Ano’ng naghihintay sa mga magbabalik-probinsiya?
Ano ang naghihintay sa mga maralitang lungsod na nasalanta ng bagyo na tinanggap ang alok ng programang ‘Balik-Probinsiya’ ng pamahalaan? Kung kahirapan at karahasan ang iniwan sa kanayunan, ano ang maaaring kahihinatnan ng kanilang pagbabalik?
Mabigat ang loob ng magkabiyak na Ofhelia at Ranilo Alferos habang humahagibis ang trak na kanilang sinasakyan kasama ng dalawa nilang supling. Sa pagbiyahe pabalik sa Negros Oriental, iiwan nila sa Maynila ang kanilang anim na buwang sanggol na may pulmonya.
Lumala ang sakit ng sanggol dahil sa init at lamig na naranasan nito sa pananatili sa Philsports Arena, matapos masalanta ng bahang idinulot ng bagyong Ondoy ang kanilang tahanan sa Floodway, Pasig. Dahil mapanganib sa may sakit na sanggol ang pagbiyahe, mananatili ito sa pangangalaga ng isang kamag-anak.
Isa ang mga Alferos sa maralitang mga pamilya sa Kamaynilaan na napilitang tanggapin ang alok ng programang “Balik-Probinsiya” ng pamahalaan Arroyo, na nasa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim nito, aabutan ng pamasahe at pagkain ang mga maralitang lungsod na “magpapasya” na bumalik ng kanilang probinsiya. Liban dito, may pangako ring tulong sa paghahanap ng hanapbuhay at micro-finance loan upang magkapagsimula umano sila ng “bagong buhay.”
Agam-agam at pagpapasya
Hindi madali para sa mga maralitang lungsod ang magpasyang bumalik sa probinsiya lalu na’t ang lunsod ang nagbigay sa kanila ng pagkakataong makapaghanap-buhay, bagama’t laging di sapat ang kanilang kita sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Sampung taon na sa Maynila sina Ofhelia at Ronilo. Dito sila nakapasok sa iba’t ibang klaseng trabaho. Bago ang pananalanta ng baha, pahinante si Ronilo. Kapag may biyahe, kumikita siya ng P352. Pinagkakasya ito ng mag-asawa sa kanilang pangangailangan gaya ng pagkain at buwanang upa sa bahay.
Kaya puno ng agam-agam ang mag-asawa bago nakapagpasyang bumalik ng probinsiya. Sa Santa Catalina, Negros Oriental, balak na lamang ni Ophelia ng muling makisaka sa tubuhan kahit sa napakababang kita.
Samantala, ang lupang tinitirikan ng tahanan ng kanyang mga magulang ay nanganganib pang bawiin ng Department of Agrarian Reform batay sa planong pagmomodernisa ng nasabing lugar.
Iba naman ang kaso nina Digna at Joey Santos (di tunay na mga pangalan).
Isa-isang inakyat ng mag-asawa ang kanilang maliliit na supling at naisalbang mga kagamitan sa trak na magdadala sa kanila sa pier. Tubong Samar, una nilang napagpasyahan na magbalik-probinsiya dahil sa narinig nilang tulong pinansiyal mula sa DSWD, liban sa pamasahe. Laking gulat ni Digna nang malaman na pamasahe lang pala ang kanilang matatanggap.
Himutok niya, kulang pa ang pamasaheng ito lalu na’t kailangan pa nilang bumiyahe matapos dumaong sa isla ang barko.
Wala ring makapagtiyak para sa kanila mula sa DSWD hinggil sa sinasabing tulong sa paghahanap ng trabaho at micro-finance loan.
Bunga nito, nag-alinlangan ang magkabiyak at sa huli, binuhat ni Digna ang mga bata at ibinababa ni Joey ang mga kagamitang kinarga.
Ani Joey, mas mahusay na pasya ang manatili sa Maynila kung wala namang katiyakan ang buhay sa kanilang pagbabalik sa Samar. Maaari umano siyang muling maglako ng ice drop. Ang side car na kanyang ginagamit sa pagtatrabaho ay maaaring maging pansamantalang pamalit sa nasirang tahanan.
Katulad naman nito ang pagtingin ni Lorna Villareal, mula sa Pinagbuhatan, Pasig.
Tubong Bikol, nakapasok na siya na iba’t ibang hanapbuhay sa loob ng sampung taong pananatili sa Kamaynilaan. Dito na rin niya nakilala ang asawang si Jerry na nagkukumpuni ng sirang mga betilador.
Umaabot ng P300 ang kita ni Jerry sa maghapong paglilibot ng iba’t ibang lugar. Bagama’t di sapat, pilit tinutugunan ng mag-asawa ang pangangailangan ng pamilya, kasama na ang gastos sa pagpapaaral ng dalawa sa kanilang mga anak.
Sa kasalukuyan, kailangan ang mabilis na pagpapasya nina Lorna at Gerry kung mananatili sila sa Pasig o magbabalik-probinsiya.