Uncategorized

Ai Ai de las Alas at Rufa Mae Quinto, hinahamon ni Ramona Revilla


Hindi porke’t walang pelikula o programang pantelebisyon ang seksing aktres na si Ramona Revilla ay hindi na siya puwedeng pumantay pa kina Ai Ai de la Alas at Rufa Mae Quinto. Ayon kay Ramona, kung nakakabili ng mamahaling kotseng Jaguar sina Ai Ai at Rufa Mae, siya man ay may gano’n ding kotse. “Kahit wala […]

Hindi porke’t walang pelikula o programang pantelebisyon ang seksing aktres na si Ramona Revilla ay hindi na siya puwedeng pumantay pa kina Ai Ai de la Alas at Rufa Mae Quinto.

Ayon kay Ramona, kung nakakabili ng mamahaling kotseng Jaguar sina Ai Ai at Rufa Mae, siya man ay may gano’n ding kotse.

“Kahit wala akong pelikula, I see to it na kumikita ang mga investment ko para naman hindi masabi ng mga kasabay ko sa showbiz na walang nangyari sa aking pag-aartista,” pahayag ni Revilla.

Tatlo lang anya sila, sa abot ng kanyang naiisip at nalalaman, sa mga aktres na may Jaguar at ipinagmamalaki niya ito.

“Sino ba naman sa iba pang artista ang makaka-afford ng Jaguar. Ang mahal-mahal ng Jaguar, huh! Kaya nga pinag-ipunan ko pa ito para naman may maipagmamalaki ako sa mga kapwa ko artista.

“Na kung nag-ipon lang ang ibang mga kasabay ko sa showbiz, marami silang mabibili in the future. Iba kasi ang laban sa showbiz kaya kailangang strike while the iron is hot, ‘ika nga,” sabi pa ng bituin.

***

Sa isang lipunang tulad ng Pilipinas na ang tagumpay ay sinusukat sa pagkakaroon ng mga materyal na bagay, ang Jaguar bilang sasakyan ng mga artista ay inaaring simbolong panlipunan.

Ito ang nakakaimpluwensiya sa ibang tao para mangarap kahit na suungin ang kawalang halaga ng pagninilay-nilay mangibabaw lang ang katinuan.

Sinabi ni Ramona na kahit hamunin niya ng mga nakamtan sa buhay sina de la Alas at Quinto ay kanyang gagawin para lang mapatunayan na ang pag-aartista ay hindi habambuhay na makapagdudulot ng ginhawa lalo na pag hindi ito naalagaang mabuti.

Itinatanong nga ni Ramona kung nasaan na ang kanyang mga kasabay tulad nina Sabrina M., Katrina Paula, Aya Medel at marami pang seksing aktres.

***

Naglagak din si Revilla ng kanyang pera sa negosyo tulad ng money market para anya’y may madukot siya kung sakali at siya ay magipit sa anumang bagay na gagastusan ng pera.

“Mahirap na ang buhay ngayon. Kailangang praktikal tayong lahat para mabuhay. Kaya nga ang maipapayo ko sa mga artista ngayon, mag-ipon at nang may madudukot sa tag-ulan at tagtuyot.

“Marami ang nangmaliit sa akin noon pero ngayon ay tingnan natin an gaming mga naging kapalaran,” paghahamon pa ng bituin.

***

Ang kaibigan nga palang matalik ni Ramona na si Izza Ignacio ay nagdadalantao na nang dalawang buwan.

Nang imbitahan namin siya sa paglulunsad n gaming ikatlong librong “Seksinema” kamakailan, hindi nakarating si Izza samantalang siya pa ang nangako sa aming darating siya kasama si Ramona.

‘Yon pala ay nasa Subic na si Izza kasama ang kanyang asawang si James at nagpapalamig sila roon.

Ito ang ipinagtapat ni Revilla sa amin bagamat nais talaga ni Ignacio na makibahagi sa aming okasyon.

Noong mga panahong ‘yon ay nagsimula na ang pangangarap nina Izza at James ng pagkakaroon ng supling.

***

Nabibilang sa mataas na lipunan si Ignacio hindi lamang sa kanyang propesyon kundi sa kanya ring edukasyon.

Alam ba ninyo na kahit matahin ng mga nagpapasosyal ang showbiz at sabihing baduy ito at bakya, iniba ni Izza ang konsepto ng showbiz sa kanyang pananaw?

Sa Miriam College, ang dating Maryknoll College, ang eskuwelahan ni Izza at alam na naman ninyo kung gaano kataas subalit mataas din ang pamantayan ng kanyang paaralan.

Kaya hindi dapat maliitin si Ignacio dahil nasa kanya ang lahat ng mga katangian ng isang makabuluhang tao.

***

Fil-Canadian ang naging asawa ng aktres at nagpakasal sila sa pari mga dalawang taon na ang nakakaraan.

Mula noon ay nag-asam na ng anak sina James at Izza bagamat ngayon lang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos ang kanyang kahilingan.

Alam ba ninyo na ninang si Ramona nang grandeng ikasal si Izza at James kaya naman gagawin ni Revilla ang lahat mabigyan lang ng magandang katotohanan ang kanyang amiga.

Mahal na mahal din ng mga magulang ni James si Izza.

***

Usapang sexy star pa rin…

Alam ba ninyo na ang mahusay na aktres na si Julia Lopez ay muntik nang maoperahan sa matris kamakailan?

Noong isang linggo ay sumakit bigla ang kanyang sikmura at ang akala lang niya ay madaling maaalis at bahagi lang ng kanyang ulcers pero ‘yon pala ay may mga polyps na ang kanyang obaryo nang tingnan siya ng doktor sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan.

Nakaapat na oras nga si Julia sa ospital kaya naman hindi na rin niya itinuloy ang kanyang miting sa amin kaugnay ng proyektong pelikula para sa kanya.

May ensayo pa nga siya ng sayaw sa New Porches Digital KTV sa may Maria Orosa sa Maynila pero naantala ito nang matuklasan ng manggagamot na kailangang linisin ang matris ng aktres.

***

Mabuti na lang at hindi delikado ang kalagayan ni Lopez dahil kung hindi ay hindi siya puwedeng magsayaw sa KTV bar ng gabing ‘yon.

“Hindi naman daw po cancerous ang nakuhang mga dumi sa matris ko. At saka, magkakaanak pa rin daw po ako kaya ‘wag akong mag-alala. Mababait ang mga nars at doktor sa CSMC.

Nagpapayo nga si Julia na kumunsulta na agad ang mga kababaihan lalo na pag may hinala silang may deprensiya ang kanilang reproduktibong mga bahagi ng katawan.

***

Tulad na lang nang nangyari sa nanay ni Francine Prieto na si Amelia Falcon.

Huli na nang matuklasan na may cancer of the ovary ang  bituin ng Seiko Films ni Robbie Tan.

“Masyado nang advance ang cancer ng nanay ni Francine,” pahayag ng peryodistang pampelikula na si Arthur Quinto.

Kaibigang matalik ng ina ni Prieto si Jean Tusi Contis, ang nanay ni Paolo Contis, kaya maraming alam ni Arthur tungkol sa kalagayan sa personal na buhay ni Francine.

“Ngayon lang na-detect kaya marami ang nalulungkot sa masamang balitang dumarating sa kanya,” wika ni Quinto.

***

Nanghihingi nga si Francine ng donasyong dugo sa mga kinauukulan. Inoperahan sa matris si Amy Falcon at sumalilalim na siya sa saykel ng tinatawag na NeoAdjuvant Chemotherapy.

Sinabi nang batang aktres, na naging Little StarBrighter ni Boy C. de Guia sa kanyang palatuntunan sa telebisyon noon na “StarBrighters” sa Channel 4, na kailangan niya ng dugo para sa kanyang ina.

Umapila nga si Francine sa lahat ng kanyang mga kaibigan, kakilala, kasama sa trabaho at iba pang sangay ng populasyon na magbigay ng dugo para kay Amy. “Mababa po kasi ang hemoglobin ng mother ko kaya kailangan niyang salinan ng dugo every now and then,” sabi ni Francine.

“Maganda ang nagdo-donate ng dugo dahil nalilinis ang ating sistema kaya sariwa na muli ang pumapalit na dugo sa veins natin,” pagdidiin ni Prieto.

***

Nananalangin kami na sana ay lumakas agad si Amy dahil marami ang nagmamahal sa kanya.

Kahit na napapagkamalan siyang stage mother ay bale-wala kay Amelia ang lahat bastat para sa kapakanan lang ng kanyang mga mahal sa buhay.

Si Amy umano ang pumilit kay Francine na mag-artista kahit na malagihay lang ang reaksyon ng bata.

Pero kinalaunan ay nagustuhan na rin ni Prieto ang kanyang ikalawang tahanan, ang showbiz.

Asensado na si Anna Marie Falcon, ang tunay na pangalan ni Francine.

***

Nasa Guam pala sa kasalukuyan ang magaling na aktres na si Ynez Veneracion at nagtatrabaho roon.

Ang balita’y nagkahiwalay na nang tahasan sina Ynez at ang kanyang matagal nang ka-on at ka-off na si Mon Confiado.

Bagamat laging bati-galit sina Ynez at Mon ay may balitang nakakita na ang aktor

ng babaing ipinalit niya kay Veneracion.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, mukhang diretsahan na ang break-up nina Ynez at Confiado.

Gayunman, maraming nanghihinayang sa labis na pagmamahal nina Ynez at Mon sa isa’t isa na mababale-wala lang ngayong mga panahong ito.