Uncategorized

“Wala akong asawa sa Cannes kaya pasado ang pelikula ko ro’n” -Brillante Ma. Mendoza


Ngayon ay itinutuwid ni Brillante ang balitang malakas lang siya sa Cannes Film Festival kaya nakakapasok ang kanyang mga pelikula sa pretihiyosong international film festival sa buong mundo.

Nilagyan na ni Dante Mendoza ng panggitnang pangalan ang kanyang screen name na Brillante Maria Mendoza o sa pinaikling Brillante Ma. Mendoza.

Pinoy na Pinoy na nga naman ang dating at Hispanikog-hispaniko. Kolonyal na kolonyal.

Ngayon ay itinutuwid ni Brillante ang balitang malakas lang siya sa Cannes Film Festival kaya nakakapasok ang kanyang mga pelikula sa pretihiyosong international film festival sa buong mundo.

“Wala akong asawa o dyowa sa Cannes kaya pasado ang mga pelikula ko ro’n,” mahigpit na pahayag ni Dante sa gitna ng mga tsismis at intriga na may asawa siyang malakas sa screening committee ng Cannes.

“Sa merits lang ng pelikula ko nakabatay ang pagkakasali ko sa Cannes kahit noon pa. Walang gano’ng standard na malakas o may kabit ako ro’n,” paglilinaw ng mahusay na filmmaker.

***

Ngayong taong ito ay kasama na naman si Dante sa Cannes at hindi lang sa mga seksyon na Un Certain Regard o Out of Competition/Special Screenings o sa Directors Fortnight kundi sa Main Competition pa rin.

Nakapasa muli ang kanyang pelikula sa mabusising panlasa at pagpapasya ng komite ng pestibal.

“Kinatay (The Execution of P)” ang opisyal na lahok ni Mendoza sa 62nd Cannes Filmfest sa Cannes, France na ginaganap na French Riviera taun-taon.

Ito ang kasunod ng Oscars sa pagiging bating kahit gabi ng parangal lang ang Oscars samantalang may kasamang film market at grandeng pagdiriwang nang isang linggo ang Cannes.

***

Noong isang taon ay kasama rin si Dante sa Cannes sa pamamagitan ng kanyang “Serbis” na pinuri ng mga kritiko gayundin naman ay may pumuna rin pero balewala sa direktor ang mga negatibismo.

“Ganyan lang naman sila. Hayaan mo nga sila at mapapagod rin ang mga ‘yan sa kaiintriga. ‘Yong mga American critics naman, I welcomed them with open mind. Gano’n talaga ang criticism, nakakatulong ‘yon pero huwag lang ‘yong destructive,” paliwanag ni Brillante.

Nauna nang tinanggap si Dante sa Cannes sa pamamagitan ng “Foster Child” noong 2007 at nasundan na ito nang nasundan.

***

Kalaban lang naman ngayong taong ito ni Brillante ang mga popular at magigiting na direktor sa ibang bansa tulad nina Pedro Almodovar ng Spain para sa kanyang “Los Abrazos Rotos,” Jane Campion ng New Zealand para sa kanyang “Big Star,” Park Chan-Wook ng South Korea para sa kanyang “Thirst,” Quentin Tarantino (ang direktor na nag-Barong Tagalog, binaha sa Maynila nang pumunta siya rito mga dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa Cinemanila International Film Festival, nag-pedicab patungong Malacanang para sa parangal) ng Amerika para sa kanyang “Inglourious Basterds” na si Brad Pitt lang naman ang bida.

Noon namang isang taon ay si Clint Eastwood ang katunggali ni Mendoza sa pagka-Best Director sa Cannes.

Kaya dapat lang na ipagmalaki at ipagkapuri ang isang tulad ni Brillante na brilyanteng-brilyante ang kinang.

***

Ang 2009 Cannes filmfest ay magsisimula sa ika-13 at magtatapos sa ika-24 ng Mayo ngayong taong ito.

Nagpapa-post production na si Brillante para sa kanyang “Kinatay (The Execution of P)” na pinangungunahan nina Coco Martin at Maria Isabel Lopez. Magkasamang 35mm at digital ang kamera na ginamit ni Mendoza sa pelikulang ito na sinulat ng premyado ring mandudulang pampelikula na si Armando Lao, kilala rin sa tawag na Bing Lao.

Ayon kay Dante, baka siya na lang ang pumuntang Cannes dahil wala siyang perang maipapamasahe sa mga delegasyon ng Pilipinas sa marangyang pagtitipong ito puwera na lang kung gagastusan siya ng gobyerno ng Pilipinas na siya ring makikinabang sa tagumpay na ito ni Brillante.

***

Nasa Amerika ngayon si Maria Isabel pero hindi siya nahuhuli sa balita. Para sa kanya ay karangalan ang makasama sa isang pelikulang ipapalabas sa Cannes.

Maugong na sa buong mundo ani Maribel ang balitang kasama na naman ang Pilipinas sa mahuhusay na pelikulang maglalaban-laban sa Cannes.

At sana ay maging bukas ang pamahalaan kung sakali at hindi na naman maganda ang ipamalas na buhay ng Pilipinas sa pelikula.

Magsisilbi rin itong pangmulat sa mga kinauukulan kung paano umunlad an gating bayan sa pamamagitan ng pelikula at hindi lang ng mga kampanya na panggobyerno na kadalasan at sulimpat at duling.

***

Kasama ni Lopez sa kanyang bakasyon ang mga anak na sina Mara Isabella Lopez Yokohama, ang batang aktres na nag-aaral ng Mass Communication sa De La Salle University at ang bunsong kapatid niya na si Ken Yokohama.

Pagkatapos na mag-Hawaii nina Maribel ay dadako sila sa Mainland para naman makadaupang-palad ng Binibining Pilipinas-Universe ang kanyang kasintahan na si Wade Rowland.

Walang pagsidlan ng kaligayahan si Maribel sa mga pagkakataong ito kaya naman patuloy siyang umaasa na sana’y tuluy-tuloy na ang kanyang magagandang kapalaran sa pribado at publikong buhay.

***

Hindi lang naman si Brillante ang tampok na Pinoy sa Cannes ngayong 2009.

Pati sina Raya Martin at Adolf Alix, Jr. ay nagdiriwang din dahil ang kanilang mga obra ay kasama rin sa 62nd Cannes International Film Festival kahit na hindi sa main competition.

Kung noong isang taon ay nakapasok sa Directors Fortnight ang “Now Showing” ni Raya, ngayon ay sa dibisyong Un Certain Regard naman nakapasa ang kanyang obra maestrang “Independencia.”

Ang Un Certain Regard ay seksyon kung saan ipinapalabas ang mga pelikulang pinapanood ng mga kritiko at mga ordinaryong manonood.

Tampok sa “Independencia” si Tetchie Agbayani na pumalit kay Vilma Santos nang tanggihan na ng Gobernadora ng Batangas ang papel.

Gayunman, inoohan na ito ni Vilma noon pa pero bilang naging abala ang aktres sa kanyang pulitika at sa tinanguan nang kompromiso sa Star Cinema.

***

Samantala, ang “Manila” naman na kapwa gawa nina Martin at Alix ay nakapasok sa Out of Competition Section o Special Screenings at ang makahanay sa pagtatampok na ito ay isa nang karangalan.

Ang “Manila” ay tungkol sa pinagsamang impresyon at pagtanaw sa mga pelikulang “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag” ni Lino Brocka at “Manila By Night” ni Ishmael Bernal.

Si Piolo Pascual ang bida rito at siya rin ang prodyuser ng pelikula na tiyak na maghahatid na naman sa kanya sa rurok ng paggalang bilang aktor at kapitalista ng aninong gumagalaw.

***

Samantala, magandang balita rin na ang bida sa Korean film na entry sa Cannes 2009 na “Thirst” ay walang iba kundi isang Filipina at nakilala rin sa Cannes noong 2008 dahil isa siya sa mga aktres ng “Serbis,” at siya ay si Mercedes Cabral.

O, kita n’yo na, mga Pinoy ang nagniningning sa iba’t ibang malalaki at banyagang film event na maghahatid sa ating bansa at lipunan sa respeto kahit na ang mga materyal ng mga ito ay ang buhay na parang baboy ng mga Filipino.

‘Yon ang katotohanan ng buhay at kailangang batahin at tanggapin ng mga lider at siyang baguhin at palitan ng bagong katotohanan.

Sa gayon ay magiging mas maganda at mas maunlad ang ating bayan.

***

Tungkol sa lokal na bampira ang “Thirst” at si Mercedes ay isang tauhan na mag-aalaga sa isang Koreyano na biktima ng kababalaghang ito kaya naman nagparoon at parito si Cabral para mag-shoot ng pelikulang talagang pinagtuunan ng pansin ng direktor na si Park.

Pinuri ni Mercedes ang Koreyanong filmmaker sa kabusisian at kahusayan sa pagpapalagaw ng mga artista.

Ayon kay Cabral, talagang abante na ang film industry ng Korea kaya kailangang gayahin ng mga Filipino ang disiplina ng mga Koreyano sa sining ng pelikula para makahanay tayo sa mauunlad na bansa.

Kailangan ani Mercedes na alisin na ang inggit na mapanira sa puso at isip ng mga Filipino upang makaagapay tayo sa pagbabago at kaunlaran hindi lang sa pelikula kundi sa mga bagay na naidudulot nito sa ating buhay para umasenso.

Maitatanong kung makakapagpakain ba ang pelikula sa ating kumakalam na sikmura.

Siyempre naman dahil kung katotohanan ng buhay ang ipinamamalas sa pinilakang tabing, mas malamang kaysa hindi ay mamulat magising tayo sa matagal na ating pagkakahimbing sa kawalang katiyakan at kawalang pakialamanan sa isa’t isa.

Ang pelikula ay nagpapaalala sa ating na tayo ay may karapatan at katungkulan para sa pag-unlad ng ating kapwa.

***

Matinding sagupaan ang mangyayari sa Cannes sa pagbubukas pa lang nito sa ika-13 ng Mayo at ayon kay Dante, malalaking produksyon mula sa Thailand o sa Hong Kong ang kanyang kinokontak para luminis at bumusisi sa kagandahan ng “Kinatay (The Execution of P” na kinunan ni Mendoza sa 35mm at digital camera.