Kailan mapapasakanila ang lupang inaasam?


Sila ang nagbigay-buhay sa dating damuhang lupain sa Brgy. Irisan, isang bulubunduking bahagi ng Baguio City. Pinalalayas sila ngayon ng pribadong may-ari raw ng lupa. Pero hindi sila pagagapi.

pw-features-irisan01“DATI, damuhan lamang ito. Marami ring malalaking bato. Amin lamang itong pinatag, nilinis at saka tinayuan ng bahay.”

Ito ang mapagnilay na salaysay ni Rosario Saguid*, 67, habang nakatanghod sa bulu-bundukin ng Cypress Point Village (o Cypress). Lugar ito sa baranggay Irisan, lungsod ng Baguio, kung saan naninirahan ang libong mga “dayo” mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Katutubo ang kalakahan sa kanila, mula sa mga lalawigan ng rehiyon ng Cordillera na piniling manirahan sa lungsod bunsod ng pang-ekonomiyang pangangailangan.

Dati’y illegal settler kung sila’y ituring dahil may nagmamay-ari umano na pribadong entidad sa lupaing ito. Ngunit nang ipinatupad ang Community Mortgage Program (CMP) noong taong 2003, nagkaroon ang mga residente ng pag-asang legal na nilang maaari ang lupang kinatatayuan ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng buwanang amortisasyon.

Sa kabila nito, matapos ang ilang taon, hindi pa rin mapanatag ang mga residente nito dahil sa kabi-kabilang banta ng pagpapalayas. Pasan din nila ang mabigat na buwanang bayarin para sa ipinangako sa kanilang lupain.

At titulo ng lupang inaasam, wala pa ni isa sa kanila ang mayroon.

Pagbabalik-tanaw

Ayon sa salaysay ng naunang mga residente, magkabiyak na Ibaloi ang unang nanirahan sa Irisan. Nag-ampon umano sila ng batang lalaki na nagkaroon naman ng tatlong anak. Namatay ang ampon noong 1926 at minana ng kanyang mga anak ang lupain. Samantala, ayon sa pananaliksik ng Organisasyon dagiti Nakurapay nga Umili ti Syudad (Ornus), isang alyansa ng mga maralitang lungsod sa Baguio, ipinagbili ito noong 1962 ng magkakapatid sa Cypress Point Village Incorporation (CPVI), na pinamumunuan noon ni Benjamin Tamesis.

Nahati ang lupain sa mahigit 200 lote na ipinagbili ng kompanya sa iba’t ibang indibidwal at pamilya. Gayunman, hindi lahat ng lote ay naipagbili. Ayon sa mga residente, sandaling panahon lamang mula nang mabili ng CPVI, inabandona na ang lupaing ito ng nasabing kompanya. Samantala, ang hindi naipagbiling parsela ng lupa ay ginamit umanong kolateral ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa loan ni Tamesis sa ahensiyang ito.

Sa panahon ding ito nagsimulang manirahan sa Cypress ang iba pang mga dayo mula sa Ifugao, Kalinga, Mountain Province at iba pang lugar sa labas ng Cordillera. Malaking bilang sa kanila ay pamilya ng mga minero na nawalan ng trabaho nang ipagbawal ang pagmimina sa mga bundok ng Cordillera. Sa kasalukuyan, mayroon nang 2,700 na naninirahan dito, ayon sa ulat ng Ornus.

Marami sa kanila ang nagtangka na lehitimong magmay-ari ng lupa sa pamamagitan ng pagproseso ng kanilang townsite sales application.

Isa ang pamilya ni Rosario sa mga nagtayo ng kanilang tahanan sa Cypress. Mga katutubong Igorot, nilisan nila noong dekadang ’80 ang pagsasaka sa Antadao sa Sagada, Mountain Province sa pag-asang may mabuting buhay na naghihintay sa kanila sa lungsod. Hindi umano nakasasapat ang kinikita nilang mag-asawa upang itaguyod ang kanilang siyam na supling. Sa Baguio, nagsimula silang maglako ng iba’t ibang paninda at pinasok ang iba’t ibang uri ng hanapbuhay.

Pero matapos ang pagpapaunlad sa komunidad, giniba ang kanilang tahanan kasama ang mahigit 30 pang istruktura noong 2003 nang sinimulang ipatupad ang CMP sa Cypress. Hanggang sa kasalukuyan, ilang taon matapos ang pangako ng pagmamay-ari ng lupa, patuloy ang banta ng demolisyon at pagpapalayas sa mga residente sa kanilang kabahayan.

Tulong upang makapagmay-ari ng lupa?

Ilang taon nang ipinapatupad ang CMP sa humigi’t kumulang 18 ektarya ng Cypress.

Isang pamamaraan ang CMP sa ilalim ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act na maaaring mabigyan ng pagkakataon ang mga maralitang lungsod na magmay-ari ng lupa. Ayon pa sa batas na ito, kailangang iangat ang kalagayan ng mga maralita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng abot-kaya at disenteng panirahan at pagbibigay-daan upang makapaghanapbuhay ang mga ito.

Sa pamamagitan umano ng pagbabayad ng buwanang amortisasyon, mapapasakanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahahan sa loob ng ilang taon. Sa kaso ng Cypress, sa 25 taon ng tuluy-tuloy na pagbabayad, ipagkakaloob umano ang titulo ng lupa sa mga residente.

Samantala, ilang “stakeholder” ang nakapaloob sa pagpapatupad ng CMP: ang nagmamay-ari ng lupa na nais itong ipagbili; ang bubuuing home owners association sa loob ng komunidad; ang National Home Mortgage Financing Corporation kung saan maaaring umutang ang mga residente; ang National Housing Authority kasama ang lokal na pamahalaan at mga non-government organization na tutulong sa “pagbubuo at pagpapatatag” ng home owners association.

Sa kasalukuyan, Asia Pines Hills Development Corporation (APHDC) ang nagmamay-ari sa lupain ng Cypress . Ayon sa GSIS, ipinagbili nila sa APHDC ang lupaing ginawang kolateral matapos mabigong makapagbayad ng loan si Tamesis. Kaya naman ang Cypress ay naging pag-aari na ng kompanyang ito.

Dahil sa lawak ng Cypress, mayroon namang nabuo na tatlong home owners association.

Samantala, ayon sa ulat ng Ornus, ipinakilala ng Presidential Commission on Urban Poor ang CMP sa Cypress bilang paraan upang unti-unti umanong mailipat ang pagmamay-ari nito mula sa APHDC tungo sa mga residente.

Ang napagkasunduang halaga bawat metro-kuwadrado ay mula P600-P800 depende kung saang bahagi sa Cypress nakatayo ang kanilang tahanan. Ngunit karamihan sa mga residente, hindi makayanan ang laki ng bayarin dahil wala silang regular na hanapbuhay. At sa sandaling hindi makabayad ang mga residente, maaari gibain ang kanilang mga tahanan.

Gaya ng nangyari sa pamilya ni Rosario noong 2003.

Bagama’t pinangakuan sila ng relokasyon, hanggang ngayon ay hindi ito naisasakatuparan, matapos ang napakaraming taon. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin mapanatag ang iba pang mga residente dahil lagi’t laging may banta ng demolisyon at pagpapalayas sa Cypress.

Hakbang ng maralita

Pinaghahandaan ngayon ng Ornus ang lubos pang pagsisiyasat hinggil sa pagpapatupad ng CMP sa Cypress. Hinihiling nilang tuluyang itigil ang mga banta ng demolisyon at alisin ang multa sa mga residenteng hindi regular na nakapagbabayad dahil sa hirap ng buhay.

Gayundin, nais alamin ng grupo kung mayroon ngang katiwaliang kalangkap ang pagpapatupad ng CMP. Maraming residente ang nagtatanong kung saan napupunta ang halagang nauna na nilang ibayad sa kabila ng hirap ng kanilang buhay.

Sa inisyal na pagsusuri ng Ornus, hindi naisakatuparan ng CMP ang pangako nitong lupa’t tirahan sa mga residente ng Cypress.

Marami pang ibang komunidad sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang sumsailalim sa programang ito. Ngunit marami na ring mga maralitang lungsod ang nakakaalam na tila pangako lamang ang lahat ng ito. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), bahagi lamang ang CMP ng “negosyong pabahay” ng pamahalaan.

Ayon sa grupo, sa halip na tulungan ang mga maralita na magkaroon ng sariling lupa at disenteng panirahan, “pinakakakitaan” pa nila ang mga ito sa pamamagitan ng paniningil ng mataas na halaga kapalit ang pangakong mapapasakanila ang kanilang lupa. Kahina-hinala rin umano ang mga entidad at indibidwal na nagsasabing kanila ang inaangking lupa.

Dagdag pa ng grupo, batayang karapatan na kailangang ipagkaloob ng pamahalaan sa maralita ang disenteng pabahay. Hindi umano magtatagumpay ang katulad na programa hangga’t walang kakayahan ang mga mamamayan na regular na makapagbayad para sa kanilang lupa.

“Tunay na proyektong pabahay” umano ang kailangan ng mga maralitang lungsod ng bansa, na umaabot na ng 30 milyon ngayon. Patuloy silang nag-aasam ng permanteng tirahan, batayang serbisyo at kabuhayan sa gitna ng tumitinding krisis ng bansa.

Samantala, patuloy na umaasa ang pamilya ni Rosario na muli nilang maitatayo ang kanilang bahay sa lupang minsa’y naging kanilang tahanan. Kasama ng iba pang mga residente ng Cypress, ipaglalaban ni Rosario ang kanilang karapatan sa lupa kung saan umusbong ang kanilang komunidad.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi binibigay sa amin ang aming karapatan,” ani Rosario.

*Pakiusap ng kinapanayan na huwag banggitin sa artikulo ang kanyang tunay na pangalan sa pangambang “pag-initan” ang kanyang pamilya at gibain ang bahay na kanilang itinayo sa kalapit na lugar.

Mga kuha ni Jeffrey Ocampo