Ang adbokasiya ng Morong 43
Ano ang kapalit ng paglilingkod sa pinakaliblib na mga lugar na hindi nakakatikim ng serbisyong pangkalusugan? Malinaw na hindi pagkilala o papuri mula sa gobyerno. Alamin ang adbokasiyang itinaguyod ng detenidong 43 doktor at health worker na pinararatangang rebelde.
Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang community health worker sa Pilipinas?
Ito ang maglingkod sa pinakaliblib na mga lugar na hindi nakakatikim ng anumang serbisyong pangkalusugan. Sa maraming pagkakataon, hindi pagkilala o papuri ang kapalit ng paglilingkod na ito, kundi ang mapait na karanasang maakusahan na isang rebelde.
Noong Pebrero 6, 43 doktor at health workers ang inaresto sa isang reyd sa compound ng Dr. Melencia Velmonte sa Morong, Rizal. Pinagbibintangan silang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na diumano’y nagsasanay sa paggawa ng bomba.
Pero ang totoo, isang First Responder’s Training, na nagsimula noong Pebrero 1 at magtatapos sana noong Pebrero 7, ang isinasagawa noon. Inisponsor ng Council for Health and Development (CHD) at Community Medicine Development Foundation (Commed), layon nitong turuan ang mga komunidad kung paano rumesponde sa pangangailangang pangkalusugan sa panahon ng sakuna, gaya ng nangyari noong bagyong Ondoy.
Nagmula pa sa iba’t ibang probinsiya—Bulacan, Mindoro, Quezon, Bicol, Rizal, Cavite, at Batangas—ang mga lider-komunidad at community health workers. Instruktor nila ang mga doktor at nars na mahaba ang karanasan sa gawaing pangkalusugan sa komunidad, sa ilalim ng Community-Based Health Programs (CBHP).
Kalusugang naka-base sa komunidad
Isang pambansang kilusang nagsimula noong 1975 ang mga CBHP o programang pangkalusugang nakabase sa komunidad. Pinangunahan ito ng mga madre ng Rural Missionaries of the Philippines, bunga ng pag-aaral sa sistemang pangkalusugan. Natuklasan nilang hindi nakakaabot ang mga serbisyong pangkalusugan sa mayorya, dahil hindi abot-kaya ang pribadong serbisyo at karamiha’y nakatira sa sentrong mga lungsod. Hindi na rin sila nasasapatan sa oryentasyong “kawanggawa” ng Simbahang Katoliko, dahil hindi nito natutugunan ang mas matagalang pangangailangang pangkalusugan ng mahihirap na komunidad.
Sinimulan sa iba’t ibang diocese sa mga probinsiya ng Isabela (para sa Luzon), Leyte (para sa Visayas), at Lanao del Norte (para sa Mindanao) ang isang programa kung saan nagpupunta sa liblib na mga komunidad ang mga doktor at nars hindi lamang para magbigay ng serbisyo, kundi magsanay ng mga miyembro ng komunidad sa batayang kaalaman at kasanayang medikal.
Napagtibay ng mga karanasang ito na nakatali ang sitwasyong pangkalusugan ng mga mamamayan sa kanilang sitwasyong pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura. Halimbawa, ang kalunus-lunos na sitwasyong pangkalusugan ng mga magsasaka ay dulot ng kahirapan, na dulot naman ng problema sa kawalan ng sariling lupa. Kaya’t nakita ang pangangailangang maimpluwensiyahan din ng programang pangkalusugan ang buong istrukturang sosyal sa komunidad. Ginawang bahagi ng CBHP ang pampulitikang edukasyon at pag-oorganisa sa mga komunidad.
Kaiba rin sa oryentasyong Kanluran na itinuturo sa mga paaralang medisina, sinaliksik at pinaunlad ang alternatibong mga paraan ng panggagamot na angkop sa komunidad, gaya ng acupuncture at paggamit sa mga halamang gamot. Mas binigyang-diin din ang disease prevention o pag-iwas sa sakit kaysa sa simpleng cure o panggagamot.