Unang bayo ng krisis pampinansiya


Migranteng Pilipino ang unang binabayo ng krisis pampinansiya sa daigdig. At lalo lamang titindi ang epekto nito sa mga bansang tulad ng Pilipinas na nakadepende ang ekonomiya sa malalaking bansa. Sunod na maaapektuhan: lokal na obrero. Itanggi man ng gobyernong Arroyo, inutil sila para pigilan ito.

Isa sa mga biktima ng tanggalan sa Taiwan, sa isang piket ng Migrante International sa tanggapan ng Department of Labor and Employment sa Manila. (Soliman A. Santos)
Isa sa mga biktima ng tanggalan sa Taiwan, sa isang piket ng Migrante International sa tanggapan ng Department of Labor and Employment sa Manila. (Soliman A. Santos)

NOONG Nobyembre 2008, isang taon at dalawang buwan pa lamang na namasukan sa pabrika bilang machine operator sa Taiwan si Joanna Colimbo, 24. Sa loob ng panahong ito, ni hindi pa siya nakakapag-ipon para mabawi ang lahat ng ginastos para makarating ng Taiwan. Ngunit umaasa siyang sa pagtagal niya sa trabaho, mababawi rin niya ito.

Noong buwan ding iyon, nasibak siya sa trabaho.

Hindi dahil palpak si Joanna. Nagbabawas kasi ng gastusin ang kompanya bilang paghahanda sa bigwas ng pandaigdigang krisis sa pinansiya. Kasama si Joanna sa 105 OFW na umuwi sa Pilipinas mula Taiwan noong Disyembre 2, 2008, isang linggo matapos nilang matanggap ang paabot na wala na silang trabaho. Ang masama pa, sila ang nagbayad ng malaking bahagi ng kanilang tiket pabalik ng bansa na halos umabot sa P6,000.

Pagdating nila sa airport, sinalubong sila ng mga opisyal ng pamahalaan at pinangakuang tutulungan sa kanilang kabuhayan. Ani Joanna, kailangang-kailangan nila ito lalo na’t hindi naman natapos ang kanilang kontrata. Ang ilan sa kanyang mga kasama ay inabot lamang ng mula tatlo hanggang anim na buwan na pagtatrabaho sa Taiwan.

Simula pa lamang

Inaasahang darami pa ang mga tulad ni Joanna. Bago pa man matapos ang taong 2008, naglabas na ng ilang pahayag ang mga institusyong pangekonomiya ukol sa kakaharaping problema ng mga Pilipino sa kanilang kabuhayan. Ang tantiya: Madaragdagan pa ng kung ilang milyon ang mawawalan ng trabaho sa taong ito.

Sa tantiya ng World Bank (WB), mararanasan sa taong 2009 ang hagupit ng kasalukuyang krisis pang-ekonomiya na nararanasan na ng buong mundo. Magbubunsod ito bilang epekto ng pagbagal ng pagdating ng bagong investments. Malaki rin ang posibilidad na maraming overseas Filipino workers (OFW) ang mawawalan ng trabaho sa ganitong senaryo.

“Humihigpit ang oportunidad sa empleyo, maaaring matinding tumaas ang kawalan ng empleyo at underemployment, at mahihirapang panatilihin ang malakas na agos ng remitans. Lubos na mahirap maiwasan ang kahirapan sa 2009,” pahayag ni Eric Le Borgne, ang pangunahing ekonomista ng WB.

Nagpahayag na rin ang dating Kalihim sa Budget na si Benjamin Diokno na ang krisis ay maglalagay sa 11 milyong Pilipino sa kawalan ng trabaho. Sinabi niyang malaki ang mawawalan ng trabaho sa mga industriya tulad ng manufacturing, telecommunications, at sektor ng pagbabangko.

Absurdo?

Sa isang banda, hindi naman nagpahayag si Le Borgne ng kanyang pagtantiya sa laki o bilang ng magiging epekto ng krisis sa kawalan at kakulangan ng trabaho sa bansa. Para sa kanya, nasa antas ng “high uncertainty” ang magiging sitwasyon sa susunod na taon.

Pero hindi naniniwala si Labor Secretary Marianito Roque sa pagtantiya na ito ni Diokno. Aniya, “absurdo” ang pagtayang ito kung ikukumpara sa kasalukuyang 2.6 milyong Pilipino na walang trabaho. Kagulat-gulat daw na halos apat na beses ang ilalaki ng mawawalan ng trabaho. “Mayroong mga taong maaapektuhan ng krisis sa pinansiya, pero hindi ganoon kalaki,” dugtong ni Roque. “Huwag naman natin takutin ang ating sarili.”

Ngunit umaayon ang datos ng Ibon Foundation, isang progresibong think-tank, sa pagtaya ni Diokno.

Para sa Ibon, malinaw ang pagbagal ng ekonomiya na nagsimula noon pang kalagitnaan ng nakaraang taon, na maaaring siyang pinakamabagal sa loob ng isang dekada. Nasa datos rin ng Ibon na 4.1 milyon ang nawalan na ng trabaho.

Isama pa rito anila ang 6.8 milyon na kulang sa trabaho. Tantiya ng Ibon na aabot sa 11 hanggang 12 milyon pa ang mawawalan ng trabaho sa taong ito.

Ayon kay Roque, sa larangan ng electronics (tulad ng pabrikang pinagtrabahuan ni Joanna) at tela at pananamit (garments) ang maapektuhang mga industriya.

Dagdag pa niya ang malamang na paghina ng industirya ng langis-niyog. Nabanggit niya rin ang pagpapababa ng bilang ng oras ng paggawa sa mga export zone dahilan ng recession na nararanasan ng merkado sa US at Europa. Maapektuhan rin aniya ang mga OFW sa mga export-oriented na bansa tulad ng Taiwan.

Sa bilang ng Department of Labor and Employment (DOLE), aabot sa 3,500 manggagawa sa 70 kompanya ang natanggal sa trabaho mula Oktubre hanggang Disyembre noong nakaraang taon. Karamihan dito ay kompanyang Taiwanese. May taya pa ang DOLE sa Taiwan na may 5,000 hanggang 6,000 manggagawang Pilipino ang matatanggal sa trabaho hanggang Hunyo sa taong ito.

Optimistikiong paghahanda ng bansa?

Sa kabila ng karima-rimarim na kalagayang ito, optimistiko pa rin daw si Roque. “Hindi gaanong malaki” raw ang mawawalan ng trabaho.

“Nasa manageable level ito. Kaya ng safety nets natin,” sabi niya. Naghahanda na umano ang DOLE ng ilang livelihood programs at pautang sa mga mawawalan ng trabaho. Tantiya pa niya, humina man ang industriyang pananamit at electronics, magkakaroon naman aniya ng pag-asa sa retail at business process outsourcing (BPO).

“(Pero) maaaring matapatan ng ilang tagumpay ang kawalan sa ibang sektor,” ani Roque.

Pero di sang-ayon dito ang Ibon. Sa datos ng grupo, matindi ang magiging epekto sa BPO (kasama dito ang call centers). US ang bumubuo sa 2/3 ng foreign equity at 90% ng kita ng bansa sa BPO export. Ayon sa Ibon, malabong maabot ang tayang 940,000 trabahong BPO hanggang 2010 kung ang empleyo sa larangan ay nasa 320,000 lamang sa kasalukuyan.

Samantala, kabilang sa solusyon ng gobyerno ay paghahanap ng trabaho sa iba pang bansang maaaring di gaanong apektado ng krisis. Pinangunahan kamakailan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang negosasyon sa mga gobyerno ng Bulgaria at Romania para sa pagpasok ng mga manggagawang Pilipino. Para sa POEA, sa ngayo’y namamantini pa nila ang araw-araw na pagpapadala ng average na 3,647 Pinoy sa ibang bansa.

Ngunit para sa Ibon, malalagay lamang sa alanganin ang mga OFW. Anila, mahaharap rin ang mga manggagawa sa pagkatanggal sa trabaho, kundi man sa mababang sahod. Hindi lamang anila ito sa US kundi sa lahat ng bansa. Partikular man ang US, ito’y dahil 52% o US$14.5 Bilyon ang nakukuhang remitans ng bansa ay galing sa naturang bansa.

Dagdag pa, pansin mismo sa kilos ng mga gobyernong apektado ng krisis tulad ng Taiwan na titindi lamang ang tanggalan. Inanunsiyo ng gobyerno ng naturang bansa na magbabawas sila ng dayuhang mga manggagawa dahil sa krisis. Mahigpit ang panawagan ng gobyerno ng Taiwan na unahin munang iempleyo ang lokal na mga manggagawa nila bago ang mga dayuhan tulad ng mga Pinoy.

Pinatotohanan din ng ilang datos ng Ibon ang naunang pahayag ng DOLE na bababa ang demand ng mga produkto ng electronics at pananamit, at idinagdag pa nila ang furniture at woodcrafts. US ang partikular na malaking merkado ng mga produktong ito, na nakakakuha ng 60% sa kabuuang eksport ng bansa para sa pananamit, at 40% naman para sa furnitures.

Sa sub-sector naman, hihina ang elektroniko na lumilikha ng semi-conductors at microprocessors na gamit para sa kagamitan tulad ng laptops, isang produktong bababa ang demand sa US. Kasalukuyang may 500,000 hanggang 600,000 manggagawa ang lumilikha para sa sub-sector ng electronics para sa export. Ang US naman ang pinakamalaking end-consumer ng kagamitang elektroniko.

Kahanay ng mga ito, maaapektuhan rin ang turismo, kabilang rito ang business travel outfits at mga hotel at restawran, sa pagbaba ng lokal at dayuhang mga turista.

Pangako na naman

Samantala, kasabay ng pagtanggi ng gobyernong Arroyo na maaapektuhan ang lokal at dayuhang trabaho ng mga Pilipino, tila inutil din itong saluhin ang mga manggagawang nasibak na sa kanilang mga trabaho.

Noong Disyembre 5, 2008, iniharap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa media sina Joanna at iba pang OFW na natanggal sa trabaho sa Taiwan. Pinangakuan sila ng programang pangkabuhayan na nagkakahalaga mula P50,000 hanggang P200,000.

Bilang patunay, pinapunta pa sila sa Malakanyang noong araw na iyon. Doon, hinarap sila ni Pangulong Arroyo at kasabay ng kislap ng mga kamera, iniabot nito ang apat na tseke sa mga napauwing OFW bilang tulong umano sa kanila.

Pero matapos ang kislap ng mga kamera at ilang pananalita ng Pangulo, agad itong umalis. Ni hindi man lamang kinausap ang mga OFW hinggil sa kanilang kalagayan. Nais hilingin ng mga OFW sa Pangulo na mabayaran ang unexpired portion ng kanilang kontrata, maibalik ang kanilang placement fees at maimbestigahan ang mga recruitment agency na nagsasamantala sa mga migranteng katulad nila.

Ayon kay Joanna, lampas sa itinatakdang limit ng gobyerno ang ibinayad nila sa Network Management Corp., ang ahensiyang nagpaalis sa kanila papuntang Taiwan. Mula P84,000 hanggang P110,000 ang ibinayad nila sa naturang ahensiya samantalang dapat ay mula P25,000 hanggang 30,000 lamang ang siningil sa kanila.

Laban, bawi

Ang pinakamasaklap, binawi pa ng OWWA ang ibinigay nitong mga tseke sa mga OFW. Kailangan pa raw itong idaan sa proseso. “Awa ng Diyos, hanggang ngayon, hindi pa namin nahahawakan ang tsekeng ibinigay umano ni Pangulong Arroyo sa amin,” himutok ni Joanna.

Noong Enero 15, 2009, pinangakuan muli sina Joanna ni Roque. “Siya pa mismo ang tumawag sa opisina ng Migrante International noong Enero 14. Ang sabi niya, siya mismo ang makikipagdayalogo sa amin. Pero noong dumating kami sa tanggapan ng DOLE, hindi namin nakita ni anino ni Sec. Roque. Kung ang simpleng pagtupad sa usapan ay hindi niya tinupad, iyon pa kayang mga ipinangako nilang tulong sa amin?” ani Joanna.

Ang masama pa, dahil sa “photo op” nila kay Pangulong Arroyo, hinahabol na sila ngayon ng mga inutangan nila para makaalis ng bansa at makapagtrabaho sa Taiwan.