Uncategorized

Dolphy, in and out sa ospital


NANG dahil sa alingasngas na idinulot ng pagkakasakit ni Dolphy kamakailan, hindi maiwasan na isipin na malubha ang kanyang karamdaman dahil ayon sa mga nakakasaksi, labas-masok ang komedyante sa ospital.

NANG dahil sa alingasngas na idinulot ng pagkakasakit ni Dolphy kamakailan, hindi maiwasan na isipin na malubha ang kanyang karamdaman dahil ayon sa mga nakakasaksi, labas-masok ang komedyante sa ospital.

Ayon pa nga sa isa sa mga peryodistang pampelikula sa ABS-CBN news on line na si Reyma Buan-Deveza, ipinapa-off the record na anya ni Zsa Zsa Padilla ang kalagayan ng kanyang mahal sa buhay.

Pero kailangan ngang malaman natin ang katotohanan kaya tinawagan natin, sa pakiusap din ni Reyma, ang mga kakilala ng komiko na maaaring magbigay ng opisyal na pahayag tungkol sa kanya.

***

Ayon kay Nene Riego, ang opisyal na tagapagsalita ni Pidol, totoong naospital ang kanyang kliyente pero hindi naman naka-confine na parang malalagutan na ng hininga.

“Talagang labas-masok si Tito Dolphy sa ospital pero ‘yon ay kasama ng routine check-up niya. Wala namang masamang nangyayari sa kanya kaya unfair ang mga balita. Kasi, kahit ako, nakakabalita rin nang kailangan.

Like, si Vandolph, lagi ‘yang tumatawag sa akin. Nalalaman ko sa kanya kundi man direct from Tito Dolphy ang real situation. Like, no’ng last week, nang lumabas na parang naka-confine si Tito Dolphy. Birthday no’ng araw na ‘yon ni Vandolph at sabi niya, magpapabili na lang siya ng pagkain para dalhin sa kanyang bahay sa Jordan Plains sa Novaliches.

“Kasi, ang ulan-ulan no’ng araw na ‘yon. Kung talagang malubha si Tito Dolphy, hindi na magsi-celebrate ng birthday si Vandolph. Siyempre, tatakbo na ‘yan sa ospital. Pero hindi, e.”

***

Sinabi ni Nene na talagang nasa pagamutan si Dolphy pero dalawang araw lang.

“Sa Makati Medical Center siya naka-confine. Kasi, mas malapit do’n sa bahay nila. Kaya nga madaling nalaman siguro ng mga tao na nando’n si Dolphy at kumalat na ang maling balita,” pahayag ni Riego.

Pneumonia ang sakit na dumapo sa Hari ng Komedya.

Ito ang isa sa mga sakit na nagpahina sa komedyano.

Pero malakas na siya ngayon.

Nagkaroon din umano ng hika ang aktor at ang sakit sa puso ay parang nadala rin nito.

Pero walang dapat ipangamba ang mga nagmamahal sa komikero.

***

Samantala, walang kupas si Marco Sison sa kanyang sining ng musika.

Alam ba ninyo na talagang pinagkaguluhan siya ng kanyang mga tagahanga—bata, matanda, mayaman, mahirap—sa Majestic Room ng Networld Hotel sa panulukan ng Roxas Boulevard at Buendia Avenue kamakailan?

Hindi nagbabago ang tinig ni Sison at sa katunayan ay lalo pang gumanda ang kanyang boses.

Lalo rin siyang pumogi.

Kinanta siyempre niya ang mga walang kamatayang klasikal nang musikang “Woman,” “Make-Believe,” “Si Aida, Lorna O Si Fe” at “My Love Will See You Through” na pawang mga orihinal niyang mga kanta na pinasikat.

Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagpalakpak sa kanya oras na magbuka na siya ng kanyang bibig sa mga titik at tinig.

***

Nang makakuwentuhan namin si Marco ay sinabi niyang paalis na siya sa Pilipinas sa Hunyo dahil tapos na ang anim na buwan niyang bakasyon sa bansa mula nang umalis siya noong 2007 pagkatapos na matalo siya sa eleksyon sa Lalawigan ng Laguna sa pagka-bise-gobernador ni Ningning Lazaro.

Nang mag-show ang kanyang mga kasama na sina Rico J. Puno, Hajji Alejandro, Rey Valera at Nonoy Zuñiga, naging mas abala sa showbiz si Marco dito at sa ibang bansa.

Sa September ay pupunta sila nina Rico, Hajji, Rey at Nonoy sa Europe para naman doon magsabog ng ganda ng tinig at madamdaming musika sa mga kababayan at hindi kababayan natin sa kontinenteng ‘yon.

Sa Oktubre naman ay sa US muli ang mga kagandahang lalaki ng mga ito.

Samantala, sinabi ni Marco na may naghihintay sa kanyang kontrata sa paggawa ng mga plaka na magbubuhay sa mga awit ng Motown na pinasikat noon nina Michael Jackson, Diana Ross, Dionne Warwicke at marami pang itim na mang-aawit.

Ibinunyag ni Sison na isang itim ang nakikipag-negosasyon sa kanya ngayon para matuloy na ang album.

At mukhang tuloy na tuloy na ito dahil sa mga magagandang bagay na ipinamamalas si Marco.

“Sa Amerika ngayon, parang ang dali-dali na ng pagiging international singer. Hindi tulad no’n na mahirap para sa ating mga Filipino na maging sikat na international singer.

“Basta sa pagdating nina Charice Pempengco, Allan Pineda at ‘yong lagi kong naririnig na si Stephanie Reese, matunog na ang mga Filipino. Talagang maganda na ang performance natin. Hindi na tayo magpapahuli sa kanila,” sabi ni Sison.

***

Katambal ni Marco sa pagkanta sa Networld ang bisitang si Carmen Pateña na isang diva at kasama sa Golden Divas nina Pilita Corrales at Carmen Soriano.

Wala ring patlang ang paghanga kay Pateña ng mga tao kaya naman lagi siyang hanadong kumanta at humarap sa publiko.

Binigyan pa nga siya ng isang pumpon ng mga bulaklak ng management ng Networld Hotel.

Binanatan ni Pateña ang mga klasiko nang “Never, Never, Never” ng kanyang tagagaya na si Shirley Bassey, ang “Cabaret” ni Liza Minelli at ang “Sana’y Wala Nang Wakas” ni Sharon Cuneta.

Matutuloy na rin ang show ng Golden Divas sa Tacloban City sa Negros Oriental at talagang ngayon pa lang ay nagpapabonggahan na sila nina Pilita at tukayang Carmen.

***

Sa ika-31 ng Mayo, 2009 naman ang pinal na petsa ng paglulunsad ng bagong edisyon ng librong “Si Tatang At Ang Ibang Himala Sa Ating Panahon.” Dati’y sa ika-20 ng Mayo, 2009 pero ayon sa awtor na si Ricardo Lee, kilala rin sa tawag na Ricky Lee, marami pang idinagdag at mga huling preparasyon sa aklat kaya naantala ang launching.

Pero sa ganap na alas tres hanggang alas sais ng gabi ay matutuloy na ang paglulunad na dadaluhan siyempre ng maraming taga-showbiz na nagmamahal kay Lee.

Sayang nga lamang at hindi makakarating si Nora Aunor samantalang para sa kanya ang pagdiriwang na ito.

Kasi nga’y identified kay Nora ang “Himala” dahil siya ang bituin dito.

May karagdagan ding mga lathalain tungkol sa movie-in-the-making ng “Himala.”

“Maraming mga bagong photos ang ‘Himala’ movie-in-the-making. Nakapanghingi ako sa mga photographer. At may mga interviews kina Joel Lamangan at Vangie Labalan na mga artista no’n.

“Magagandahan ang mga Noranians dito dahil maganda ang exposure ni Nora. Ito ang belated birthday gift ko sa kanya,” pahayag ni Ricky.

***

Hindi pa ani Lee makakarating si La Aunor sa bansa dahil sa ang nais ng kampo nito ay may sigurado at sarado nang proyekto para sa aktres at hindi ‘yong lilitaw na parang nagpipilit at nagsisinungaling lang siya.

“Nakakaawa naman si Nora pag sinasabi na may mga plano pero hindi natutuloy. Nakakaapekto sa kanya. Mabuti pa ay ‘yong talagang tuloy na tuloy,” wika ni Ricardo.

Wala anya siyang alam sa balitang gagawa si Guy kay Celso Ad. Castillo ng isang pelikula sa US.

“’Yong mga commitment niya sa US, siya na ang bahala ro’n. Kami nina Nori Sayo rito sa Pilipinas, ang pinagkakaabalahan namin ay ang mga local projects kung matutuloy at saka lang uuwi si Guy,” pagtatapat ng premyadong manunulat at mandudulang pampelikula.

***

Malungkot na balita na nanakawan ang bahay ng aming kapatid sa Villa Castillo sa San Pedro, Laguna.

Kailan kaya matitigil ang krimen na ito sa lugar na ‘yon?

Mabuti na lang at nakita ng ama ng kumara ng direktor na si Joven Tan na parang bukas ang pinto ng bahay na walang tao.

Noon din ay napatunayan na may pumasok at nanghalikwat ng mga gamit sa mga kuwarto.

Tumawag agad kami kay Dan Fernandez para magpatulong na maisalba ang mga bagay na nawala at nang matigil na ang kasalbahehang ito sa parting ‘yon ng mundo.

Mabuti at walang mga alahas at perang malalaki na naitago sa mga singit-singit ng bahay.

***

Malaki ang responsibilidad ng mga awtoridad sa paglutas sa mga karumal-dumal na krimeng ito sa ating lipunan na kailangan ding maging makatotohanan ang paglalahad sa pelikula.

Maraming obrang pantelon ang walang katuturan pag nagpapakita ng pagnanakaw sa mga eksena dahil hindi malinaw ang motibasyon ng mga tauhan at ng mga nagpapagalaw sa mga artista.

At narito nga pala ang mga opisyal na kalahok sa Short Film competition ng Cinemalaya Independent Film Festival na matutunghayan sa Hulyo.

“Behind Closed Doors” ni Mark Philipp Espina, “BLOGOG” ni Rommel “Milo” Tolentino, “Bonsai” ni Alfonso “Borgy” K. Torre III, “Hulagpos” ni Maita Lirra Lupac, “Latus” ni John Paul S. Seniel, “Musa (The Muse)” ni Dexter B. Cayanes, “Si Bok at ang Trumpo” ni Hubert Tibi, “Tatang” by Jean Paolo “Nico” Hernandez, “Ugat sa Lupa” ni Ariel Reyes at “Wat Floor Ma’am” nina Mike Sandejas at Robert Seña.