Kahit naka-medalya sa Dubai: Smart-Gilas, magpapalit ng line-up?

January 25, 2010

Nakopo ng Smart Gilas ang tanso sa kakatapos lamang na 21st Dubai International Basketball Championship sa United Arab Emirates. At sa kanilang naging karanasan sa torneo, nakitaan ng pangangailangan ang koponan na magbago sa pagkakabuo ng kanilang line-up.

Nakita ang ilang kahinaan sa taas ang koponan sa harap ng koponan ng Lebanon at Syria. Natalo sa eliminations ang Smart Gilas, 79-76 kontra sa Al Riyadi ng Lebanon na pinamunuan nina CJ Giles at Nate Johnson, na unang pinroyekto para sa naturalisasyon at makapaglaro para sa bansa. Tinambakan naman ng Syria ang koponan ng Pilipinas sa unang laro nito, 90-76.

Hindi pinaglaro ng RP Team sa dalawang naturang laro si Jamal Sampson, na pumalit kay Giles sa proyektong pagnanaturalisa. Nasa line up siya ngunit hindi sumabak sa aksiyon sa iniinda niyang knee injury.

“We don’t have too much inside game. Jason Ballesteros (6-foor-7) and Greg Slaughter (7-foot-1) gave all their best, but fighting against a lot of American imports were too much for them,” ani Rajko Toroman, ang coach ng national squad.

Hindi pa nagsasalita ang coach kung maghahanap pa sila ng kapalit ni Sampson, ngunit magsasagawa sila ng isang press conference pag uwi sa Maynila upang talakayin ang planong pagpapalit ng line-up ng koponan.

Sa kabilang banda, umani ng papuri ang koponan mula kina Egyptian coach Ahmed Marri at Lebanese coach Abou Chakra. Humanga sila sa bilis at gilas ng koponan, at kung sasamahan pa ng matataas na manlalaro, tantiya nila ay magiging kompetetibo ang Pilipinas sa internasyunal na mga palaro.

Nakabawi ang koponan sa Syria upang makuha ang tanso sa pagtatapos ng torneo.

– ulat ni Angel Tesorero, Dubai UAE