11-anyos na bata namatay sa pamamaril ng sundalo
Isang 11-anyos na batang babae ang namatay sa operasyon ng mga awtoridad noong Hulyo 12 para tugisin ang mga nasa likod ng pambobomba kamakailan sa Cotabato City, ayon sa ulat ng Liga ng Kabataang Moro. Namatay ang menor-de-edad nang mabaril ng mga miyembro ng Task Force Tusig sa reyd sa isa umanong hideout sa bayan ng Sultan […]
Isang 11-anyos na batang babae ang namatay sa operasyon ng mga awtoridad noong Hulyo 12 para tugisin ang mga nasa likod ng pambobomba kamakailan sa Cotabato City, ayon sa ulat ng Liga ng Kabataang Moro.
Namatay ang menor-de-edad nang mabaril ng mga miyembro ng Task Force Tusig sa reyd sa isa umanong hideout sa bayan ng Sultan Kudarat, probinsya ng Maguindanao. Dalawa pang sibilyan ang napaulat na sugatan sa insidente.
Ang biktimang menor-de-edad ay Grade 5 na estudyante ng Muammad Elementary School.
Ayon sa grupo, “iresponsable” at “hindi makatao” ang ginawang pamamaril ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.
“Hindi nila sinunod ang standard operating procedure. Pumasok ang militar sa bahay nang hindi kumakatok at biglang nagpaputok,” sabi ni Michael Dumamba, secretariat ng LKM.
Sinabi ng grupo na hindi dapat masakripisyo ang buhay ng inosenteng mga sibilyan sa operasyon laban sa mga nasa likod ng pambobomba noong Hulyo 5.
Nanawagan naman ang grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns sa Commission on Human Rights at mga Human Rights Committee ng Kamara at Senado na imbestigahan kaagad ang insidente nang maiwasan ang isang whitewash. Umano’y “hawak” ng militar ang pamilya ng biktima.