Pagpapatuloy ng pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley (Unang Bahagi)
Kamoteng kahoy ang itinakda ni Eduardo Cojuangco Jr. (ECJ) na panamim sa Cagayan Valley (CV), tulad ng pagtatakda nito ng pagtatanim ng tubo at niyog sa mga partikular na mga rehiyon at lalawigan ng bansa. Ayon sa plano, 300,000 ektarya sa buong CV ang patatamnan ng kamoteng kahoy: 150,000 ektarya sa 21 bayan sa Isabela; […]
Kamoteng kahoy ang itinakda ni Eduardo Cojuangco Jr. (ECJ) na panamim sa Cagayan Valley (CV), tulad ng pagtatakda nito ng pagtatanim ng tubo at niyog sa mga partikular na mga rehiyon at lalawigan ng bansa.
Ayon sa plano, 300,000 ektarya sa buong CV ang patatamnan ng kamoteng kahoy: 150,000 ektarya sa 21 bayan sa Isabela; 150,000 ektarya sa sampung bayan sa Cagayan, dalawang bayan sa Nueva Vizcaya at tatlong bayan sa Quirino. Ito’y 17 porsiyento ng kabuuang lawak ng rehiyon. Sa buong bansa, isang milyong ektarya ang target niyang pagtamnan.
Maraming pinaggagamitan ang kamoteng kahoy: hilaw na materyales ito sa paggawa ng arina, ice cream, monosodium glutamate, papel, plywood, sweetener, dextrose, alcohol, glue, mga produktong biodegradable, chips at pellets na pakain sa hayop. Isusuplay ito sa ibat-ibang dibisyon ng San Miguel Corporation (SMC) at pang-export ang iba. Gamit din ito sa produksyon ng ethanol na lumalaki ang demand nitong huling dalawang taon.
Prayoridad ng gobyerno
“National priority” daw ito ng Malakanyang. Pinatutok pa rito ang National Poverty Commission na magbibigay diumano na isang milyong trabaho. Mabilis na nabuo ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng SMC at mga gobernador ng Cagayan at Isabela na si Faustino Dy Jr, gayundin ang dating gobernador na si Lara. Kasama rin ang mga pamprobinsyang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources, Agriculture, Agrarian Reform, Philippine National Police (PNP) at ang Valley Planters Development Cooperative (VAPDECO), isang bogus o peke na kooperatiba. Naglaan ng panimulang badyet sa proyekto ang kapitolyo ng Isabela ng P 3,000,000 at P 883,858 naman mula sa Cagayan.
Dahil national priority, malaki ang itinakdang tatamnan sa unang dalawang taon. 3,000 ektarya sa unang taon (Nobyembre 2001-Disyembre 2002) at 29,000 ektarya sa susunod (Disyembre 2002-Disyembre 2003). Tinukoy at pinilit ng mga militar, pulis, goons at pati ni dating Gob. Dy Jr. ang mga magsasaka na pumaloob sa VAPDECO at magtanim ng kamoteng kahoy. Ayaw man ng mga magsasaka, binuldoser at tinamaan ng mga tauhan ng VAPDECO ang lupa ng mga magsasaka. Ginawang militarisado ang lugar.
Tinanggihan ng mga magsasaka ang nakasaad sa MOA sa pagitan ng SMC at mga opisyal ng bayan na mawawala sa kontrol ng magsasaka ang kanyang lupa at kukukunin ng kooperatibang bogus ang pangangasiwa sa lupa sa sandaling dalawang beses na siyang hindi makabayad.
Iba’t-ibang tipo ang lupang napiling tamnan ng kamoteng kahoy: lupang wala pang titulo ngunit deka-dekada nang pinag-yayaman ng mga magsasaka; pulic land ang kategorya; forest land posture lease. May lupa rin na may titulo na OCT/TCT at ang may-ari ay nakabayad na ng buo o bahagi ng amortisasyon sa Comprehensive Agrarian Reform Program at may homestead.
Ang magsasaka sa utang niya sa kooperatiba
Hindi pwedeng kumalas ang isang magsasaka sa kooperatiba sa loob ng 25 taon na kontrata at hindi niya maaaring isamang ilabas ang lupa.
Malawak na nailantad, naihiwalay at tinululan ang pamimilit sa pagtatanim ng kamoteng kahoy at mapangamkam na patakaran ng pekeng kooperatiba. Bunga nito, hindi nakamit ang target tamnan sa unang taon dahil nalugi at nagka-utang ng malaki ang marami sa mga nagtanim sa unang taon.
Para maibuwelo muli ang pagpapatanim, ginamit ang League of Minicipal Mayors (na pinamumunuan ng isa sa maraming pang mga Dy na nakaposisyon) para mga meyor ang magpasimuno sa pagpapatanim at lupa nila ang tatamnan. Mula sa dating plano ng malawakang pagtatanim, naging pakitang saklaw ang lupa nila. Nagtayo ng mga bagong kooperatiba sa tulak ng mga mayor dahil lubha nang bumaho ang pangalan ng VAPDECO. Mula sa dating plano ng malawakan na sapilitang pagtatanim, naging maliitang saklaw ng lupa muna sa pangunguna ng meyor at saka magtatayo ng bagong kooperatiba. Halimbawa, sa San Guillermo, tulak ni Congressman Bojie Dy at Mayor Guyod ang pagbubuo ng kooperatiba. Si Mayor Padilla naman ang nagkampanya sa San Agustin ng pagpapatanim ng kamoteng kahoy, gayundin si Gobernador Dax Cua sa probinsya ng Quirino. Ganito na ang moda sa timog at mga bahagi ng gitnang Isabela, maging sa Cagayan.
Abangan sa susunod na linggo sa ikalawang bahagi.