudahan ang bersiyon ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army na engkuwentro nga sa pagitan nila at ng New People’s Army (NPA) ang nangyari.

Ayon kay Mariano, sinabi ni Balute na “nagsimula ang putukan sa Upper Mahiao, Barangay Lim-ao, at dinagdag niya na hindi siya nakarinig ng palitan ng putok mula sa anumang direksiyon na siyang indikasyon na may barilan sa pagitan ng mga sundalo at NPA.”

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casino na dapat imbestigahan ng Kamara ang yunit ng Army na sangkot sa insidente. Dati na umanong binabansagan ng mga aktibista ang 19th IB bilang “massacre battalion” dahil sa pagkakasangkot nito sa mga masaker ng mga sibilyan sa lugar.

Noong Abril 16, 2003, nasangkot ang 19th IB sa pagtortyur at pagmasaker umano ng siyam na sibilyan, kabilang ang isang buntis na babae at apat na menor-de-edad. Ayon sa mga nakasaksi, binuhusan umano ng mainit na tubig ang mga biktimang sibilyan, bago pinagbabaril sa ulo nang malapitan.

Nasangkot din ang naturang yunit ng Army sa pamamaslang sa sampung magsasaka sa Palo, Leyte noong Nobyembre 21, 2005. Noong Enero 28, 1999 nabalita rin ang pagkakasangkot ng 19th IB sa pagmasaker sa pamilyang Nuguit sa Palapag, Northern Samar.

Sinabi ni Casino na mahalaga para sa Kamara na imbestigahan ang naturang pagpatay kina Co dahil lumalabas na bahagi lamang ito ng pagpapatuloy ng extrajudicial killings ng mga ahente ng gobyerno sa sinususpetsahan pa lamang na mga rebelde.

Duda rin ang rebeldeng National Democratic Front of the Philippines sa Eastern Visayas (NDF-EV) na may sangkot na mga miyembro ng NPA sa naturang insidente.

“Hindi naniniwala ang NDFP-EV na may engkuwentrong naganap sa pagitan ng NPA at ng mga elemento ng 19th IB at naipit sa putukan ang grupo ni Dr. Co. Malayo sa posibilidad na aksidenteng nakarating si Dr. Co at mga kasamahan niya sa isang kampo ng NPA o yunit nito na kumikilos,” paliwanag ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDFP-EV.

Sinabi pa ni Salas na “tagung-tago” at “matindi ang seguridad” sa mga kampong ito at hindi mapupuntahan ng karamihan. Sinabi rin niya na lumalayo sa mga sibilyan ang mga yunit ng NPA na kumikilos para mamantine ang pagiging sikreto nito at maiwasang madamay ang mga ito.

Makakalikasan, kinondena ang pamamaslang

Samantala, kinondena ng grupong makakalikasan ang pagpatay sa tatlo. Nanawagan din sila ng agaran at independiyenteng imbestigasyon sa naturang insidente.

Ayon kay Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan-People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), malaking kawalan hindi lamang sa siyentipikong komunidad ang pagkamatay ng tatlo, partikular na si Co, kundi pati na rin sa konserbasyon ng kalikasan sa bansa.

Ang mga biktima ay bahagi ng lima-kataong grupong pananaliksik na nag-aaral ng biodiversity sa Manawan Kananga Watershed sa Leyte. Ang naturang grupo ay kinomisyon ng Energy Development Corp. (EDC) na pag-aari ng mga Lopez.

Ayon pa sa Kalikasan, may pananagutan din umano ang EDC na pag-aari ng pamilyang Lopez sa trahedya.  “Ang EDC ay responsable din sa insidente, Ayon sa 802nd Infantry Division, binigyan sila ng EDC ng impormasyon na mayroong mga rebelde sa erya. At dahil EDC ang nagkomisyon sa pag-aaral, responsabilidad din nila ang pagtiyak sa kaligtasan ng grupo,” ani Bautista.

Sinabi pa ng Kalikasan-PNE na inamin ni Lt. Col. Federico Tutaan, kumander ng 19th IB, na sinimulan nila ang putukan. Dapat umanong isinaalang-alang ng militar ang kaligtasan ng mga sibilyan.

Pinananagot din ng grupo ang EDC dahil ito ang nagbigay impormasyon sa militar na may mga rebelde sa naturang lugar. Dahil EDC ang nagpondo sa pag-aaral, dapat lamang umanong siguruhin nito ang kaligatasan ng mga mananaliksik.

Ang naturang insidente ang unang kaso ng pamamaslang sa mga makakalikasan sa ilalim ng administrasyong Aquino. Batay sa obserbasyon ng Kalikasan-PNE, karamihan ng pagpaslang sa mga makakalikasan ay hinihinalang gawa ng militar. Kadalasan din umanong matatagpuan ito sa mga lugar na may mga kontrobesrsiyal na proyekto tulad malawakang pagmimina at pagtotroso.

Si Co ay kilala bilang pinakamahusay na plant taxonomist sa bansa at masugid na tagapagtaguyod ng kagubatan. Ang Rafflesia leonardi, isa sa pinakamalaking bulaklak sa Pilipinas ay ipinangalan sa kanya.