Uncategorized

Ang Filipino showbiz sa sanglinggong nagdaan


Narito ang mahahalagang kaganapan sa balat ng lokal na showbiz sa isang linggong nagdaan kung sinuman ang mga tauhan, saanman at kailanman. Dumating mula sa London ang kotrobersyal na direktor na si Jowee Morel dahil sa dalawang pakay ng kanyang propesyon. Ang una ay ang kanyang pulong sa mga taga-gobyerno kaugnay ng kanyang paggawa ng […]

Narito ang mahahalagang kaganapan sa balat ng lokal na showbiz sa isang linggong nagdaan kung sinuman ang mga tauhan, saanman at kailanman.

Dumating mula sa London ang kotrobersyal na direktor na si Jowee Morel dahil sa dalawang pakay ng kanyang propesyon.

Ang una ay ang kanyang pulong sa mga taga-gobyerno kaugnay ng kanyang paggawa ng pelikula at ang ikalawa ay ang kanyang pag-aasikaso nang personal sa pagtatanghal ng kanyang “Latak” sa ika-18 hangang ika-24 ng Nobyembre, 2009 sa Indiesine ng Robinsons Galleria.

Walang kaabug-abog ay ginulat ni Jowee ang buong Pilipinas sa kanyang walang pasabing pagdating.

Nag-aaral siya ng advance filmmaking sa Goldsmith College sa University of London at sumaglit siya sa bansa upang makipagpulong sa mga tulad ni Armando “Bing” Lao.

***

Napatiyempo naman na nakipag-ugnayan ang Independent Filmmakers Cooperative sa kanya sa pangunguna ni Paolo Villaluna, isa pang filmmaker na kaibigan din ni Morel.

Ang nag-aasikaso ng pagpapalabas ng “Latak” sa komersyal na mga sinehan ay si Paolo at si Zonia.

Inaasikaso nina Villaluna ang pagpapa-censor sa “Latak” dahil marami pang babayaran ang Outline Films ni Joey sa Movie and Television Review and Classification Board samantalang kailangang marebyu ang pelikula at may karampatang bayad ang pagrerebyu ng mga deputadong kasapi ng MTRCB.

Nagbabayad ang isang magpaparebyu ng P8,500.00 at pag nakakuha ng X ang pelikula ay ipaparebyu muli ang obra at magbabayad na naman ng P8,500.00 ang prodyuser kaya kailangang bantayan agad ang pagdedesisyon ng mga taga-MTRCB para hindi na magastusan pa nang todo.

Kung ang isang prodyuser ay tulad ni Morel na wala pang masyadong panggastos sa pelikula, malaking bagay ang ganitong halaga.

***

Alam ba ninyo na nagtatrabaho rin si Jowee sa London hiwalay sa kanyang pag-aaral para may maipantustos siya sa kanyang mga pangangailangang pang-araw-araw?

Mabuti na lang at may mga kumpanya na nagtitiwala sa kanya kaya kahit consultancy ay kanyang tinatanggap at ang makukuha niyang suweldo ang kanyang ginagastos.

Dual ang citizenship ni Morel dahil ang kanyang ama ay siyento porsyentong English kaya naman sa batas ay magmumunini siya ng mga pribilehiyo ng mga bagay na tinatamasa ng mga tunay at wagas na British.

Dual passport din ang dala-dala ni Jowee kaya naman madali siyang nakakapagbalik-balik sa London at Pilipinas.

Ayon kay Morel, ang Pilipinas ang kanyang tahanan. “There’s no place like home. Ang Pilipinas talaga ang bayan ko pero I also consider London as my home,” paliwanag ni Jowee.

***

Paalis si Jowee bukas, Martes ng hapon, pagkatapos niyang asikasuhin ang mahahalagang bagay na kailangan sa kanyang paggawa ng pelikula.

Malaki anyang bagay ang pagkakaroon niya ng walong pelikula (“Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)”, “Moma,” “Ec2Luv,” “Mona, Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory” at “Strictly Confidential”) para siya ay magka-inspirasyon sa pagtugpa sa mas kapana-panabik na mga pagsubok ng buhay sa sining.

Iniwan niyang ayos na ang lahat na kailangan sa pagtatanghal ng “Latak” na binigyan ng R-18 ng MTRCB sa pag-upo rito nina Jackie Aquino, Fr. Nick Cruz at Atty. del Prado.

Ayon kina Aquino, maraming sex scenes ang pelikula at kailangang maging maingat sa pagpapalabas sa mga tao lalo na sa kabataan kaya ang mga makakapanood nito ay mga tao na may edad disiotso pataas.

***

Habang nanonood si Jackie ng “Latak” ay nakaburol naman ang nanay ni Roderick Paulate sa Arlington Memorial Chapels at kay Aquino nga nanggaling ang balita kaya sumagsag kami sa punerarya.

Maraming pinagsamahan sina Jackie at Roderick mula nang magtambal sila sa pelikula.

Marami rin kaming pinagsamahan nina Aquino at Paulate kaya nagtungo agad kami at nakibahagi sa pagdadalamhati ng pamilya ng komedyante.

Kaaalis lang ni Vilma Santos nang kami ay dumating pero nadatnan namin sa lamay sina John Estrada at ang kanyang kasintahang si Priscilla Mereilles, Eugene Domingo, Precy Vitug-Estrada, Rowena Bautista, Anna Abrera, Andoy Ranay, Felix Espinosa, Erlinda Rapadas T., Virgie Balatico, Cherry Pie Picache, Daniel Razon at marami pang iba.

***

Si Vilma, ayon kay Anthony Solis ang nagpamisa samantalang ang ABS-CBN naman ang nagpakain maliban sa ambag pa nitong pampataas ng ispiritual na buhay sa mga namatayan.

Mamang ang tawag ng lahat kay Paz Mendenilla Paulate, ang butihing ina ni Dick.

Dahil matagal nang magkasama sa maraming bagay sina Paulate at Santos ay talagang malapit na malapit si Vilma kay Mamang.

Ikalawang ina na kung ituring ng aktres ang ina ng komedyante kaa naman kahit na nang maysakit pa ang matanda ay nais nang puntahan ni Santos kung nasaan man ito.

“Katulad no’ng nag-abroad siya recently. Alam mo ba na ayaw pang umalis si Vi dahil nga naka-confine si Mamang. Sabi ko, kailangang umalis siya kasi pampamilya niyang lakad ‘yon at mahalaga ’yon. Makakaraos naman kami at bastat pampalakas ng loob si Vi,” pahayag ni Dick sa punerarya.

***

Kahit na nitong kaarawan kamakailan ni Santos kung kalian namatay si Mamang, gusto pang puntahan agad ng Star for All Seasons ang kanyang ina-inahan pero nangibabaw si Roderick.

“Sabi ko sa kanya na birthday niya kaya tumigil na lang siya sa bahay at bahala na kami. Kasi, nagpipilit pa siyang makadalaw agad kay Mamang, e, birthday niya,” sabi ni Dick.

Kaya nga noong pagkaraan na lang ng kumpleanyo ni Vi at saka siya nagpunta sa lamay ni Mamang.

Matagal siya sa chapel kung saan nakahimlay ang mga labi ni Mamang at taimtim na nanalangin sa kaligtasan ng kaluluw ng namayapa kaya naman hanggang ngayon, sa ganitong klase ng pagkatao, ay pinagpapala si Santos sa kanyang pakikipagtunggali sa masalimuot na buhay sa lipunang ito.

***

Ang hintay-hintay naman ni Dick ay ang pagpunta ni Maricel Soriano na isa rin sa mga anak-anakan ni Mamang sapul pa noong mga unang taon ng 1980s.

Pero hanggang makaalis ang mga kapatid ni Maricel na sina Beckbeck Soriano, ang dating kasintahan ni Willie Revillame at Mel Martinez ay ni anino ni Maricel ay hindi namulatawan.

“Sa Friday pa ang punta ni Tita Marya,” pahayag ni Meryll Soriano na nakipagburol din kasama ang kanyang kasintahang si Joem Bascon, ang aktor na kamukha ni Piolo Pascual.

Mahal na mahal ni Meryll si Joem at gayundin ang lalaki sa babae.

“Pati anak ko po, talagang inaalagaan at mahal na mahal ni Joem kaya napakasuwerte ko po,” pahayag ni Meryll.

***

Samantala, may sarili nang TV show ang impersonator ni Manny Pacquiao na si Manny Paksiw at ito ay ang “RunnerSpeak” sa QTV Channel 11 katambal ang maganda at mahusay na si Joanne Ignacio.

Mapapanood ang palatuntunan ni Manny at ni Joanne tuwing Linggo, alas dos y kuwarenta y singko ng hapon.

Alalay pala dati ni Pacquiao st Paksiw at manager niya ang Pambansang Kamao pero ngayon ay kumalas na ang komedyante para hanapin ang kanyang sariling kapalaran.