Video documentary drama hinggil sa faith healing sa Pilipinas, ipapalabas sa San Francisco, California
Ipinagmamalaki naming ipahayag sa inyong lahat na ang isa sa mga dokyumentaryo namin ay itatanghal sa Estados Unidos. “Ang Manggagamot (The Faith Healer),” isang metang naratibong tungkol sa faith healing sa Pilipinas, ang pamagat ng aming likha. Una nang nalathala sa 15th Puchon International Fantastic Film Festival sa Bucheon City, South Korea, sa Network of […]

Ipinagmamalaki naming ipahayag sa inyong lahat na ang isa sa mga dokyumentaryo namin ay itatanghal sa Estados Unidos.
“Ang Manggagamot (The Faith Healer),” isang metang naratibong tungkol sa faith healing sa Pilipinas, ang pamagat ng aming likha.
Una nang nalathala sa 15th Puchon International Fantastic Film Festival sa Bucheon City, South Korea, sa Network of Asian Fantastic Films Fantastic Film School manual ang “Ang Manggagamot (The Faith Healer)” nang maging kinatawan kami sa pag-aaral ng paggawa ng pelikulang kagila-gilalas.
Ang “Ang Manggagamot (The Faith Healer)” ay bunga ng matagal na pananaliksik at pagkuha ng mga gumagalaw na imahen sa ispiritwal na opisyon ng isang manggagamot na ang pangalan ay Rey Ferrer, isang albularyong taga-Paranaque City.
***
Ginalugad namin si Mang Rey isang hapon nang maghanap kami ng paksa tungkol sa supernatural na maaaring isalin sa bidyo.
Una’y wala kaming libu-libo o milyun-milyong pera o kagamitan para makapaghanap, makapunta at makunan ang mga natatagong faith healer sa mas malalayong lugar sa bansa.
Hindi biru-biro ang paggawa ng dokyumentaryo.
Pero ang naisip nami’y isang simple subalit may dating na panoorin.
Si Mang Rey ay anak ng namayapang faith healer na si Mang Caring Ferrer na pinupuntahan noon nina Maricel Soriano, Edu Manzano, Lulubelle Lam Ramos, Imelda Papin, Ricky Reyes, Paul Toledo, Aurora Sevilla at marami pang taga-showbiz para magpagamot.
***
Wala kaming pambayad sa kameraman at dahil kahit kami’y baguhan lang sa pagsipat sa kamera, lakas ng loob at barya ang puhunan namin para makunan ng mga senaryo at imahen si Mang Rey at ang kanyang opisyo.
Mag-isa lang naming tinutukan ang bawat araw ni Mang Rey mula sa pagdadaiti ng ulo ng posporo sa dulo ng daliri ng pasyente, pagpipiga ng katas ng luya o kalamansi sa mga mata ng pasyente, pagpapasigaw niya sa kanyang mga pasyente na nagta-trance hanggang sa kanyang pagtataboy sa masasamang espiritu.
Nakabuo kami ng isang dramang dokyumentaryo.
***
At isinumite namin ang “Ang Manggagamot (The Faith Healer)” sa ika-18 FACINE o Filipino American Cine Festival sa San Francisco, California at sa kabutihang-palad ay natanggap naman.
Si Mike Feria, dating miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at tagapagtatag ng Kritika at Young Critics Circle ang nag-organisa ng FACINE labingwalong taon na ang nakakaran.
Sa ika-17 ng Disyembre, 2011 ipapalabas ang “Ang Manggagamot (The Faith Healer)” sa Koret Auditorium ng San Francisco Main Library sa San Francisco, California.
Kung sinuman na makakabasa nito na may panahon o may kakayahan na makapunta sa Koret Auditorium sa San Francisco, California sa araw na ‘yon, isang karangalan ang mapagbigyan ng inyong oras.