Sa Alaala ni Ka Bay


Inilalathala ng Pinoy Weekly ang isang panayam hinggil sa pananaw sa panitikang Pilipino ni Bayani S. Abadilla, yumaong manunulat, propesor, at mamamahayag.

Bayani S. Abadilla (!941-2008) (Kuha ni Ilang-Ilang Quijano)

Isang taon na nitong nakaraang Mayo 14 ang kamatayan ni Bayani S. Abadilla o Ka Bay sa marami — manunulat, propesor, mamamahayag at associate editor ng Pinoy Weekly. Namatay siya sa sakit na lymphoma.

Anak ng modernistang makata sa Filipino na si Alejandro G. Abadilla, beterano si Bayani ng First Quarter Storm. Isa siya sa mga tagapagtatag ng progresibong grupo ng mga manunulat na Paksa o Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan. Nagsulat din siya para sa iba’t ibang pahayagang underground at oposisyon noong Batas Militar.

Inilalathala ng Pinoy Weekly ang panayam na ito bilang paggunita sa kanya. Nangyari noong Hunyo 2006, tungkol ito sa kanyang pananaw sa panitikan at lipunan, at ginamit na datos sa disertasyon (di pa nailalathala) ni Jun Cruz Reyes na may pamagat na Amado. (Ed).

Tungkol kina Amado V. Hernandez at Alejandro G. Abadilla

Ang nakasama ni AVH sa pagsusulat, kontemporanyo niya kumbaga ay si Tatay, si AGA. Naging matalik silang magkaibigan. Ito ‘yung isang patunay ng kanilang pagsasama, ng kanilang pagtatalakayan. Tula ito ni AGA tungkol sa pananaw ni AVH sa literatura at lipunan.

Awtor pagsabihang

Yumakap sa ismo

Na makalipunan

Ay… eSPi, Amado!

Hindi ko maiwasan na mabanggit si AGA ‘pag pag-uusapan si AVH kasi ‘yung facts na alam ko, konektado kay AGA e. Silang dalawa e. Ang maganda sa kanila, matalik silang magkaibigan pero magkaiba ang kanilang prinsipyo at pananaw sa literatura. Ang sabi nga ni AGA noon; “Kami ni Amado ay nagkakaintindihan sa hindi pagkakaunawaan.” Madalas silang nag-uusap, nagdidebate. Isang buong araw iyon ‘pag pumunta si Ka Amado noon sa amin (lumang bahay sa Tambunting).

Sa pag-uusap nila, nakita ‘yung tiyaga nila. Si Ka Amado, dahil bingi si AGA, isinusulat niya ‘yung argumento niya. Sasabihin naman ni AGA ‘yung punto niya tapos isusulat ulit ni AVH ‘yung kanyang punto. Debate sila nang debate. Matagal iyon. Hindi naman madalas pero matagal. Marami silang paksang pinag-uusapan. Ganoon ang buhay nilang dalawa. Siguro’y mga 14 years old ako noon. Ang debate nila tungkol pulitika, kultura, sining, at kung anu-anong paksa.

Kapag sila’y nagtatalakayan, pag magkakontra sila sa punto, debateng matindi yan. Kahit pa isinusulat lang ni AVH ang punto niya habang sila’y nagdidebate. Merong working table si AGA noon, doon sila nag-uusap.

Si Ka Atang

Minsan pumunta si Ka Atang sa bahay namin. Noon, nasangkot sa welga si Ka Amado, hindi ko maalala kung anong kompanya iyon. Ngayon, kinapos ng pondo yung strike, yung piketlayn, binalak na isangla ni Ka Amado yung bahay nila. E ‘yun, pumunta rito sa bahay si Ka Atang para kausapin ni AGA si AVH na huwag isangla ang bahay. Pinakiusapan ni Ka Atang si AGA, baka daw makinig na huwag isangla ‘yung bahay. Ang sabi ni AGA, “Atang, artista ka. Artista rin si Amado. Sana naiintindihan mo siya.” ‘Yun lang ang sinabi ni AGA. Iyak nang iyak noon si Ka Atang, pero walang magagawa si AGA. Ganoon niya iginagalang ang prinsipyo ni AVH. Noon lang din ako nakakita na isasangla ‘yung personal na pag-aari para sa kanyang ipinaglalaban, diyan ako bilib kay AVH.

Si AVH at si Bayani

Binabasa ko na sa kolehiyo pa lang si Ka Amado. Na-expose na ako sa kanyang social concern sa literature. Laging magkasama ang literature at lipunan. Ang alam ko, nagturo sa Ateneo si AVH, at noon, sumasama na siya sa mga demonstrasyon pero hindi ko siya nakikita. Ang mga kasabayan ko sa pagsusulat ay sina Rio (Virgilio Almario), Jess Santiago, Lamberto Antonio at iba pa. Patay na si Ka Amado noon.

Malaki ang impluwensiya ni Ka Amado noon sa mga batang manunulat. Sa akin, mas malaki ang impluwensiya niya sa akin kaysa kay SP (Salvador P. Lopez). Nauna ko siyang basahin kaysa kay SP. Si Ka Amado, nababasa ko na ‘yung Ibong Mandaragit niya noon. At nakita ko ‘yun bilang magandang halimbawa ng makabayang literatura. ‘Yung mga nababasa ko noon sa kanya, may compilation ako ng mga tula niya e, ‘yung Mga Tula ni AVH Ayon sa Pangunahing Layunin ng Edukasyon, (1926-1962) na tinipon ni Bartolome del Valle. Ibinigay ito ni Omeng (del Valle) kay AGA. Si Omeng ay titser sa Torres High School noon at kaibigan nina AVH at AGA.

Noong ako’y nasangkot sa organisasyon ng mga manunulat, ito ‘yung Paksa. Kasama ko noon sina Bien Lumbera. Madalas si AVH ang binabanggit kapag nagtatalakayan kami noon. ‘Yung mga akda niyang Ibong Mandaragit at Luha ng Buwaya. Sila ni SP Lopez ang binabanggit na halimbawa, pero mas malimit si Ka Amado. ‘Yung Kung Tuyo na ang Luha Mo…, sikat na sikat ‘yan. Binibigkas ‘yan sa mga demonstrasyon noon. Malaki ang impluwensiya niya sa mga batang manunulat, walang duda iyon.

Ang papel ko naman, basta ang sabjek ko sa pagtuturo sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) ay literatura, itinuturo ko si AVH. Importante para sa akin na matutunan ng mga bata ang pananaw ni Ka Amado hinggil sa ugnayan ng literatura at lipunan.

Ang pinakagusto ko sa mga tula niya ay ‘yung Kung Tuyo na ang Luha mo…, kitang-kita ang pananaw niyang makabayan at kitang-kita ‘yung pananaw niya sa lipunan. Hindi siya nasisiraan ng loob. Sabi niya sa tula, inevitable ang rebolusyon. Sabi nga, “bulkang sasabog.” Nakikita niya ‘yung rebolusyon ng taumbayan.