Pagpapauwi ni GMA sa mga OFW ‘walang pusong’ media gimmick?


Noong nakaraang buwan pa dapat nakauwi ang 120 istranded na OFW–pero umano’y pinagtiis sila para lamang may bitbit si Pangulong Arroyo pauwi mula sa kanyang bisita sa Saudi Arabia.

Mga OFW na biktima ng contract substitution sa Jeddah, Saudi Arabia
Mga OFW na biktima ng contract substitution sa Jeddah, Saudi Arabia

Bago tumulak papuntang Saudi Arabia si Pangulong Arroyo para sa isang state visit noong Setyembre 17, 2009, nagpaalala ang mga migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya: bigyang-pansin sana ng pangulo ang kanilang mga kaso at kung maaari, huwag gamitin ang ilan sa kanila para pabanguhin ang naturang pagbisita. Pero pagbalik ng pangulo, nagmistulang “tinig sa ilang” ang kanilang mga panawagan, at tulad ng inaaasahan nila, naging “showcase” na naman ang ilan sa kanila.

Bago pa man umuwi sa bansa si Pangulong Arroyo noong Setyembre 22, ipinagmalaki na ng Palasyo na 120 OFW na sinamang-palad sa Saudi Arabia ang kasamang babalik ng pangulo. Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde nang araw na iyon na ang mga OFW na ito ay nakahimpil sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Center sa naturang bansa.

“Iuuwi namin diyan sa Pilipinas ang 120 OFW mula dito sa Saudi Arabia. Sila ay may mga kaso at iba’t-ibang problema rito. Ang pangulo mismo ang mag-uuwi sa kanila ngayong Miyerkules (Set. 23),” ayon pa sa kalihim.

Ayon naman sa grupong Migrante International, ito nga kinatatakutan nila; ang paggamit ni Pangulong Arroyo sa mga OFW para magmukhang maganda ang resulta ng pagdalaw nito sa Saudi Arabia.

Noon pa dapat napauwi

Para sa Migrante, “walang pusong media gimmick” ang ginawang pagpapauwi sa 120 OFW dahil inipit lamang ang mga ito sa OWWA Center para lamang makasabay ng pangulo sa pagbabalik nito mula sa Saudi.

Ayon sa grupo, tiniyak sa kanila sa isang pakikipagdayalogo kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon mahigit isang buwan na ang nakakaraan na mapapauwi na ang naturang mga OFW sa loob lamang ng dalawang araw. Si Senator Loren legarda pa umano ang namagitan sa naturang diyalogo.

“Lampas-lampas na ang dalawang araw pero walang repatriyasyon na nangyari. At ngayon lang nangyari. Naniniwala kami na walang ibang dahilan sa pagkabalam kundi ang plano ni Pangulong Arroyo na isama niya sa photo ops ang mga kawawang OFW na ito pagbalik niya dito sa bansa para bigyang katwiran ang kanyang maluhong pagbiyahe,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

“Nagkakasakit na ang mga OFW at ang ilan ay namatay na dahil sa masikip at makabaligtad-sikmurang mga deportation center sa Saudi. Ipinapakita lamang ng sadyang pagbalam ng repatriyasyon para sa photo ops kung paano tinatrato ng administrasyong ito ang mga OFW,” dagdag ni Martinez.

Pinatunayan naman ito ng tsapter ng Migrante-Middle East. Ayon sa grupo, marami sa mga OFW sa deportation center sa Saudi Arabia ang tumawag na sa kanila bago pa man ang pagdalaw ni Pangulong Arroyo para humingi ng tulong para sa pagkaian, gamot at tuluyang pagpapauwi.

Ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME, hindi man lamang nabanggit ni Pangulong Arroyo ang mga kasong ito nang magsalita sa harap ng umano’y “hakot crowd.”

Wala rin umanong naganap na dayalogo nang makipagkita ang pangulo sa mga Pilipino sa MoveNPick Hotel sa Al Khobar at umiiwas pa ito sa pagsagot sa mga hinaing ng mga OFW.

Sinabi rin ni Monterona na inagaw ni Pangulong Arroyo ang kredit ng pagpapauwi sa 120 OFW mula sa gobyerno ng Saudi na regular na nagpapauwi ng mga istranded na migrante, kabilang na ang mga OFW, dahil sa kagandahang loob matapos ang banal na buwan ng Ramadan.

Mga kasong pinabayaan

Nang araw na umalis ang pangulo, nagsagawa ng isang press conference ang Migrante kasama ang ilang miyembro ng mga OFW na may kinakaharap na kaso sa Saudi Arabia. Kabilang dito ang apat sa 23 OFW biktima ng contract substitution na noo’y kadarating lamang at isang kapatid ng dalawang OFW na nasa death row.

Kabilang si Virginita Apuya, biktima ng contract substitution, sa 23 OFW na umuwi sa Pilipinas noong Setyembre 17, 2009 dahil sa hindi magandang kapalarang nadatnan sa Jeddah, Saudi Arabia.

Umalis sa Pilipinas si Apuya isang taon na ang nakakaraan sa pag-asang makakakita ng magandang hanapbuhay sa ibang bansa. Bago umalis sa bansa, pumirma siya sa isang kontrata. Nakalagay doon na 940 Saudi Riyal ang sasahurin niya sa walong oras na pagtatrabaho bilang cleaner. Pagdating sa Jeddah, muli silang pinapirma sa iba kontrata, nakasaad naman doon na sasahod sila ng 640 SR sa 12 oras na pagtatrabaho—hindi bilang cleaner, kundi bilang caregiver.

Kuwento ni Apuya, wala silang pagsasanay sa pagiging caregiver kaya hirap sa pagtatrabaho. Dalawa sa kanilang mga kasama na naiwan sa Saudi ang iniimbestigahan ngayon dahil sa pagkamatay ng isang matandang pasyente. “Sila pa ang nasisi, kahit hindi naman nila ginustong magtrabaho bilang caregiver,” aniya.

Ayon pa sa kanya, pinuwersa sila ng Annasban Group of Companies, ang ahensiya na tumanggap sa kanila sa Saudi, na pumirma sa bagong kontrata nang dumating sila doon. Ang hindi pumirma, itinetengga sa isang villa at hindi pinagtatrabaho. Ang iba, tinatakot pa diumano para pumayag na sa naturang kontrata. Kaya ang karamihan sa kanila, walang naipadalang pera sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

“Ang masaklap pa, kinaltas pa sa aming suweldo ang bayad sa tiket para makauwi sa Pilipinas,” himutok ni Apuya.

Samantala, nanawagan naman si Norie Gonzales kay Pangulong Arroyo na isalba ang dalawang kapatid niyang OFW sa Saudi na nasa death row. Nasentensiyahan ng kamatayan sina Rolando at Edison Gonzales kasama ng isa pang OFW na si Eduardo Arcilla sa bintang na pagpatay sa tatlong Pilipino sa Saudi noong Abril 2006. Ayon sa Migrante, napabayaan ng embahada ng Pilipinas ang kaso ng tatlong OFW kaya humantong ang hatol sa kamatayan.

“Halos apat na taon na kaming nanawagan pero hindi man lang kami nakarinig kahit isang sagot mula sa pangulo,” ani Gonzales.

Sinabi ni Martinez na bago pa man umalis ang pangulo, ipinanawagan na nila ang kaso nina Apuya, magkapatid na Gonzales at iba pang kaso ng mga OFW sa Saudi Arabia.

“Pero parang walang narinig ang pangulo. Ang masakit pa, patuloy niyang ginagamit ang mga OFW para lamang kahit paano ay gumanda ang kanyang imahe at bigyang-katwiran ang labor export program kapalit ng masamang kapalaran ng mga OFW sa ibang bansa,” pagwawakas niya.