Krusada para sa hustisya ng isang pamilyang OFW


Pinalalayas ang isang pamilya sa gilid ng kalsada—pero hinihintay pa nila ang hustisya para sa kaanak nilang OFW na namatay sa misteryosong mga sirkumstansiya.

Si Virgie Candido, bitbit ang larawan ni Julie at ang kanyang mga panawagan (Ilang-Ilang Quijano)
Si Virgie Candido, bitbit ang larawan ni Julie at ang kanyang mga panawagan (Ilang-Ilang Quijano)

“UMUWI ka na lang. Aanhin pa ang pera kung durug-durog naman ang iyong katawan?”

Ito ang pagsusumamo ng 53-anyos na si Virgie Candido sa kanyang anak na si Julie, na nagtatrabaho noon bilang domestic helper sa Lebanon nang pumutok doon ang giyerang nagpauwi sa libu-libo pang gaya niya.

Pero matapang si Julie. Masigla pa niyang sagot sa kanyang ina, “New Year pa rin dito,” habang pinaparinig ang putok ng mga pinakakawalang bomba, sabay pagsisiguro na malayo naman siya sa kapahamakan.

Matapos ang tatlong taon, namatay si Julie habang namamasukan naman sa Dubai. Naaksidente raw si Julie, sabi ng Department of Foreign Affairs. Pero hindi naniniwala ang kanyang pamilya. Tulad ng iba pang mga kaso ng misteryosong pagkamatay ng mga OFW (Overseas Filipino Worker), pang-aabuso ang hinihinalang tunay na dahilan.

Kaya’t sa gitna ng napipintong demolisyon sa kanilang tirahan, ipinaglalaban ng pamilya ang karapatan na manatili sa lupang deka-dekada nang tinitirikan—nang mula rito’y maihatid si Julie sa kanyang huling hantungan.

Dinaya sa lupa

Nakatira sa isang barung-barong sa Moore St., sa gilid ng West Ave., Quezon City ang pamilya Candido. Dito sila itinaboy nang mademolis noong Agosto 2008 ang mahigit 60 kabahayan sa 1,030 metro-kuwadradong loteng 30 taon na nilang tinitirhan.

“Talahiban pa ito nang una kaming manirahan,” kuwento ni Nanay Virgie. Sa pagdaan ng mga taon, dumami rin ang mga maralitang nanirahan sa nasabing lote. Napagpasyahan nilang subukang bilhin mula sa gobyerno ang lupang naka-klasipikang abandonado (abandoned land), sa takot na agawin pa ito ng pribadong mga debeloper na nagsimulang magtayo ng komersiyal na mga gusali sa kalapit na lugar.

Nang magkaroon ng public auction noong 2005, nanalo ang mga residente sa bidding. Kaya naman nagulat na lamang sila nang malamang inaangkin na ang lote ng isang arkitekto. Dahilan ng gobyerno, nasunog ang kanilang titulo sa lupa sa Quezon City Hall kaya’t naipagbili nila ito. Noong nakaraang taon, idinemolis sila kahit walang utos mula sa korte.

Kabilang ang pamilya Candido sa 25 kabahayang nanindigan. “Hindi kami bobo. Nakakaintindi naman kami ng kahit kaunting legalidad sa lupa,” sabi ni Nanay Virgie. Sa halip na tanggapin ang P23,000 financial assistance na inalok ng may-ari, patuloy silang nanirahan sa gilid ng lote, sa kabila ng maya’t mayang banta ng demolisyon.

Misteryosong pagkamatay

Tuwing tumatawag si Julie sa kanyang pamilya, itinatanong niya kung may nakakain pa sila. Nagpapahayag din siya ng pag-aalala hinggil sa kanilang problema sa paninirahan. Pangako niya sa kanyang ina, mag-iipon siya para makabili sila ng sariling lupa, kahit pa katumbas lamang ng P12,000 kada buwan ang kanyang isinusuweldo roon.

Nakapagtapos ng bokasyunal na kursong Radio and Television Technology sa Polytechnic University of the Philippines, walang mapasukang trabaho si Julie. Nauwi siya sa pagkakatulong at pagtitinda ng balot.

Isang araw, sinabi niya sa kanyang ina na kukuha siya ng passport. Nang tanungin ni Nanay Virgie kung bakit, “Wala lang, malay mo,” ang kanyang sagot. Taong 2005 nang tuluyang siyang nangibang-bayan, para matulungan sa pagpapaaral ng mga kapatid ang ina na kakarampot lamang ang kinikita sa paglalabada.

Umuwi rin si Julie nang tumindi ang giyera sa Lebanon—pero makaraan ang ilang buwan, muli siyang nangibang-bayan.

Disyembre 24, bisperas ng Pasko noong nakaraang taon, nagulantang na lamang ang pamilya Candido nang tumawag ang DFA. Namatay raw si Julie sa suffocation. Kuwento umano ng kanyang amo, hindi nakahinga si Julie nang magpahid ng langis sa katawan para hindi ginawin sa gitna ng taglamig sa Dubai.

Duda si Neneng Gregorio, pinsan ni Julie, na ganoon ang nangyari sa kanya. Noong Nobyembre, tumawag ito sa kanya, umiiyak. “Sabi niya, may problema ako. Sabi ko, anong problema mo? Ayaw niya sabihin pero iyak lang siya ng iyak. ‘Yun ‘yung huli naming pag-uusap,” aniya.

Bago nito, naikuwento ni Julie na kinumpiska ang kanilang cell phone dahil diumano’y “nagdala ng lalaki” ang isa niyang kasamahang domestic helper, na ikinagalit ng kanyang amo. Simula noon, tumatakas na lamang si Julie para makatawag sa kanyang pamilya.

Reklamo ni Nanay Virgie, hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na opisyal na autopsy report mula sa DFA. Wala pa ring linaw kung kailan maiuuwi ang bangkay ni Julie.

Halos kapareha sa kaso ng misteryosong pagkamatay ng domestic helper sa Saudi Arabia na si Eugenia Baja ang diumano’y kabiguan ng gobyerno na sumaklolo at mag-imbestiga sa posibleng kaso ng pang-aabuso, ayon sa grupong Migrante International.

Namatay noong Pebrero 18, 2008 si Baja. Ayon sa kanyang amo, suicide ang naganap—binagok ni Baja ang sariling ulo sa tiles ng banyo at nagbuhos ng klorox sa sarili. Pero batay na rin sa autopsy report ng bangkay, ginutom ang OFW nang isang buwan at mayroon ding mga marka ng pang-aabuso sa katawan. Bago ang insidente, nagpadala rin si Baja ng text message sa kanyang pamilya na humihingi ng tulong.

Barikada sa Moore St.

Hindi lamang isang maayos na burol para kay Julie sa tahanang nakatirik pa ang hiling ng pamilya Candido. Nais din nila’y malaman ang puno’t dulo ng kanyang pagkamatay at maparusahan kung may dapat managot. Pero sa krusadang ito para sa hustisya, tila hindi nila kakampi ang gobyerno na umano’y nagpabaya.

Kamakailan, sumali ang pamilya Candido sa barikada sa Moore St. laban sa demolisyon na pinangunahan ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). “Ito na ang klasik na ‘paggisa sa sariling mantika,'” ayon kay Jon Vincent Marin, public information officer ng Kadamay. “Pahihirapan ka, sukdulang makipagsapalaran ka na sa ibang bansa, ngunit ‘pag may nangyaring sakuna, ayaw nang panagutan at nagagawa pang gipitin ang mga naiwan mong mahal sa buhay.”

Hindi inakala ni Nanay Virgie na ang pagpupursige ng kanyang pamilya para magkaroon lamang ng disenteng tirahan at pagkain sa pang-araw-araw ay susuklian ng inhustisya ng pagkamatay ni Julie nang walang linaw, at banta ng demolisyon anumang araw. Kung tutuusin, hindi rin niyang inakalang sasama siya sa isang barikada, lalaban, at haharap sa midya.

Pero aniya, gaya ng katuwiran ng kanyang anak nang siya ay unang mangibang-bansa, wala nang ibang landas na mapagpipilian.