Uncategorized

Phillip Salvador at ER Ejercito, sino ang karapat-dapat maging presidente ng Actors Guild?


Sana naman ay makipaglaban ang mga lider para sa mas mataas na sahod ng kanilang mga sarili at ng mga kasama.

Ngayong naipagpaliban ang halalan sa mga opisyal ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon, patuloy pa rin ang kampihan at hulaan kung sino kina Phillip Salvador at ER Ejercito ang karapat-dapat na maging presidente ng samahan.

Kahit noong hindi pa ipinapagpaliban ang eleksyon noong Araw ng Paggawa noong isang linggo, malakas ang bulung-bulungan na sina Phillip at ER ang matigib na magkalaban sa puwesto kahit na si Ejercito ay siyang kasalukuyang pangulo ng organisasyon.

Gayunman, suportado ng mga senador ng bayan na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada ang kandidatura, kung sakali man, ni Salvador dahil barkada nila ang beteranong aktor kahit na pinsang-buo ni Jinggoy si ER.

Pero talagang masidhi at pursigido rin si Ipe na kumandidato bilang lider ng mga artista.

***

Kaya lang ay hindi natuloy ang eleksyon dahil walang quorum. Ayon kay Rez Cortez, ang isa sa mga miyembro ng lupon ng mga direktor ng KAPPT, nasa taping at shooting ang ilan sa mga kasapi ng lupon kaya hindi natuloy ang pilian ng mga opisyal.

Hindi nakarating sina Tirso Cruz III, Jestoni Alarcon, Joko Diaz at Patrick de la Rosa na inihalal na ng buong populasyon ng mga bituin.

Gayunman, presente ang iba pang direktor ng lupon sa pangunguna nina Gina Alajar, Dick Israel, Pol Pepito, Amay Bisaya, Baldo Marro, Rey Solo, Vic Felipe, Lyn Madrigal, Phillip at ER.

Ayon kay Rez, maaga pa ay dumating na sila para matapos ang opisyo dangan nga lamang at may aberya.

***

Bukod kay Cortez ay maaga rin si Gina gayundin si ER kasama ang misis nito na si Maita Sanchez. Napag-alaman natin na kakandidatong gobernador ng Lalawigan ng Laguna si ER samantalang ang iiwan niyang posisyon bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna ay ipapaubaya niya ang kandidatura sa 2010 kay Maita.

Naghanda sina Gina ng tanghalian na niluto ng Mowelfund Cooperative. Tumulong sa preparasyon ng tanghalian si Lyn at ang mga lalaking direktor. Si Ipe ay nakipagsosyalan sa kanyang mga kasamahan.

Kahit hindi opisyal ay dumalo si Boots Anson Roa sa miting para magbigay ng lakas ng loob dahil mahusay ding lider ang aktres.

Past president si German Moreno kaya dumatal siya at nagbigay ng talumpati na kailangang maging aktibo rin sa grupo ang mga kabataang artista na bagamat hindi siya nagbanggit ng pangalan ay kinabibilangan ito nina Claudine Barretto, Marian Rivera, Sunshine Dizon, Judy Ann Santos, Iza Calzado, Dingdong Dantes, John Lloyd Cruz, Ryan Agoncillo, Piolo Pascual, Jericho Rosales, Diether Ocampo, Sarah Geronimo, Angel Locsin at marami pang iba.

Ang mga popular at matatagal nang bituin tulad nina Nora Aunor, Vilma Santos, Lorna Tolentino, Alma Moreno, Christopher de Leon, Amy Austria, Rosanna Roces, Ruffa Gutierrez, Carmina Villaroel, Joey Marquez at iba pa bagamat hindi rin nabanggit ni German ay kailangan ding maging bahagi ng pangkat.

***

Dumalo at saksi ang mga peryodistang pampelikula na sina Felix Espinosa, Alice Vergara, Luz Candaba, Linda Cabuhayan at Nap C. Alip upang itala sa kasaysayan ang disin sana’y makulay na halalan.

Umuwi ngang luhaan sina Felix, Alice, Luz, Linda at Nap dahil sawi silang saksihan ang halalan.

Gayunman, itinakda nina Rez na sa ika-10 ng Mayo, 2009 na gawin ang eleksyon at tiyak na nandoon na ang mga absent na board of director.

Namamag-asa si German na magiging mas bongga at makabuluhan ang susunod na liderato ng samahan kahit na sino pa ang mahalal.

***

Sino nga ba kina Ipe at ER ang karapat-dapat?

Dapat bang ihalal muli si Ejercito?

Ano ang kanyang mga nagawa sa mga miyembro?

Ano naman ang puwedeng gawin ni Salvador kung siya ang mauupong presidente?

Simula’t sapul, ang problema ng mga miyembro ng Actors Guild of the Philippines ay pagkita ng pera lalo na ng mga walang pangalan o kaya ay extra o character actor at actress o mga stuntmen.

Sila ang aktibong dumadalo sa mga pagtitipon ng KAPPT dahil sila ang mas nangangailangan.

Nang maging pangulo si Rudy Fernandez ay ipinaglaban niya ang kondisyon sa paggawa ng mga kapwa manggagawa sa showbiz pero hanggang sa kanyang kamatayan, hindi pa rin nakakamit ang tunay na kalayaan, katarungan at kabutihan na maaaring makamtan ng mga wala sa industriya.

***

Ito rin ang isa sa mga problema na kinakaharap ng lahat ng mga lider ng Actors Guild mula sa hanay ng mga miyembro.

May agwat na halatang-halata ang mga sikat at di-sikat sa showbiz sa kamiyembruhan ng organisasyon bagamat hindi naman ito bago.

Ang mga may pangalan at abala sa kanilang mga gawain ay bihira o hindi na talaga napagkikita sa mga ginagawa ng Actors Guild dahil mas abala sila sa trabaho samantalang ang mg aktibong ordinaryong kasapi ay walang trabaho.

Hindi rin nakikisalamuha ang mga sikat sa mga pangkaraniwan sa oras halimbawa ng Star Olympics o kaya ay panonood ng mga pelikula para sa Luna Awards, ang dating Academy Awards ng Film Academy of the Philippines para sa taunang gawad-parangal sa mahuhusay na kapwa aktor at aktres.

Ang katwiran madalas ng mga popular ay pagod na pagod na sila sa trabaho at wala nang panahon sa sosyalan pero itong Actors Guild ay pangunahing responsibilidad lalo na at opisyal ang pagkakatala sa kanilang pangalan.

***

Madalas tayong makarinig mula sa mga pintasero at pintaserang mga peryodistang pampelikula na ang mga kasali lang sa Star Olympics ay ang mga tulad nina Olga Miranda, Angelica Jones, Shyr Valdez, Glenda Garcia at iba pang kakategorya nila.

Nasaaan na anila ang mga tulad nina Pops Fernandez o Martin Nievera o Regine Velasquez o Hilda Koronel?

Sa aming palagay ay ito ang isa sa mga dapat asikasuhin ng liderato ng KAPPT.

Ang oryentasyon sa karapatan at katungkulan ng isang miyembro sa ikapagtatagumpay ng laban at layunin ng samahan.

Hindi lang pasosyalan o pabonggahan o paistaran ang Actors Guild at ang mga gawain nito kundi pagsisilbi sa kapwa sa pamamagitan ng magandang pagganap sa pelikula at telebisyon at nagpapalaya ng kaisipan ng mga manonood.

***

Ang pang-ekonomikong karapatan at prebilehiyo rin ang dapat tuwirang makamtan ng mga kasapi sa pakikipaglaban ng mga lider.

Unang-una ay trabaho at pagkabuhay nang araw-araw sa mundo ang isa sa mga layunin ng tao at ang suweldo mula sa produksyon ang nagpapalawig ng buhay kaya ang talent fee ang puno’t dulo ng pagkabuhay ng mga artista.

Sana naman ay makipaglaban ang mga lider para sa mas mataas na sahod ng kanilang mga sarili at ng mga kasama.

***

Ang karanasan ba ni ER sa pulitika sa lokal na antas ay sapat na para maibahagi niya ang kanyang nalalaman at pagmamahal sa kapwa artista?

Ang kawalan ba ng eksperyensiya ni Ipe sa pamamahala ng gobyerno ng sibilyan ay kakulangan sa kanyang merito para manalo?

Gayunman, kung natatandaan natin ay lumaban si Salvador na bise-alkalde ng Mandaluyong City pero sa kasamaang-palad ay hindi siya nakalusot.

Ano ang nagawa ni ER sa Pagsanjan na magagawa o nagawa rin niya sa Actors Guild maliban sa pagpapataas ng pasok ng turismo sa kanyang lugar?

Sa plataporma ni Ipe sa kanyang naunsiyaming pagka-pangalawang pinakamataas na lider sa Mandaluyong City ay ano ang kinakitaan ng paglalapat din sa pangangailangan ng showbiz?

***

Naniniwala kami na walang pagkakaiba ang pamamahala ng mga artista sa mga mamamayang sibilyan ng isang lugar sa buong Pilipinas bagamat magkaiba ang larangan pero ang kulturang Pilipino ay iisa.

Ang piyudal na kaayusan ay hindi lang nararanasan sa Pagsanjan o sa Mandaluyong kundi sa buong lipunang Filipino kaya ano ang pagkakaiba ang showbiz sa pulitika ng anumang lugar sa bansa?

Ang dalisay na paglilingkod at pagseserbisyo-publiko ang sukatan ng isang tunay na lider.

Ang pagsasakripisyo para sa bayan ay malaking hakbang ng isang pulitiko, lider man siya ng mga artista o mga mamamayan ng lunsod, bayan, bukid, barangay, rehiyon o pambansang pulitika.

***

Sa Linggo ay malaman kung sino ang uugit sa pamamahala sa gobyerno ng mga artista at mula roon ay babantayan nang mabuti ang mga kilos, hakbang, desisyon at paglilider ng kung sinuman man ang maihalal sa kanila.