Kabataang di makapag-aral, dadami
Nangangamba si Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino na darami ang bilang ng out of school youths ngayong pasukan dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga eskuwelahan. Hiniling ng kabataang kongresista sa programang Brigida Balik-Eskwela ng Department of Education (DepEd) na agarang tugunan ang problemang ito. “Mas mahirap maakses ng […]
Nangangamba si Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino na darami ang bilang ng out of school youths ngayong pasukan dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga eskuwelahan.
Hiniling ng kabataang kongresista sa programang Brigida Balik-Eskwela ng Department of Education (DepEd) na agarang tugunan ang problemang ito.
“Mas mahirap maakses ng mga Pilipino ang edukasyon dahil sa gobyernong Arroyo,” ani Palatino. “Tuluy-tuloy na bumubulusok ang enrollment rate sa ilalim ng administrasyong Arroyo.”
Batay sa datos ng DepEd noong 2008, aabot sa 66 lang sa bawat 100 estudyante ang nakakatapos ng elementarya. Sa 66, 58 ang nakakapag-enrol ng hayskul. 43 rito ang nakakapagtapos ng hayskul, at 23 ang nakakapasok sa kolehiyo. Sa 100, aabot sa 14 kabataan lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo.
Sinabi pa ni Palatino na mula 2003, patuloy na lumiliit ang bilang ng mga nag-e-enroll. “Inaasahan nating lalong bubulusok ang datos na ito dahil sa walang tigil na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ngayong panahon ng matinding pang-ekonomiyang krisis,” paliwanag niya.
Sa pag-aaral ng Kabataan, lumalabas na gumagastos ang isang estudyante ng mula P15,000 hanggang P20,000 bawat semestre kahit sa isang pampulbikong elementarya o hayskul.
”Kahit na may libreng matrikula sa pampublikong paaralan ng elementarya o hayskul, kailangan pa rin ang halagang ito para matugunan ang iba pang bayarin, ang mga teksbuk, suplay sa eskuwela, pamasahe, pagkain at iba pang gastusin. Lalo pang tataas ang mga bayarin sa mga paaralan dahil sa kakulangan ng alokasyon sa badyet (ng gobyerno) para sa edukasyon,” sabi pa ni Palatino.
Sa kolehiyo naman, tumataas ng 9.93 porsiyento ang matrikula.
Balak ni Palatino na iendorso ang House Bill No. 2440 na pinamagatang “An Act Imposing a Three Year Moratorium on Tuition and Other Fee Increases on All Educational Institutions” na isinumite sa Kamara ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino.