Mga tala sa dalawang bagong nobela tungkol sa rebolusyon: Desaparesidos at Gerilya


Rebyu ng “Desaparesidos” (2007) ni Lualhati Bautista inilathala ng Cacho Publishing House, at “Gerilya” (2009) ni Norman Wilwayco

Rebyu ng “Desaparesidos” (2007) ni Lualhati Bautista inilathala ng Cacho Publishing House, at “Gerilya” (2009) ni Norman Wilwayco

Maraming mga tula, awit, kuwento at maging mga pelikula, pero mukhang bihira talaga ang nobelang pumapaksa sa NPA at sa rebolusyon.

Ang natatandaan ko lang ay ang nobelang Gera ni Ruth Firmeza. Bagamat MAINSTREAM ang pangalan ng naglimbag ng nobela, bigla na lang itong sumulpot at nabasa ng mga intelektuwal sa mga unibersidad. Pero hindi naman talaga lumaganap ang Gera sa totoong mainstream, o sa mga istante ng mga bukstor o aklatan. Isinulat din ito ni Firmeza hindi bilang isang manunulat o nobelista kundi bilang kadre at mandirigma na bahagi pa mismo ng Bagong Hukbong Bayan o NPA at habang nagsusulong pa ng armadong pakikibaka.

Napakayaman ng paksa kaya’t kayraming nalikom na akda’t testimonyal, talambuhay at reportahe mula sa rebolusyon — kathang-isip man ang mga ito o aktuwal na dokumentasyon. Lalo’t aksesibol na ang mga ito sa internet, i-Google lang o hanapin sa YouTube ay santambak na mga resulta mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas ang makukuha ng sinumang nais mang-usisa. Pero sa loob ng 40 taon, minsanan lang talaga kung lumitaw ang mga nobelang Pilipino na tumatalakay sa digmang bayan sa kanayunan. Kunsabagay, sa panahong ito, parang hindi lang naman ang pagpaksa sa rebolusyon ang salat. Kung hindi natin bibilangin ang nagkalat na mga tipong “valentine romances” na nobela/novelette/paketbuk, kung tutuusin ay may kasalatan din mismo sa bilang o bolyum ng mga naililimbag ng “seryosong” nobela sa wikang Pilipino sa kasalukuyan.

Kaya pambihira para sa akin na masumpungan kamakailan ang hindi lang isa kundi dalawang nobelang tahasang pumapaksa sa buhay ng mga Pulang mandirigma ng BHB o NPA. Hindi lang isa kundi dalawang nobela at likha pa ng mga manunulat na kapwa-premyado at maaaring tawaging “nobelista talaga” – ang una’y ang Desaparesidos (2007) ni Lualhati Bautista (awtor ng mga nobelang Dekada ’70, ‘Gapo at Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?) at ikalawa’y ang Gerilya (2009) ni Norman Wilwayco (awtor ng nobelang Mondo Manila).

Sa rebolusyon kapwa umiinog ang paksa at tagpo ng dalawang nobela, kaya’t maaaring magkaroon ng mga paghahambing. Aasahan na kargado sa kumplikadong mga usaping pulitikal ang mga nobela, kaya kung “walang muwang” ang mambabasa ay mahihirapan ito na maunawaan ang salimuot ng konteksto. Ngunit bukod dito, at sa kabila nito, uminog ang mga nobela kapwa sa dalawang sentral na tauhan na sa pag-unlad ng banghay ay magkakaroon ng romantikong relasyon, ibig sabihin, love story – sa Desaparesidos, sa pagitan nina Anna/Ka Leila at Manuel/Ka Roy; sa Gerilya, kina Ala/Ka Alma at Tony/Ka Poli. Sa kabila ng lahat ng kumplikasyon, mga love story ang ating tatalakayin. Gayunman, hindi ito kahinaan ng mga nobelang ito. Sapagkat pambihira ang mismong tagpo at paksa, malaking hamon ang paglululan nito sa mas pambihirang estilo o pamamaraan ng paglalahad ng mga awtor. Tiyak na hindi naman babagsak sa antas ng karaniwang valentine romance ang Desaparesidos at Gerilya.

Nagkakaiba naman ang dalawa sa partikularidad ng tagpo. Apatnapung taon na ang rebolusyonaryong kilusan na tinutukoy, at ang nobela ng mas nakatatanda na si Bautista ay nasa tagpo kung kailan musmos pa ang kilusan. Sumentro ito sa panahon ng Martial Law ngunit sumaklaw maging sa punto na tila humupa na ang pakikisangkot ng mga karakter matapos mapatalsik si Marcos. Matutuklasan na humupa rin ang pakikisangkot ng dalawang mayor na karakter ni Wilwayco, ngunit mararamdaman na hindi nalalayo sa kasalukuyan ang tagpo ng kanyang nobela. Habang nagtatangka si Bautista na bigyan ng sapat na istorikal na pagsasakonteksto ang kanyang nobela, itinatanggi naman ni Wilwayco na ito’y hango sa tunay na buhay.

Desaparesidos

Sa Desaparesidos, ang binabalikan ay nakaraan ng mga dating NPA sa panahon ng Martial Law, mula sa kanilang “kasalukuyang” (circa 1990s) punto-de-bista bilang mga biktima at aktibista sa isang NGO na naghahanda ng class suit laban sa rehimeng Marcos. Nagsasalasalabid ang bigat ng buhay ng ilang “walang pangalang” tauhan na nagkatagpo-tagpo lamang dahil sa kanilang paninindigan — napatay ang unang asawa ni Ka Leila/Anna nang sanggol pa lamang ang kanilang anak na si Malaya; dahil sa higpit ng sitwasyon ay ipagkakatiwala niya ang sanggol sa buntis na si Karla na kinukupkop ng pamilya ni Ka Roy/Manuel; mamasakerin ng kaaway ang buong pamilya ni Roy; mawawala si Karla at ang sanggol; mahuhuli at papahirapan ng kaaway sina Anna at si Jinky (asawa ni Karla) sa kanilang pagtatangka na hanapin ang mga nawawala; magtataksil si Jinky; mapapahamak ang yunit nina Roy dahil sa pagtataksil ni Jinky; sa kanilang paghahanap ng hustisya muling magtatagpo at magkaka-ibigan sina Ka Roy at Ka Leila…at iba pa, at iba pa.

Bukod sa mga mayor na tauhang ito na kumilos bilang mga NPA sa panahon ng Batas Militar, may “ikalawang henerasyon” ng mga tauhang nilikha si Bautista – ang tinaguriang mga “anak ng martial law” na nais din niyang patampukin at isalarawan. Kontrast ang pahiwatig sa karakter ni Lorena, anak nina Roy at Anna, na tila tiwalag sa mundo ng pakikisangkot, at asiwa maging sa paranoia ng kanyang mga magulang dulot ng kanilang traumatikong nakaraan; habang ang batang si Eman, anak din ng mga NPA, ay lumaking nakauunawa sa pasya ng kanyang mga magulang at magiging aktibo rin sa sarili niyang paraan. Si Malaya, ang nawawalang anak ni Ka Leila, ang “susi” dahil habang hinahanap siya ay hinahanap din niya ang sarili niyang identidad. Matapos lumaki sa sa ibang bansa sa hindi tunay na mga magulang, matutuklasan din niya ang kanyang tunay na kasaysayan at pinagmulan.

Ngunit kung papansinin, tila ang kanilang mismong paninindigan ang tanging nagbigay ng bigat at komplikasyon sa buhay ng mga mayor na tauhan. Sa kabila ng pagsasakonteksto ni Bautista sa paglalaan ng isang “hiwalay” na kabanata sa gitna ng nobela, maaaring mahirapan pa rin ang mambabasa na unawain ang isang napakahalagang bagay — bakit nga ba nagpapasyang maging mga NPA ang mga taong ito kung puro pasakit at abuso lamang ang mapapala nila sa pakikibaka? Bagamat nagtatangka si Bautista na ipaliwanag na ang sitwasyong ito ay mauugat sa di-pantay na relasyon ng Amerika at Pilipinas sa larangan ng ekonomiya, pulitika, militar at kultura ( sa kanyang salita ay “pag-iibigang Marcos-US”) nakadududa kung epektibong nailangkap ito sa aktuwal na daloy ng pagsasalaysay. Nagiging napakabigat nito lalo pa at napakatingkad ng paglalarawan ni Bautista sa mga eksena ng tortyur, hamletting at iba pang abusong militar sa kanyang mga mayor na tauhan, at sa masa. Kung susundan lamang ang kwento, tila abusong militar lamang ang tanging kaaway na nagbibigay ng motibasyon sa mga tauhan upang magpatuloy at “maghiganti.” Bakit nagsasakripisyo ang mga taong ito na mawalay sa kanilang mga pamilya — “para sa bayan?” Teka, ano ba talaga ang trabaho ng mga NPA? Ang magsikap na hindi madakip upang hindi mapatay o mapahirapan ng kaaway?

Dahil matagal na binibinbin ng nobela ang sagot sa mga tanong na ito, maaaring mahatak o masadlak ang mambabasa sa samu’t saring emosyon na kayhirap unawain. Nakakatakot ang tortyur, nakakaawa ang masa at ang mga bata, nakakainis, nakakapanlumo, nakakabagabag, nakakapanghinawa. Lalo pa itong pabibigatin ng panunumbat ni Lorena sa kanyang mga magulang na: “ Wala naman kayong nagawa kundi ang lumikha ng isang lipunan ng mga desaparesidos!” Kung tutuusin, ang tinutukoy na desaparesidos ay hindi lamang ang mga biktima ng enforced disappearances ng estado, na sa nobela ay napakaminimal naman at sa kaso lamang ng isang menor na karakter na si Lito. Ang mga desaparesidos ay sila mismo — mga babae at lalaki, mga magulang, asawa, kapatid, at anak, na dahil sa kanilang pakikisangkot sa rebolusyon ay natiwalag sa isang “normal na buhay.” Na kahit pa lumipas ang maraming taon matapos ang kanilang mapapait na karanasan ay walang- humpay pa rin sila sa paghahanap, hindi lamang para sa nawawala (hal., si Malaya) kundi lalong higit sa paghahanap ng kani-kanilang tunay na mga sarili — na kung pakasisimplehin ay walang ibang tinutukoy kundi ang natiwalag nilang papel sa pamilya bilang anak, asawa, o magulang.

Kaya’t sa ganitong pag-atake sa kanyang paksa, tila nagsisikap si Bautista na gawing mga tunay na tao ang kanyang mga tauhan, ngunit lalo silang nawawala at halos nagiging multo. Maaaring epektibo na ang ganito. Maaaring sinasadya din niya ito dahil halos napakabigat na ng paksa upang dagdagan pa ng mga detalye na mas lalong bubuhay sa kanyang mga tauhan. Ngunit ang maaari pang hanapin ng mambabasa ay ang mas matalas na karakterisasyon sa mga tauhan batay sa kanilang mga uring pinagmulan. May pakiwari na lahat ng kanyang mga tauhan ay mga petiburgis dahil sa estilong “Taglish” ni Bautista. Hindi rin maiwasan na mapansin na may pagka-istereotipikal kung magsalita ang mga tauhan bilang mga NPA, habang sa panahon ng kanilang kagipitan at isterya ay lagi nilang tinatawag ang Diyos. Ganoon ba talaga iyon o partikular lang sa mga tauhang nilikha ni Bautista?

Sa huli, seryoso nga ba si Bautista sa pagbawi ni Lorena sa panunumbat at sa pagtanggap sa nakaraan ng kanyang mga magulang — o si Bautista mismo ay nagdududa pala at nanunumbat sa mga nagawa ng rebolusyonaryong kilusan? Maaaring ni hindi ito sumagi sa isip lalo na ng kanyang mga tagahanga, dahil aasahan na ang kanyang pulitika at pagkiling mula sa kanyang mga naunang nobela. Sa pagpili pa lamang ng paksang ito, nagiging matimbang sa kanyang nobela ang mabigyan ng katubusan ang kanyang mga tauhan habang sila’y naghahanap ng katarungan. At maaaring iniaatang na rin ng awtor sa mambabasa ang paghahanap ng mga kasagutan, gaya ng iniaatas nito sa mga “anak ng martial law” na di maiiwasang kabahagi ng nakaraan ng kanilang mga magulang. Tinatapos din ni Bautista ang kanyang nobela sa isang epilogo na nagsasaad na hanggang sa kasalukuyan ay nagaganap pa rin ang mga abuso na naganap sa panahon ng Martial Law. Maaaring hindi sinasagot ni Bautista ang mahahalagang tanong, dahil wala naman talaga sa kanya ang mga kasagutan — kundi nasa lipunan mismo na pinagtatangkaan niyang ilarawan sa Desaparesidos.


Gerilya

Cover ng ‘Gerilya’ ni Wilwayco

“Ang tagumpay ni Bautista ay mahirap ihanap ng katapat sa mga akda ng mga kapanahon niya,” wika nga ni Bienvenido Lumbera sa kanyang introduksiyon para sa Desaparesidos. Marahil ay hindi pa niya nababasa ang Gerilya. At bilang isa sa iilang “seryosong” kabataang nobelista sa kasalukuyan, hindi rin naman masasabi na kapanahon ni Wilwayco si Bautista.

Tulad ng Desaparesidos, mayroon ding malalagim na eksena ng karahasang militar sa Gerilya – ngunit maaaring hindi naman talaga ang mga ito ang nakakasindak sa nobela. Mas nakasisindak marahil ang karakter ng pangunahing tauhan na si Tony/Ka Poli – isang kabataang petiburgis, halos lumpen, na nagpasyang sumampa sa NPA. Ang “kakaiba” sa karakter na ito ay hindi niya maiwanan ang bisyong marijuana kaya’t lihim pa rin siyang gumagamit nito kahit nasa loob na siya ng sonang gerilya.

Dagdag pa ay may mga eksenang nakakabagabag gaya ng “masaker” sa mga baka ng isang panginoong may-lupa bilang sanksiyon sa di-pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis, ang pagkumpiska at pagsunog sa chainsaw ng karaniwang magkakahoy sa kabila ng kanilang pagmamakaawa, at iba pa. Sa ganitong paglalarawan, maaaring maglaway ang taong naghahanap ng mga butas, kapintasan at pagkakamali sa kilusan. Lalo pa sa daloy-ng-kamalayang pag-aalimura ni Ka Poli dahil sa kabagutan, sa katamaran at kaduwagan ng kanyang mga kasama (comrade), bukod sa iba pang mga angas sa buhay – na kahit pa nasa isip lang ng tauhan ay tiyak na labag na labag sa Tres-Otso ng NPA na hinalaw pa sa disiplina ng Pulang Hukbo nina Mao Zedong sa Tsina. Halos mawawalan na ng ganang magbasa ang sinumang may pagkiling sa rebolusyonaryong kilusan, at umaasa na may makabuluhang masasabi si Wilwayco sa pagpili niya ng paksa at tagpo ng Gerilya.

Ang “paninindak” na ito — ang pangingibabaw na “tonong lumpen” ng tauhan at pagpapakita ng mga indibidwal at organisasyunal na kahinaan ng NPA ay maituturing na malaking problema ng nobela para sa ilan. Gayunman, dito rin humuhugot ng kakanyahan at kapangyarihan ang nobela. Sa pamamagitan ng ganitong “paninindak” ay nagiging kongkreto ang paglalarawan sa isang penomenon na karaniwan lamang nailalahad sa napakaromantisadong paraan. Ang pagpapanibagong-hubog ng mga rebolusyonaryo sa Gerilya ay nakasisindak dahil naging napakatototoo. Makikita sa nobela ang sinasabing salimuot sa pagpapasya ng isang indibidwal na iwaksi ang dating mga gawi at aktitud upang maglingkod sa masa — kailanma’y hindi ito maaaring maging isang tuwid at maaliwalas na daan, hindi ito istandard at pare-pareho para sa lahat sapagkat bawat isa’y may kanya-kanyang bagahe at agam-agam, at bawat karanasan ay may iba’t ibang tekstura at bigat.

Kung iwawaksi ang pakiwari na ang inilalarawan ni Wilwayco ay panay mga “paninira sa kilusan,” lalong tumatampok na mahusay ang pagkakahabi ng banghay — ang paglalahad ng mga bagong tagpo at rebelasyon ay parang mga pasabog na laging sapol sa kamalayan ng mambabasa. Walang pagsisikap si Wilwayco na ipakita ang isang perpektong mukha ng rebolusyon at ng kanyang mga tauhang NPA, sapagkat kung gayon, ang mga ito ay para bang mapagkakaitan lamang ng lalim. Pinakamaigting ang mga tagpo kung kailan mararamdaman na naisasatitik ni Wilwayco ang malalim na pang-unawa sa salimuot ng rebolusyon, ang salimuot na sumasaklot sa isip ng mga indibidwal na nagpapasyang makisangkot dito. Kapangahasan ang sabihin na mas sensitibo, matapat at kapani-paniwala ang karakterisasyon ni Wilwayco batay sa pagsusuri sa uri at sikolohiya ng iba’t ibang tauhan sa mga sitwasyong inilatag ng nobela.

Sapagkat kasabay ng mga “nakababagabag” na tagpo, ang napapasadahan ni Wilwayco ay ang iba’t ibang gawain ng NPA, gaya ng pag-oorganisa sa mga magsasaka, pagbibigay ng edukasyong masa (sa nobela ay sa hanay ng mga katutubong Dumagat), pagbubuo ng mga sangay ng Partido Komunista sa lokalidad, rebolusyonaryong kasal, pagpaparusa sa mga taksil, taktikal na opensiba laban sa kaaway at iba pa. Bawat kabanata ay nilahukan din ng awtor ng mga liriks mula sa totoong rebolusyonaryong awit na totoong popular sa rebolusyonaryong kilusan. Di gaya ni Bautista ay walang pagsasakontekstong ibinibigay si Wilwayco, sapagkat sa simula pa lamang ay sinasabi niya na nagkataon lang ang pagkakahawig ng nobela sa tunay na buhay. Ngunit sadya man o hindi, mas kongkretong larawan ng mga rebolusyonaryong gawain, at maging manera ng pagkilos ng NPA sa kanayunan ang naipakita sa nobela. Maging ang pagsasalarawan ng tereyn sa tagpong Bulacan at paggamit ng radyo bilang komunikasyon ng mga gerilya ay nagpapakita ng lawak ng imahinasyon ng awtor para sa tagpo at paksang sinasabing kathang-isip lamang.

Sa mga menor na tauhan at sitwasyon ay lalong nabibigyang-buhay ang iba’t ibang aspekto ng rebolusyon – ano ang isang kadre? Ano ang isang rebolusyonaryong ama? Sino ang masa? Ano ang relasyon ng masang magsasaka sa Hukbo? Gaano kasalimuot ang pagpapataw ng rebolusyonaryong hustisya? Dito niya mapagtatagni ang buhay nina Ka Poli at Ka Alma, at mauunawaan na sa salimuot ng kanilang piniling buhay at pakikibaka, posibilidad ang umabot sa rurok ng pag-aalinlangan at humantong sa kanilang pagpapahinga sa kilusan. Mapapaengkuwentro ang tropa nina Ka Poli, magiging palpak ang pagpaparusa ni Ka Alma sa isang pinaghihinalaang impormer ng kaaway, magkakaroon ng butas sa seguridad ni Ka Alma at siya’y madadakip at magagahasa, maililigtas si Ka Alma ng masa, hahanapin siya ni Ka Poli at sila’y magpapasyang magpahinga. At ganoon nga ba? Ang pagpapahinga ba sa kilusan ang binibigyang-katwiran ni Wilwayco?

Tila kakatwang sirkumstansiya lamang – o kakulitan — na isinisingit ni Wilwayco ang papel ng marijuana sa pagbubuo ng kanyang mga tauhan, at sa isang mahalagang eksena, ang marijuana pa ang “nagligtas” kay Ka Alma mula sa mga Cafgu na gumahasa sa kanya. Sa huli – bilang “pasasalamat” at “responsabilidad” sa masang kanyang iiwanan sa kanyang pagpapahinga – paparusahan ni Ka Poli ang pusher ng shabu na bumibiktima sa mga kabataan sa kanayunan. Higit sa rebolusyon, maaaring mas mariin pa nga ang paninindigan dito ni Wilwayco. Ang pamamarusa ay pasya ng tauhan hindi bilang pagsisisi sa kahinaan, kundi dahil “mulat” ito sa kaibahan ng kanyang “relihiyong marijuana” sa nakapipinsalang mga bisyo ng iba. Tulad ng sa rebolusyon, maselan din ang ganitong paninindigan.

Sa kronolohikal na dulo ng nobela, magpapasya si Ala/Ka Alma na bumalik sa armadong pakikibaka, habang si Tony/Ka Poli ay tapat sa kanyang karakter – patuloy na naghahanap at hindi pa rin kuntento sa buhay. Pinamagatang “Bagong Yugto” ang dalawang huling kabanata ng nobela, at walang duda na ang mga ito ang siyang pinakamaigting at pinakamapangyarihan. Kailangan na lamang mamili ng mambabasa kung alin sa dalawang “yugto” na ito ang mas matimbang para sa kanila, batay sa kanilang pagkilatis sa panitikan at pulitika. “Hindi piknik ang rebolusyon,” wika nga ni Mao Zedong, at pinili itong banggitin ni Wilwayco sa simula ng kanyang nobela. Ito ang sumasapol sa samu’t saring ideya at pahiwatig na mahahalaw sa Gerilya.

Pagpupunahan at Pagpuna-sa-Sarili

Parehong mapangahas, at parehong napakabigat ng mga nobelang Desaparesidos at Gerilya – na tila mangangailangan din ng stress debriefing ang sinumang babasa na pamilyar sa mga tagpo na inilalarawan ng mga ito! Hindi maiiwasan na makahanap ng mga bagay at detalyeng maaaring punahin sa mga nobela — bukod sa nabanggit na ay marami pang iba. Mainam kung gaya ni Firmeza, ang mga nasa loob ng rebolusyonaryong kilusan mismo ang makagawa ng mga nobelang magiging matapat sa paglalahad at paglalarawan sa kanilang mga karanasan. Maaaring hamon na lamang ito. Pero kunsabagay, tunay na mabigat na proyekto ang isang nobela. At kahit di hamak na mas mabigat na proyekto ang baguhin ang mundo, laging pinakamainam ang lumahok rito, kaysa sa magtangka na lamang na magsulat tungkol sa rebolusyon.