Sa paghahanap ng alternatibo sa kapitalismo
Sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo, mulat ang mga manggagawa na dapat labanan ang krisis ng kapitalismo. Ang mga aral ni Karl Marx, muling pinag-uusapan sa paghahanap ng sistemang alternatibo.

Taun-taon, sa imbitasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentro ng paggawa, tumutungo sa Pilipinas ang mga lider ng unyon at pederasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa isang mahalagang pagtitipon.
Tinatawag na International Solidarity Affair o ISA ang pagsasama-sama ng mga lider mula Asya, Europa, Hilagang Amerika, Latin Amerika, at Aprika para pag-usapan ang mga isyu ng mga manggagawa ng daigdig: disenteng sahod, karapatan sa paggawa, patakarang neoliberal ng World Trade Organization at World Bank, at iba pa.
Subalit ngayong taon, may bagong napag-usapan. Sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo, muling bukambibig ang salitang “sosyalismo.”
Tinatalakay ito maging ng mga nagtataguyod ng sistemang kapitalista sa gitna ng lumalaganap na pagtingin na bumabagsak na ito, gaya ng prediksiyon ni Karl Marx dalawang siglo na ang nakakaraan. “We are all Socialists now,” ika nga ng isang cover story ng magasing Newsweek, kahit pa tinutukoy lamang si Presidente Barack Obama at ang mga reporma nito sa ekonomiya para maisalba—at hindi baligtarin—ang sistemang kapitalista.
Ano nga ba ang pagtingin ng mga manggagawa, na hinimok ni Marx sa Communist Manifesto na “magkaisa” at “lagutin ang tanikala ng pagsasamantala”? Nananatili bang buhay at mahalaga ang Marxismo sa ika-21 siglo? Ito pa rin ba ang pinakatumpak na gabay sa kanilang paglaya at sa pagkakaroon, sa wakas, ng sistemang panlipunang makatao at para sa kapakinabangan ng lahat?
Ito ang mga tanong na tinangkang sagutin sa isang porum na pinamagatang “The Relevance and Validity of Marxism in the 21st Century” noong Marso 6, kinabukasan ng pagwawakas ng tatlong araw na kumperensiya ng ISA sa Tagaytay City.
Papabagsak na sistemang kapitalismo
Isang bagay ang sigurado, ayon sa pinagkaisahan ng mga lider-manggagawa. Hinaharap ng daigdig ang pinakamatinding krisis pang-ekonomiya at pampinansiya simula noong Great Depression.
Pinakaapektado ang mga manggagawa sa krisis na matagal-tagal na ring umiiral at pumutok sa wakas noong nakaraang taon. Dumami ang bilang ng mga walang trabaho sa daigdig—200 milyon na noong 2008, kumpara sa 140 milyon isang dekada ang nakakaraan, ayon sa International Labor Organization. Tinatantiya pa nitong madaragdagan ng 700 milyon ang mawawalan ng trabaho dahil sa kasalukuyang krisis.
Lumalabas sa mga ulat ng mga lider na dumalo sa ISA na walang bansa ang nakaliligtas sa hagupit ng krisis. Sa US, 5.3 milyon na ang nawalan ng trabaho, katumbas ng 10% ng kabuuang puwersang paggawa. Pinakamababa doon ang antas ng pag-eempleyo sa loob ng 50 taon. Sa Japan, 330,000 ang natanggal sa trabaho. Sa India, kalahating milyon ang nawalan ng trabaho sa nakaraang apat na buwan pa lamang. Sa Pilipinas, tinatayang aabot sa 600,000 ang nawalan ng trabaho sa kalagitnaan ng taon.
Ayon sa Declaration of Unityng ISA, ugat ng krisis ang ”paghuthot ng labis na halaga (surplus value) ng mga monopolyo kapitalista sa aming lakas-paggawa.” Sa kabila ng sosyalisadong paggawa sa mga pabrika na inayudahan ng mataas na antas ng teknolohiya, papalaking kapital naman ang nakokonsentra sa kamay ng iilan. Ang sistemang ito, diumano, ang nagdudulot ng pang-ekonomiyang siklo ng boom-and-bust na siyang karakter ng krisis ng sobrang produksiyon o krisis ng kapitalismo.
Manipestasyon ng krisis na ito, bukod sa nakalululang antas ng kawalang trabaho, ang ”pagpapababa ng aming sahod at pagtanggal ng mga benepisyong sosyal,” idineklara ng ISA.
Kanilang tinuligsa ang mga neo-liberal na polisiya ng deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon na umano’y binawi ang mga ipinaglaban na karapatan ng mga manggagawa, itinaas ang buwis at presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, at lalong nilugmok sa kahirapan ang milyun-milyong magsasaka. Mga bata at kababaihan ang pinakaapektado sa polisiya ng pleksibleng paggawa, at mayorya ng mga nagugutom at pinagsasamantalahan sa daigdig.
Nilikha rin ng sobrang produksiyon ang krisis sa kalikasan o pagkalason sa lupa at karagatan. Dagdag pa rito, winawaldas ng imperyalistang US ang pampublikong pondo at winawasak ang buhay ng nagsasariling mga mamamayan sa mga giyera para sa ibayong kontrol ng mga rekurso sa Gitnang Silangan, ayon sa ISA.
Buhay ang diskusyon hinggil sa sosyalismo
Noon pa man, kaiba ang ISA sa iba pang pagtitipon ng mga lider-manggagawa sa daigdig. Tinitingnan nila ang monopolyo kapitalismo o ”imperyalismo” bilang kanilang numero unong kaaway—at hadlang sa paglaya ng iba pang uri mula sa kaapihan at pagsasamantala. Ipinapakita ng kasalukuyang senaryo sa mundo na hindi sila nagkakamali sa pagsusuring ito, na Marxista sa esensiya.
“Ipinapakita ng pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig na tumpak ang pagsusuri ni Marx sa paggawa at produksiyon, at sa relasyon ng gobyerno at kapitalista. Sinisiguro ng mga Estado ang mga kondisyon para sa patuloy na paglikha ng tubo at sa reproduksiyon ng sistemang kapitalista sa kabuuan,” ayon kay Peter Murphy, lider-unyonista sa Australia at coordinator ng Search Foundation.
Naniniwala ang ISA na ang $700 milyong inilagak ng adminstrasyong Obama para sa bailout ng nabangkaroteng mga institusyong pampinansiya sa US ay hindi para makalikha ng mga trabaho, kundi para mailigtas ang mga kapitalista mula sa krisis na dulot ng kanilang sariling kasakiman. Insulto umano ito sa mga manggagawa at iba pang aping mamamayan na humaharap sa papalalang kahirapan at bumababang panunustos ng Estado.
Umano’y hindi Keynesianismo (na ipinatupad ng administrasyong Franklin D. Roosevelt para matugunan ang depresyon noong 1929) o neo-liberalismo (na pinalaganap naman para maaresto ang problema ng stagflation noong 1980) ang solusyon sa di-maampat-ampat na krisis ng kapitalismo. Kung gayon, ano ngayon—para sa kanila—ang solusyon?
Lumabas sa talakayan na ito ang sosyalismo na binalangkas ni Marx, at pinayaman sa teorya’t praktika ng pakikibaka ng mga mamamayan sa iba’t ibang bansa simula noon.
Nagdiwang man ang mga tagapagtaguyod ng kapitalismo nang bumagsak ang rebisyunistang mga rehimeng sosyalista noong huling bahagi ng dekada ’80, mali at maaga ang deklarasyon nilang ”Patay na ang Sosyalismo,” ayon sa mga lider-manggagawa ng daigdig. Dahil ngayon, anila, muling nabubuhay ang diskusyon hinggil sa sosyalismo, lalo sa loob mismo ng kanilang hanay.
“Nananatiling kapaki-pakinabang ang pilosopiya ng pagbabago, ng pampulitikang ekonomiya, at ng rebolusyon ni Marx. Hindi na lamang ang Kaliwa ang naniniwala sa paliwanag ni Marx, kundi ang halos lahat,” sabi ni Murphy.
”Nasa atin kung papaano gagamitin ang sopistikado niyang mga panananaw, ilapat ito sa ating mga pangarap sa kalayaan at araw-araw na reyalidad, at para imulat at pakilusin ang mga manggagawa para sa pakikibaka at pagbabago tungo sa sosyalismo,” dagdag pa niya.
Para naman kay Prop. Sarah Raymundo ng Unibersidad ng Pilipinas, na nagbigay ng talumpati hinggil sa paksa ng porum, sang-ayon ang maraming akademiko sa pagsusuring Marxista. Tumatanggi lamang silang kilalanin ito bilang gabay sa aktuwal na pagbabago dahil marahil sa interes pansarili.
Pero aniya, ang Marxismo ay nananatiling gabay sa praktika, “sa mga lansangan, pabrika, komunidad ng mahihirap sa lungsod at kanayunan, at sa mga sonang gerilya kung saan naroroon ang mga hukbong bayan.”
Inihayag ng mga lider mula sa Germany, Turkey, Australia, Pilipinas, at US, na maraming manggagawa ang naniniwala na sosyalismo ang tangi at pinakamainam na alternatibo sa kapitalismo. Gayunpaman, wala umanong iisang daan o proseso patungong sosyalismo, ni iisang hitsura nito. May nagbanggit ng terminong ”new democratic ecological socialism.”
Pero para sa karamihan, sapat nang mapag-usapan ang naging malalaking tagumpay—at kamalian at kabiguan din—sa pagtatayo ng lipunang sosyalista sa kasaysayan ng daigdig.
“Naiinggit ako sa Pilipinas dahil buhay dito ang pakikibaka para sa sosyalismo, at ginagawa ito nang tama,” ayon naman kay Ghazi Noshie, organisador ng Australian Manufacturing Workers Union. Tila tinutukoy niya ang apat na dekadang pakikibaka ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army na ginagabayan diumano ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
“Paano natin papalaganapin ang sosyalismo? Walang iisang paraan. Mag-iiba ang proseso sa bawat bansa,” aniya pa.
Sang-ayon dito si Prop. Jose Maria Sison, tagapangulo ng anti-imperyalistang International League of People’s Struggle. Sa isang talumpati sa ISA hinggil sa mga ”tungkulin at tunguhin ng mga manggagawa ng daigdig,” sinabi niyang magkakaiba ang daan patungong sosyalismo sa tatlong tipo ng lipunan: ang bagong demokratikong rebolusyon sa mga bansang mala-kolonyal at mala-pyudal; sosyalistang rebolusyon sa mga kapitalistang bansa; at rekonstruksiyon para labanan ang rebisyunismo at panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang sosyalista.
Tungkulin ng kilusang paggawa
Susi pa rin sa pagpapabagsak ng kapitalismo at pagtatayo ng alternatibong sistema, ayon kay Sison, ang palakas na pandaigdigang kilusang paggawa. Umano’y wala naman itong ibang tunguhin. ”Tiyak na lalakas ang pandaigdigang kilusang paggawa habang nakikibaka ang mga manggagawa kapwa sa mauunlad at di-mauunlad na bansa para sa kanilang mga karapatan at interes bilang uri, at nakikipagkaisa sa iba pang mamamayan na ipaglaban ang kapakanan ng lahat (common good) laban sa monopolyo kapitalismo,” aniya.
Simula nang pumutok ang kasalukuyang krisis, may matitingkad nang pagkilos ang kilusang paggawa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Noong kumperensiya ng ISA, iniulat ni Robin Alexander, director of international affairs ng United Electrical, Radio, and Machine Workers of America ang matagumpay na anim-na-araw na okupasyon ng mga manggagawa sa Republic Windows and Doors sa Chicago. Dumagsa ang suporta mula sa mga kalapit na lungsod, at sa huli, muli nilang napabukas ang planta. Nagkaroon din ng okupasyon sa mga pagawaan sa Ireland, London, at Canada.
Nangunguna rin ang mga manggagawa sa general strike o pambansang welga. Sa Pransiya, tatlong milyong mamamayan ang nagprotesta noong Marso 19 para igiit sa administrasyong Sarkozy ang dagdag-na-sahod, paglikha ng trabaho, at pagpigil sa pagtaas ng buwis. Samantala, sa isla ng Carribean na Guadeloupe, nagtagumpay ang 44-araw na welga ng mga manggagawa para itaas ang minimum na sahod.
Pero ayon kay Wilson Baldonaza, pangkalahatang kalihim ng KMU, ”Hindi lang dapat magpakahon ang mga manggagawa sa pulitika ng unyonismo (trade union politics). Para umunlad ang kanilang kamulatan, kailangan nilang kilalanin ang mga teorya hinggil sa pampulitikang ekonomiya at sosyalismo.”
Inamin ni Mark Dimondstein ng North Carolina Labor Against the War, dahil na rin sa lahat ng umano’y black propaganda laban sa sosyalismo—kabilang na ang pagkabit nito ng US at iba pang mga Estado sa terorismo—maaaring hindi ito kaakit-akit sa iba kahit pa malinaw na bumabagsak na ang kapitalismo at kailangan ng isang kapalit na sistema.
Pero simple lamang ang pagsasalarawan ni Raymundo sa sosyalismo: Pinahahalagahan ang tao, at hindi ang tubo. Nangangahulugan ng planadong ekonomiya at panunumbalik ng kontrol ng tao sa kani-kaniyang buhay. Lilikha ng trabaho, edukasyon, kalingang pangkalusugan. Itataguyod ang mga karapatang pantao, kabilang ang pinakabatayang karapatan ng bawat isa na makilahok sa paghuhubog ng kinabukasan.
”Walang alternatibo sa sosyalismo,” aniya.
Hindi naman masyadong kinailangan ng pangungumbinsi ang mga lider-obrero ng mundo na dumalo sa nasabing porum hinggil sa kabuluhan ngayon ng Marxismo. Sa araw bago iyon, Marso 5, ang araw ng kapanganakan ni Marx. Hindi naman iyon sinasadya ng mga organisador ng ISA. Pero nangangahulugan kaya ito na pinapanganak muli, sa hanay ng mga manggagawa, ang kaisipan—o siyensiya pa nga—ng paglaya?