Kaso laban kay Atty. Saladero, iba pang aktibista, ibinasura


Ibinasura ng Batangas Provincial Prosecution ang kasong arson at destruction of property laban sa labor lawyer, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly na si Atty. Remigio Saladero Jr. at 26 na mga aktibista sa Timog Katagalugan. Kaugnay ang nabanggit na mga kasong sinampa ng Globe Telecom sa pagpapasabog […]

Ibinasura ng Batangas Provincial Prosecution ang kasong arson at destruction of property laban sa labor lawyer, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly na si Atty. Remigio Saladero Jr. at 26 na mga aktibista sa Timog Katagalugan.

Kaugnay ang nabanggit na mga kasong sinampa ng Globe Telecom sa pagpapasabog umano ng isang cell site nito sa Lemery, Batangas noong August 2, 2008 ng New People’s Army (NPA).

Nabasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na batayan. Sa pitong-pahinang hatol, ipinahayag ni Esmeralda Andaya, and third assistant prosecutor ng nasabing hukuman, na ang salaysay ng mga mismong saksing iniharap ng Globe Telecom ang siyang nagpahina sa mga kaso na sinampa nito laban sa abogado at iba pang mga aktibista.

Batay sa ulat ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), sinabi ni Andaya na ang mga ebidensiya na hinanda para sa paunang imbestigasyon ay mayroong “seryoso at di mapaliwanag” na mga pagkakamali at di nagtutugmang mga datos. Dagdag niya, hindi sapat ang pagkakaroon ng alyas nina Saldero at iba pang aktibista para iugnay sila sa NPA at sa umano’y pagpapasabog nito sa cell site ng Globe Telecom.

Ayon naman sa KMU, “patunay lamang ito na walang basehan at gawa-gawa lamang ang mga kaso na sinampa kay Atty. Saldero at iba pang mga aktibista.” Dagdag pa ng grupo, “hindi magtatagumpay ang rehimeng Arroyo sa tangka nitong paglumpo sa organisasyon ng mga manggagawa at sa makabayang kilusan.”

Ani Daisy Arago, executive director ng CTUHR, ipinapaalala ng kaganapang ito sa militar na kailangan nilang “itigil ang paggamit ng korte at ng mga huwad na mga testigo upang i-haras at patigilin sa pagkilos ang mga aktibista.”

Nauna nang nakalaya si Saladero at lima pang mga aktibista mula sa Timog Katagalugan mula sa mahigit tatlong buwan na pagkakakulong sa Calapan City Provincial Jail dahil sa kasong pagpatay, nang mapatunayang walang ring batayan ang nasabing kaso.