Cha-Cha at pagbebenta ng lupa


Maraming sabik na baguhin ang Saligang Batas para iba’t ibang dahilan. May ilang nais ipagbili sa dayuhan ang malaking bahagi ng lupain ng bansa para isulong ang sariling interes.

Walang duda na term extension—o ang walang katapusang pamumuno ni Gloria Arroyo—ang nakapagpapagalit sa mayorya ng mga tumututol sa Charter Change. Pero mayroon pang nasasabik na baguhin ang Konstitusyong 1987 para sa pansariling kapakanan. Mayroon pang gustong mapanatili ang tila walang hanggang paghahari sa bansang ito.

Tampok sa mga balita ang pag-iikot ni Arroyo sa iba’t ibang bansa gaya ng Japan, South Korea, Brazil, US, Bahrain, Saudi Arabia, Italy, United Arab Emirates, Syria at Russia. Gastador ng kabang bayan? Totoo. Sumisipat ng bansang maaaring maging kanlungan kapag napaalis sa puwesto? Posible. Pero heto ang deklarado mismo ng gobyerno: na naghahanap ito ng mga dayuhang mamumuhunan para sa diumano’y pag-unlad ng bansa.

Tatlong milyong lupaing agrikultural sa Pilipinas ang ibinukas ng gobyerno para sa mga dayuhang agro-korporasyon, ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Kasalukuyang sinasarbey ang mga lupaing ito ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Environment and Natural Resources, National Commission on Indigenous Peoples, National Power Corporation at ng Armed Forces of the Philippines, bago ipapaubaya sa mga dayuhan at lokal na mga kasosyo nito.

Umano’y isang milyong ektarya na ang inilaan sa Miguel Kuok Food Security, Inc. ni Eduardo “Danding” Cojuangco, na nakipagsosyo sa The Kuok Group Ltd. na naka-base sa Hong Kong. Isang milyong ektarya pa ang inilaan sa Fuhua Agricultural Science and Technology Development Co., Ltd., kompanya ng hybrid rice sa Tsina. Samantala, 400,000 ektarya naman ang para sa Agriculture Department of Guangxi Zhuang Autonomous Region sa Tsina.

Sa pinakahuling biyahe ni Arroyo sa South Korea, 400,000 ektarya din ang inialok nito sa kompanyang Bio-Energy NL na naka-base sa United Kingdom, para pagtamnan ng biofuel (na 60% ay mapupunta sa pagsusuplay sa Japan; 40% lamang ang makukubra ng gobyerno ng Pilipinas).

Sa kabuuan, umaabot na sa 20% ng kabuuang lupaing agrikultural ng bansa ang mga lupaing ibinenenta ni Arroyo sa dayuhang mga kompanya. Siyempre, nasa anyo ito ng pagpapaupa at pakikipagsosyo sa lokal na mga kompanya, na pinapayagan sa ilalim ng Konstitusyong 1987.

Pero maaaring dumating ang araw—kapag nagtagumpay ang Cha-Cha na binabalak ni Arroyo at mga alipores nito sa Kongreso—na mapagpipiyestahan ng mga dayuhang negosyo ang mayayamang lupain at rekursong likas ng Pilipinas. “Hindi pa man natatanggal ang konstitusyunal na pagbabawal sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng lupa, heto na’t binebenta ng pangulo ang mga lupain ng ating mga magsasaka,” sabi ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Ayon kay Arthur Yap, kalihim ng Department of Agriculture, tiwangwang naman ang mga nasabing lupain. Pero doon na lamang sa Sitio Paragawan, Montalban, Rizal, kung saan itinutulak ni Negros Oriental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ang plantasyon para sa biofuel, daan-daang magsasaka na nag-aalaga ng mga puno ng prutas ang ngayo’y pinapalayas ng mga elemento ng AFP, ayon sa KMP.

Mapait ang karanasan ng mga magsasaka sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon sa kanilang mga lupain. Halimbawa, sa mga plantasyon ng prutas ng Dole at Del Monte (mga kompanyang naka-base sa US) sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, hilahod ang mga manggagawang bukid. Wala pang P100 kada araw ang suweldong natatanggap, para sa libu-libong kahon ng prutas na inaani at iniluluwas sa ibang bansa. Kapag nagwewelga, hinaharas at pinapaslang pa nga ang kanilang mga lider.

Dahil sa kasaysayan ng kolonyalismo at neo-kolonyalismo ng bansa, kailanman hindi nawala ang dayuhang paghahari sa mga lupaing kinakalinga ng ating mga magsasaka. Pero kapag natuloy ang Cha-Cha, ano ang makakapigil sa mga dayuhang korporasyon na pira-pirasong bilhin ang ating mayayamang lupain hanggang sa walang matira ni isang metro kuwadrado para kay Juan at Maria?

Nararapat lamang na tutulan ang lahat ng gustong maghari at magsamantala sa pamamagitan ng Cha-Cha.