Sino si Gelacio Guillermo?
Sa isang gabi, kilalanin natin ang isang beterano at rebolusyonaryong makata.
Isang makabuluhang gabi ang naganap noong Nobyembre 3 sa isang bar sa Visayas Avenue – isang pagkilala sa isang rebolusyonaryong makata, manunulat at kritiko.
Simple lang ang naging programa sa loob ng music room ng Conspiracy Bar mula alas siyete hanggang alas nuwebe ng gabi. Pero isang mahalagang pangyayari ito hindi lamang para sa pinarangalan at nagparangal, kundi para rin sa mga sumaksi.
Mukhang simple lang din ang ideya ng KM64 Poetry Collective, ang pasimuno ng naturang pagtitipon – pagbigkas ng mga tula na nagtatampok sa isang makata.
Gaya ng pangako ng pamagat nito, sinubukan ng maikling programa na maipakilala ang tampok na makata, si Gelacio Guillermo.
Ayon kay Axel Pinpin, isang makata, dating detenidong pulitikal at organisador ng programa, napapanahon ito dahil nasa panahon tayo na kung sinu-sino na lang ang pinararangalan. At karamihan sa mga kung sinu-sinong ito, mga maling tao pa, aniya pa.
Napapanahon din ito para marinig ng kabataang makata ang ilan sa hindi pa nalalathalang mga tula ni Guillermo, na napapanahon naman talaga ang mga paksa dahil hindi yata naglulubay sa paglikha ng tula ang mamang ito.
Tanong at sagot
Sa pagitan naman ng pagbasa ng ilan sa kanyang mga tula, bukas ang programa sa mga tanong na layong ipakilala nga ang makata. Nasa anyo ito ng question and answer portion, kahit sino puwedeng magtanong.
Isa sa mga manonood ang nagtanong kung nakakita na raw ba ng NPA si Guillermo, na tinawanan lamang niya sabay baling sa ilang makata na pilit na gumawa o gumagawa ng tula tungkol sa isang Pulang Mandirigma gayong hindi man lamang nakakita nito. Ang punto, hilaw ang ganitong klase ng mga tula. Aniya pa, kailangang makipamuhay sa mga rebelde, kung nais ng isang makata na makasulat ng makatotohanang bagay tungkol sa kanila.
May nagtanong rin kay Guillermo kung alin ang mas masarap, ang espasol o ang nilupak? Isang nakalipas na kontrobersiya sa panulaang Filipino nang paghambingin ang tula tungkol sa nilupak at espasol ng dalawang makata. Paliwanag ni Guillermo, sa esensiya ay magkapareho lang naman ang espasol at nilupak, parehong gawa sa balinghoy. Ang kontrobersiyal dito, pinuri ng isang kilalang makata at kritiko ang gumawa ng espasol dahil “kakampi” niya ito.