Uncategorized

Sa CCP tribute kay Imelda R. Marcos…


“Binibigyan na pala ngayon ng tribute ang mga magnanakaw!” -Filipino director Jowee Morel Muntik masuka si Jowee Morel, ang kontrobersiyal na Filipino filmmaker na lumikha ng mga obrang “Mga Paru-Parong Rosas,” “Moma,” “Ec2Luv,” “Mona,  Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory” at “Strictly Confidential, nang masabi ko sa kanya na nasa may tarangkahan […]

“Binibigyan na pala ngayon ng tribute ang mga magnanakaw!”
-Filipino director Jowee Morel

Muntik masuka si Jowee Morel, ang kontrobersiyal na Filipino filmmaker na lumikha ng mga obrang “Mga Paru-Parong Rosas,” “Moma,” “Ec2Luv,” “Mona,  Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory” at “Strictly Confidential, nang masabi ko sa kanya na nasa may tarangkahan na ako ng gilid ng Cultural Center of the Philippines dahil bibigyan ng tribute ang dating unang ginang ng Pilipinas na si Imelda Romualdez-Marcos.

“Ano?” paglilinaw ni Jowee sa kabilang linya ng telepono habang siya ay nasa London at naghahanda sa kanyang pag-aaral ng abanteng filmmaking.

“Binibigyan na pala ngayon ng tribute ang mga magnanakaw,” walang kagatul-gatol na pahayag ni Morel sa pagbibigay ng CCP ng parangal sa asawa ng diktador na nagsamantala at wumasak sa mga katinuan ng Pilipinas.

“Bakit? Kaya hindi tayo umuunlad as a nation. Mas pinapaboran natin ang mga walang kuwenta kaysa sa mga well-meaning people,” pagdidiin ng direktor.

***

Hindi po miyembro ng kahit na anong organisasyong pansining si Jowee — kahit na ng Concerned Artists of the Philippines, Directors Guild of the Philippines, Inc., Kapisanan ng mga Direktor ng Pelikulang Pilipino na ngayon ay Philippine Motion Picture Directors Association na o ng Independent Filmmakers Cooperative.

Isa lang pong pangkaraniwang alagad ng sining si Morel na gusto lang gumawa ng pelikula mula nang siya ay mamulat sa daigdig ng pelikula noong 1980s nang siya ay nasa mataas na paaralan pa lang.

“Nanonood na ako ng mga pelikula nina Lino Brocka, Ishmael Bernal kahit ni William Pascual, ‘yong kina Janice de Belen at Gabby Concepcion. Natuklasan ko later na si Dennis Adobas pala ang scriptwriter ng pelikula. Kasi, nagkukuwentuhan kami ni Tito Dennis sa kuwarto ko nang ipakilala mo siya sa akin, di ba?” pagbabalik-tanaw ni Morel.

“Ayaw ko po na may organisasyon ako. Kasi, patalbugan lang d‘yan. Kanya-kanyang drama. Exposed na po ako sa ganyan,” katwiran ni Morel.

***

Pero sa kanyang murang gulang ay lantad na siya sa katiwalian sa Pilipinas mula nang umalis siya sa Cagayan de Oro City kung saan siya ipinanganak sa isang purung-purong English at isang Filipinang may dugong Espanyol at Amerikana.

Kahit na katiwalian pa sa kanyang pamilya ay nagalugad na ni Jowee kaya naman ang kanyang mga pelikula ay nagnanaknak sa mga personal na panambitan at panaghoy at pasakit.

Kaya naman para kay Jowee, ang sining ay dapat naglilingkod sa mga mamamayan, nagkakandili sa mga inaapi at nagmumulat sa mga natutulug-tulugan at nagbibingi-bingihan sa mga nagaganap na kasamaan sa lipunang ito.

“Hindi man po ako aktibista, gusto ko ang mga pelikula na naglalarawan ng katotohanan at kung paano ang masasamang katotohanang ito ay malulutas,” sabi ni Jowee sa mga panayam.

***

Unang nagtungo si Morel sa London noong siya ay nasa mataas na paaralan sa Pilipinas.

Pero kailangan niyang magsimula muli sa kanyang edukasyong sekondarya sa London kaya nagpatala siya sa isang de-kalidad na eskuwelahan habang siya ay nagtatrabaho.

English ang kanyang pasaporte at siya ay isang mamamayan din ng United Kingdom pero hindi madali ang pagpunta niya sa bayan ng kanyang ama dahil siya ay pinagbantaan nito na papatayin dahil sa kanyang kabaklaan.

Kaya tumakas siya at nakamtan ang pasaporte na buung-buo pero ngayon ay tinanggap na siya ng kanyang tatay kung ano siya bagamat sariwa lagi sa alaala ni Jowee ang mga ligalig at sama ng loob na kanyang nakamtan sa kanyang ama.

Nag-aral ng Nursing si Jowee sa London at nakapagtrabaho sa mga ospital at iba pang health institution sa bansang ‘yon.

Naging sikat ding mang-aawit si Morel sa London, sa Amerika, sa Bangkok, Thailand.

Nang dahil sa uso, barkada, mga siphayo sa buhay, nalulong sa droga si Jowee pero naligtasan niya ang impiyerno nito kinalaunan.

***

Pero dahil hindi masikil ang kanyang pagmamahal sa sining, sa kanyang pahinga sa trabaho sa kalusugan ay nag-oorganisa si Jowee ng produksyon—entablado, dula, concert, fashion show, beauty contest at iba pang palabas at naging bukambibig siya sa buong UK.

Nagbalik siya sa Pilipinas noong 2005 para ipagpatuloy ang kanyang pangarap na makagawa ng pelikula.

Pero bago ito ay nagtayo muna siya ng isang bar and restaurant sa Bohol pero dahil sa kanyang kabaitan at kawalan ng kontrol sa pag-abuso ng kanyang mga empleyado, nagkaproblema siya sa pangangasiwa ng kanyang negosyo kaya nagtungo na siya sa Maynila para ipagpatuloy ang kanyang mga adhika sa sining.

Nagsimula na siyang magdirek ng pelikula mula nang siya ay makipagpalihan sa Mowelfund.