Uncategorized

Nora Aunor, ipinagtanggol ni German Moreno


Ang kinasadlakan ni Nora Aunor na kapalaran halimbawa’y ang pagkahuli sa kanya ng shabu sa Los Angeles Airport sa Estados Unidos ay bunga rin ng klase ng lipunan natin. Dahil labag nga sa batas ang pagdadala ng ipinagbabawal na gamot, ang mga artista o alagad ng sining sa buong daigdig ay may pagkakataon din na […]

Ang kinasadlakan ni Nora Aunor na kapalaran halimbawa’y ang pagkahuli sa kanya ng shabu sa Los Angeles Airport sa Estados Unidos ay bunga rin ng klase ng lipunan natin.

Dahil labag nga sa batas ang pagdadala ng ipinagbabawal na gamot, ang mga artista o alagad ng sining sa buong daigdig ay may pagkakataon din na nalulong sa droga halimbawa’y si Elvis Presley o si Whitney Houston at marami pang iba kaya lang ay hindi sila nahuli.

Sa lokal na industriya ng showbiz, maraming artista at alagad ng sining, iginagalang o hindi, ang nakaranas na ng pagkagumon sa bisyo o kaya naman ay pagtira ng damo, marijuana, cocaine, shabu, Ecstasy at iba pa.

Noon ay may pagkakataon na humihithit muna si Ishmael Bernal ng hush bago siya magtrabaho o si Liza Lorena ay nagpasinghot pa sa amin sa isang tube ng kung ano at parang naging bahaghari ang kulay ng kapaligiran namin sa loob ng ilang segundo. Si Julie Ann Fortich ay nagpahitit sa amin ng marijuana pero wala namang epekto. Si Vida Verde nang hindi pa uso ng shabu sa showbiz ay isa sa mga naunang gumamit nito. Ang komedyanteng si Richie Da Horsey ay nabulid sa pagdodroga kaya nakulong.

At hindi na bago ang pagtatapat ni Christopher de Leon sa kanyang pagkalulong sa drugs.

***

Kaya lang nga, ang karamihan sa kanila ay hindi nahuli pero sobra ang epekto sa kanilang pribadong buhay kaya nagulantang at parang nasira ang kanilang eksistensiya.

Pero ang sabi nga ng kontrobersyal na filmmaker na si Jowee Morel ay hindi naman maiiwasan ang droga sa mga artists dahil ito ay isang instrumento ng paglimot at moda ng pamumuhay.

Alam ba ninyo na si Jowee ay na-rehab pa sa London nang siya ay malulong sa droga dahil sa krisis ng kanyang pagkatao nang siya ay lumaki na?

Pati ang kanyang artista sa “Latak” ng Outline Films na si Marc Jacob ay nagtapat na naging drug addict siya.

Kaya ano ang kaso ni Nora?

Nahuli lang nga siya.

***

Ayon kay German Moreno, ang isa sa mga kaibigang matalik ni Guy, marami siyang naririnig na masasamang salita mula sa showbiz na nagsasabi nang negatibo kay La Aunor. “Pero kahit ano ang nangyari, maraming nagawa si Nora sa showbiz at kailangang ma-recognize natin ito. Bakit naman nila ginagano’n si Nora? Ano ba naman ang nagawa niya sa kanila?” tanong ni German.

Nag-ugat ang komento ni Moreno sa isyu hinggil kay Guy nang sabihin namin na maraming pumupuri sa kanyang mga talumpti sa iba’t ibang pagkakataon na nagsasalita siya sa mga tao—sa eleksyon ng Actors Guild o Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino, sa pagkapanalo niya sa Pasado ng Life Achievement Award, sa pagwawagi niya ng Best Supporting Actor sa Star Awards ng Philippine Movie Press Club sa Ateneo de Manila University kamakailan at sa paglagda niya ng kasunduan kamakailan kay Absy Sacer, kapatid ng radio announcer sa DZMM na si Kaye Dacer, para sa pag-iendorso ng Fragrances of the Stars.

“Dapat ay matutunan natin na mahalin at igalang si Nora. Walang ibang artista na nakagawa ng kanyang rekord kaya huwag nilang hamakin si Nora,” pakiusap ni El Moreno.

***

Ano ba naman ang maipagmamalaki ng karamihan sa mga artista natin kung ikukumpara kay Nora?

Nagawa bang ipagtanggol ng mga artista ang kapwa nila sa mapang-aping sistema ng mga negosyo, kabilang ang showbiz?

Nagtatag na ba ang mga artista o mga taga-showbiz na pumupuna kay Aunor ng unyon para maipaglaban ang pagkita ng mga artista at iba pang tauhan ng larangan?

Alam ba ng mga pumupuna sa buhay ni Guy ngayon ang tunay na dignidad ng pagtatrabaho?

Gumawa na ba ang mga pumipintas kay Nora ng radikal na hakbang para malutas ang kahirapan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagganap sa mga papel na magmumulat sa tunay na kalagayan ng tao sa kanyang lipunan? O umayaw na ba ang mga artistang pumupuna sa kawalan umano ng direksyon ng buhay ni La Aunor sa mga papel na eskapista sa pelikula at telebisyon na pulos pag-iwas lang sa pagkumpronta at pagharap sa mga problema ng lipunan at ng kanilang mga personal na suliranin?

O baka ang mga pumipintas kay La Aunor ay mas bugok at mas bulok pa ang pinaggagagawa sa buhay?

***

Ang pagkalulong sa droga o pagtikim nito ay para ring pagganap sa mga papel sa TV at pelikula na pampalipas-oras o hanggang pang-aaliw lang.

Ang pagkiling sa bawal na gamot ay para ring pakikianod sa mga kontrobersya ng buhay na ang akala ng mga taga-showbiz ay pampasikat lang pero sa katotohanan ay pampasakit lang ng ulo.

Ang pagbaling sa droga ay katumbas din ng pagsakay sa sistema na hindi lumulunas sa ugat ng problema kung paglala pa ng karamdaman na siyang sakit ng showbiz at ng mga iba’t ibang larangan sa labas ng negosyong ito.

***

Naging panauhin si Kuya Germs ni Absy upang lumahok sa liga nina Snooky Serna, Ara Mina, Nadine Samonte, Alma Concepcion, Cristina Decena, Aubrey Miles, Troy Montero, Maui Taylor, Jennifer Lee, Gwen Garci at marami pang iba na nagtitinda ng produkto ni Dacer.

Kaya nga kung babalik na si Guy sa Pilipinas ay mas malamang kaysa hindi ay kunin din siyang endorser ng pabango.

“Hindi na magaganda ang naririnig ko kay Guy kailangang mabawi na niya ang mga ito,” pahayag ni Germs.

Pero kung tutuusin ay laki sa hirap at wala talaga ang pinagmulan ni Aunor kaya sanay na siya sa buhay na ganito.

Ang pangungutang at pagkasaid ng laman ng bulsa ay karanasan ng mga pangkaraniwang Filipino na tulad ni Nora noong nagtitinda pa siya ng tubig sa istasyon ng tren sa Iriga City.

Kaya ano pa ang hinihintay ng masang Filipino kundi makipamuhay kay Nora at iligtas ang kanilang mga sarili sa pang-aapi ng mga mapagsamantalang naghaharing-uri?

***

Ito ngang si Zyrene Verano, ang dating aktor at mang-aawit na si Akiro ay nais talagang lumaya sa kanyang pagiging mapagkunwaring lalaki.

Kaya kamakailan ay nagladlad na siya na isa siyang bakla pero ang nais niya ay ang respetadong bading.

Ayaw niya anya ang ginagawa ni Bibi Gandanghari o Rustom Padilla na palengkera anya.

Nagpaopera na ng kanyang panlalaking sex organ si Zyrene at pambabae na ang kanyang butas ngayon.

Sa Thailand siya nagpa-sex change subalit may oryentasyon at counseling din siya sa Japan.

***

Kamakailan ay nagkrus ang aming landas nang siya ay mag-guest sa recital ng mga estudyaneng nag-summer class sa Grand Music Palace nina Prof. Ryan Manal at Roger de Leon sa panulukan ng 18th Avenue at P. Tuazon sa Cubao.

Pero sa Albertus Magnus ng UST Auditorium ginanap ang pagdiriwang.

Sa piling ng humigit-kumulang sa limampung mag-aaral ay kumanta si Zyrene ng “Tell Him,” ang piyesang idinuweto nina Donna Summer at Barbara Streisand at babaing-babae na ang boses ni Zyrene.

May bakas pa ni Akiro pero malambot na malambot na ang kanyang pananalita.

Malalambot na rin ang kanyang balat at kutis.

Umiinom siya ng hormonal tablets at glutathione para siya ay pumuti pang lalo.

Nagkausap na silang muli ng isa sa kanyang mga padrino sa showbiz na si Kuya Germs.

Sa “Master Showman, Walang Tulugan” unang sumabak si Zyrene at nagpapakalalaki pa siya noon hanggang umalis na siyang tuluyan sa show at nag-freelancer.

“Pero ayaw ko na pong magkunwari kaya ipinaalam ko na sa buong Pilipinas na babae na ako,” pahayag ni Zyrene.