Papel ng ahensiya ng gobyerno, korte at Kongreso sa pangangamkam ng lupa
Sa ilang pagkakataon, may basbas ang mga indibidual mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Agrarian Reform (DAR), Kongreso at maging sa korte, sa pangangamkam ng lupang binubungkal ng mga magsasaka. Sa mas maraming pagkakataon, sila ang nagpapadali sa pangangamkam. Narito ang ilang mga kaso: 1. Tampok na kaso ang pangangamkam ni Casiano […]
Sa ilang pagkakataon, may basbas ang mga indibidual mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Agrarian Reform (DAR), Kongreso at maging sa korte, sa pangangamkam ng lupang binubungkal ng mga magsasaka. Sa mas maraming pagkakataon, sila ang nagpapadali sa pangangamkam.
Narito ang ilang mga kaso:
1. Tampok na kaso ang pangangamkam ni Casiano Sandoval sa 15,303 ektaryang lupain sa isang baryo sa Diadi, Nueva Viscaya (NV) at sa baryo sa Cordon, Isabela. Saklaw nito ang sakahan at tahanan ng 3,500 na pamilyang nagbubungkal na ng lupa bago pa man ang taong 1961, kung kailan nag-aplay si Sandoval ng pagmamay-ari sa lupa. Napatunayan sa kasong ito ang pagbibigay ng DENR ng pekeng titulo, sabwatan ng korte at mga panginoong lupa at ang kainutilan ng Kongreso sa pagprotekta sa interes sa lupa ng mga magsasaka.
Ang nasabing pang-aagaw ng lupa ay naging kaso sa korte. Sa desisyon ng Regional Trial Court ng Bayombong, NV, hinati ang 15,303 ektaryang lupain sa sumusunod: 5,661 ek. sa Bureau of Forest Development (BFD)-DENR; 1,750 ek.sa Bureau of Lands (BOL); 4,000 ek. sa Philcacao; 2,000 ek. kay Sandoval; 1,000 sa pamilyang Parsac at Bayaua; at 892 ek. sa mga tagapagmana at abogado.
Maliwanag pa sa sinag ng araw ang sabwatan ng korte, mga partidong sangkot at mga opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno. Nakaroon ng parte ang lahat liban sa mga magsasaka. Kung ang klasipikasyon ng lupa ay alienable at disposable, bakit nagkaroon ng bahagi ang BFD at BOL? Kung pribadong lupain iyon, bakit nakabahagi pa ang kaagaw sa lupa ni Sandoval na pamilyang Parasac at Bayaua, pati mga tagapagmana at abogado? Nasaan ang moralidad sa desisyon ng korte na ariin ng isang tao (Sandoval) ang napakalawak na lupain, kasama ang lugar kung saan andoon ang watershed.
Matapos ang sunod-sunod na mobilisasyon ng mga magsasaka noong taong 2000 sa pagsusulong ng katiyakan sa binubungkal ng lupa, saka idi-deklara ng DENR na forest zone ang lugar at peke ang titulong ibinigay kay Sandoval. Nag-petisyon ang mga magsasaka para ireklasipika ang lupa mula forest zone at timberland tungong alienable at disposable, at kilalanin na ang karapatan nila sa lupa. Walang tugon ang mga may kapangyarihan sa panwagan ng mga magsasaka.
Sumunod na pangyayari sa kontrobersiyal sa 15,303 ektaryang lupa ay ang pagsulpot na parang kabute ng tatlong tao na matapang ang apog at malakas ang kapit sa DENR. Sumaklaw sila ng lupa ng walang kapagod-pagod. Kinamkam ng pamilyang Balasu ang 350 ektarya na binubungkal ng 110 pamilya sa San Pablo, Diadi, NV. Sa Wigan, Condon naman, ang pamilyang Samaniego ang nang-aagaw sa 45 ektarya na binubungkal ng 26 pamilya. Sa Caguilingan, Cordon, pinapalayas ng pamilya Roque sa 300 ektaryang lupain ang 148 na pamilya. Ipakulong ni Roque ang mahigit sampung magsasaka sa kasong arson at tresspassing. Sa sabwatan ni Roque at ng korte, higit isang taon bago nakalaya ang anim na magsasaka sa kasong nagki-kriminalisa sa pagsasaka. Kung hindi pa tumulong ang Diyosesis ng Ilagan sa pamumunoni Bishop Uteg ng pambansa at pangrehiyong opisina ng Sentra o Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo at ng Dagami, pamprobinsiyang samahan ng mga magsasaka sa Isabela, baka nabulok sa bilangguan ang anim na magsasaka.
Kahit pa nagde-demand ang mga magsasaka na ireklasipika ang lupa at naglabas na ng ulat ang PENRO-NV na potensiyal na alienable at disposable ang 350 ektarya sa San Pablo, Diadi, hindi ito natugunan dahil ayon sa Proclamation No. 131 at Executive Order No. 229. Batay sa proklamasyon ito na ipinasa ng rehimeng Aquino, walang maaaring i-reklasipika na lupa maliban kung pagtibayin ito ng Kongreso.
Walang mahintay ang mga magsasaka na reklasipikasyon sa kanilang kinatawan sa Kongreso. Ito pa rin naman ang Kongreso na binubuo ng mismong malalaking panginoong may lupa sa bansa.
Sa pagnanais mapahupa at mailigaw ang pagkilos ng mga magsasaka, ipinanggaganyak ng DAR na maipaloob sa CARP ang lupa kapag na-reklasipika. Ngunit natuto na ang mga magsasaka sa karanasan sa CARP ng ibang magsasaka; ang nais nila ay hindi maagaw sa kanila nag lupa at hindi sila kailangang magbayad ng 30 taon ng amortisasyon. Ito ay sa dahilang ang deka-dekadang pagta-trabaho nila sa lupa ang patunay na sila na ang maykarapatan sa lupa.
Hanggang ngayon, nakasampa ang kaso ng 15,303 ek sa Korte Suprema.
2. Panggagantso ng sindikato, pati ng mga kontak nila sa DENR, Land Bank of the Philippines at ng korte.
Sinasamantala ang marubdob na pagnanais ng mga magsasaka na magkaroon ng kasiguraduhan sa lupa, nanggagantso ang sindikato kasabwat ng mga tao nila sa Land Bank of the Philippines (LBP), DENR at korte para maibuslo sa isang iskema na pagkakwartahan ang magsasaka sa bulubunduking lugar na wala pang titulo ang mga lupa. Ang iskemang ito sa kalaunan ang magpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa. Sa bawat lote na ipapaloob sa voluntary offer to sell (VOS) ng CARP, P15,000 ang makukuha ng mga magsasaka at mapapatituluhan pa ang lupa. Ito ang panggaganyak ng sindikato sa iskema. Ipapasarbey ng sindikato ang lupa sa kontak o kasabwat nila sa DENR saka tatagain ang magsasak sa sobra-sobrang singil. Pekeng titulo ang ipapagawa ng sindikato, lalabas na kasama ang magsasaka gayung nakapangalan ang lupa sa iba na kasabwat ng nagpapanggap na siyang may-ari ng lupa. Siya rin ang nakapasok sa VOS at kukuha ng pera sa LBP.
Sa bawat P80,000 bawat ektarya na naipasok sa VOS, papartihin ito ng sindikato: P15,000 para sa magsasaka, P10,000 sa nagpanggap na may ari ng lupa, P2,500 sa canvasser sa bawat magsasaka na naipasok niya sa iskema at sindikato kasama ang mga kasabwat sa bultong perang natira.
Maraming magsasaka na naengganyo sa P15,000 sa kalagayang sila pa rin ang magsasaka sa lupa kahit pa mag-amortisa sila ng P500 tuwing anihan. Sa bulubunduking bahagi, tulad ng mga bayan ng Jones, Echague, Angadanan, San Guillermo, San Mariano, at iba pa, nagka-canvass ang sindikatong VOS.Sa San Mariano, 32 lote sa baryo ng Panninan ang nasakmal ng sindikato pati mga kasabwat sa DENR, LBP at DAR. Dapat nga namang ipaglaban ng magsasaka ang lupa, imbes na ipagkaloob pa sa CARP at ma-amortisa ng 30 taon at mapalayas sa lupa kapag pumalya ng tatlong beses ang mortisasyon.
Sa ilang panahong nagdaan mula ng magsimulang maningil ang LBP noong Abril 2003, may na-forclose na lupain at nailipat na sa lokal at dayuhang negosyante ang lupa ng magsasaka.
3. Ginawang ligal ng Kongreso ang pangangamkam sa 26,000 ek sa Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan para mailatag ang Cagayan Economic Zone Authority na pag-aari at kontrolado ng pamilyang Enrile sa pangunguna ni Senador Juan Ponce Enrile. Sa lokal, kinakatulong ng pamilyang ito ang DAR, DENR, DA at LBP sa pangangamkam ng lupa gamit ang dahas at panlilinlang. Kakutsaba si Jackie Enrile, noong kinatwan pa siya ng unang distrito ng Cagayan, ang mga opisyal ng BOL ng DENR sa pamimilit na mabili sa pinakamurang halaga, na halos hiningi na lamang ang mga lupa na nasa kategorya ng Land Declaration sa mga baryo ng Sinungan at Casambalangan sa Sta. Ana, at San Jose sa Gonzaga.
Nagpipikit ng mata ang DENR sa pagtotroso ng pamilyang Enrile sa Sta. Rosa at Gonzaga, patuloy nilang inuubos ang natitira pang puno ng kahoy na nagsisilbing watershed sa mga patubig at nagsusuplay sa libo-libong ektaryang sakahan ng magsasaka. Layunin ng mga Enrile na mapaalis ang mga magsasaka sa pagkasira ng kanilang irigasyon.
4. Sa maraming lugar sa rehiyon ng Cagayan Valley, kasangga ng may-ari ng lupa ang Municipal Agrarian Reform Office (MARO) sa pagpapaalis sa mga magsasaka na nakapaloob sa CARP. Prinepresyuhan ng may-ari ng lupa sa presyong lubhang pinataas, tripleng beses o higit pa sa aktual na halaga ng lupa na dapat mabayaran ng magsasaka sa loob ng isang taon. Kung hindi mababayaran sa loob ng isnag taon, mapapaalis ang mga magsasaka. MARO ang tumatawag ng dayalog para ilatag ng may-ari ng lupa sa magsasaka ang bagong patakaran, at ito rin ang gagawa ng kasulatan na hindinatugunan ng magsasaka ang kasunduan at tatanggihan na siya ng karapatan sa lupa.
5. Sobra-sobra ang paniningil sa sarbey ng lupa ng DENR nagkakahalaga ng P8,000 bawat ektarya, gayung dapat ay walang bayad ito. Kutsabahan ito ng mga nasa BOL at ng organisasyon ng mga surveyor sa Rehiyon II para pagkwartahan ang magsasaka. Sasabihin ng mga nasa DENR na umupa ang mga magsasaka ng rekomendado nilang surveyor para mapbilis ang parsa-sarbey sa lupa. Paghahatian ng nasa DENR at ng pribadong surveyor ang malaking halaga na nakuha nila sa magsasaka.
6. Sa Quiling, Roxas, Isabela, saklaw ng dating Hacienda Viceza, ang National Irrigation Administration (NIA) ay naniningil ng milyon-milyonng piso sa mga magsasaka dahil sa diumano’y hindi pagbabayad sa irgasyon. Ito ay sa kabila na ang NIA ang hindi nagbibigay ng resibo sa pagbabayad ng mga magsasaka. Halos buong komunidad ang kinasuhan ng estafa ng NIA.