45 obra tampok sa Pandayang Lino Brocka


Dinagsa ng mga obrang tumatalakay sa samu’t saring isyung panlipunan ang kauna-unahang Pandayang Lino Brocka.

Pandayang Lino Brocka
Pandayang Lino Brocka

Apatnapu’t limang obra ang napili para maging bahagi ng kauna-unahang Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival.

Gaya ng inaasahan, samu’t saring temang sosyo-pulitikal ang tinalakay ng mga obra tulad ng kahirapan, isyung pang-migrante, manggagawa at magsasaka, digmaan, kasarian, korapsiyon, karapatang pantao at pampulitikang panunupil, imperyalismo at isyu ng kabataan.

Ayon sa mga organisador ng pandayan, makatotohanan, makabuluhan at sumasalamin sa kasalukuyang panahon at pangangailangan ng mga mamamayan ang mga napiling piyesa. Ang ilan ay naglalantad ng mga sakit ng lipunan. Ang ilan ay nagtuturo habang ang ilan ay nananawagan ng kolektibong pagkilos.

Nagmula ang mga obra sa mga estudyante, grupo, at mga propesyunal na media practitioners buhat sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang ilan ay nagmula pa sa ibang bansa.

Sa loob lamang ng dalawang buwang palugit sa pagsusumite, ipinakikita lamang umano ng pagdagsa ng mga obra na marami pa ring artista ang naglalantad ng isyung kinakaharap ng mga mamamayan, gayundin ng kanilang paglaban.

Ang mga napiling obra ay ipalalabas nang libre sa Film Institute (dating Film Center) ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ang ilan naman ay ipalalabas sa mga komunidad at pabrika. Ang festival ay magaganap mula Agosto 5 hanggang 28. (Tingnan ang iskedyul sa ibaba).

Ang Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival ay handog ng Tudla Productions sa pakikipagtulungan ng National Commission on Culture and the Arts, University of the Philippines Film Institute, Asia Pacific College, Courage Partylist at ng Quezon City Times.

Ang Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival ay isang kultural na pagtitipon na naglalayong payabungin ang paglikha at pagpopularisa ng mga artistiko at makabuluhang obrang audio-biswal na makakapukaw sa kamalayan ng masang manonood.

Isa itong parangal sa yumaong direktor na si Lino Brocka, ang siyang nagpatingkad ng mga pelikulang tumatalakay sa mga isyung panlipunan. Si Brocka ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula noong 1997, anim na taon matapos ang kanyang pagkamatay.

Para sa mga katanungan, mag-email lamang sa tudla_productions@yahoo.com o tumawag sa 0921-6020007, 0935-1092750 at 0922-7857013.

Eskuwelahan:
Agosto 5-6 sa University of the Philippines Film Institute
Agosto 10 sa Asia Pacific College

Komunidad:
Agosto 8, 9 at 15 sa Brgy. Pook Libis, Bagumbuhay and Quirino 2B, QC
Agosto 16 sa Brgy. Veterans, QC
Agosto 22 sa Brgy. Central
Agosto 28 sa Malate, Maynila

Pabrika:
Agosto 13 sa piketlayn ng mga manggagawa ng Triumph
Agosto 14 sa tanggapan ng unyon ng mga manggagawa ng Advan
Agosto 18 sa tanggapan ng CUE- NHA, DENR
Agosto 21 sa Courage Partylist NCR Convention
Agosto 25 sa tanggapan ng DOLE Employees Union