Mga larawan: Kamatayan sa Bagong Silangan
September 29, 2009
Mahigit 20 ang nakaburol sa plaza ng Brgy. Bagong Silang, Batasan, Quezon City. Isang maralitang komunidad, isa ito sa marami pang lugar sa Metro Manila na lubhang nasalanta ng bagyong Ondoy.

Namatay sa pagkalunod ang karamihan sa mga biktima. Himutok nila, walang dumating na tulong mula sa gobyerno. Umabot na sa 100 katao na ang binawian ng buhay, ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Coordinating Council.

Bagaman napatampok sa balita ang mga biktima ng pribadong subdibisyon na Provident Village sa Marikina City, karamihan sa mga namatay ay mula sa mga maralitang komunidad gaya ng Brgy. Bagong Silangan.

Ayon sa mga residente dito, hindi pa matiyak ang bilang ng mga nawawala. Ayon sa NDCC, dalawang araw matapos ang pananalasa ng bagyo, nakapokus na ang kanilang operasyon sa paghahanap ng bangkay (retrieval operations) kaysa sa pagsagip ng buhay (rescue operations)

Ina ni Muelmar Magallanes, tinaguriang bayani ng kanilang barangay. Namatay ang 18-anyos na construction worker sa pagkalunod matapos sagipin ang 30 katao sa kanilang lugar, kabilang ang isang anim-na-buwang sanggol.

Halos 100 pamilya ang nagsisiksikan sa plaza ng barangay na nagsisilbi ring evacuation center. Laging kulang ang mga relief goods na bigay ng mga pribadong donor.