Automated Elections: Nanganganib?
Mabigat ang hatol sa Commission on Elections ng mga grupong inaral nang independiyente ang Automated Elections System na gagamitin sa Mayo. Umano’y “hindi handa” ang Comelec at “nanganganib” ang halalan na pinapangarap ng lahat na maging malinis at kapani-paniwala ang resulta.
Mabigat ang hatol sa Commission on Elections (Comelec) ng mga grupong inaral nang independiyente ang Automated Elections System (AES) na gagamitin sa halalan sa Mayo. Umano’y “hindi handa” ang Comelec at dahil dito, “nanganganib” ang halalan na pinapangarap ng lahat na maging malinis at kapani-paniwala ang resulta.
Kamakailan, inilunsad ng mga akademiko, eksperto sa halalan at teknolohiya, institusyong pampulitika, grupong simbahan at kabataan at iba pa, ang AES Watch, isang malawak na koalisyon ng mga mamamayan para sa pagbabantay ng halalan. Inilabas din nila ang grado ng Comelec na tinatawag nilang STAR (System Trustworthiness, Accountability, and Readiness) score card. Sinuri sa STAR score card ang kahandaan ng Comelec sa halalan batay sa 20 bagay na kailangan nitong tiyakin, batay sa iskedyul mismo ng Comelec sa AES.
Grado ng Comelec
Walang ipinasa ang Comelec sa STAR score card. Ibig sabihin, ayon sa AES Watch, wala itong naisagawa nang maayos at nasa takdang oras. Samantala, “Warning” o babala ang ibinigay sa Comelec sa 11 bagay na nauubos na ang oras para maisagawa; “Danger” o panganib para sa walong bagay na lampas na sa dedlayn at hindi pa rin naisasagawa; at “Fail” o bagsak sa isang bagay na hindi na nito maisasagawa pa.
Kabilang sa mga bagay na ito ang mga sumusunod:
Pagkaantala ng delivery ng Smartmatic sa mga makinang PCOS (precinct count optical scan). Sa ulat ni Comelec Chairman Jose Melo noong Enero 27, lumalabas na 28,900 pa lamang ang mga makinang nasa kamay ng Comelec, sa 85,000 makinang kakailanganin. Karamihan sa mga ito ang hindi pa dumadaan sa konpigurasyon (configuration), pagsubok (testing), at sertipikasyon (certification). Ayon sa Republic Act No. , dapat na-sertipika na kapwa ang hardware at software ng mga PCOS, tatlong buwan bago ang halalan, o sa Pebrero 10, 2010.
Hindi pagsiguro sa transmission facilities. Para makapagpasa ng resulta ang mga PCOS, kailangang saklaw ng mga pasilidad sa transmission ang lahat ng mga presinto. Pero hanggang ngayon, wala pang maayos na geographic information system na ipinapakita ang Comelec para masiguro itong maipapasa ang resulta mula sa mga presinto at sentro ng canvassing.
Iba pang kakulangan sa paghahanda ng mga makina. Hindi pa naihahanda ang ispisipikong mga balota para sa mga presinto (customization of precinct-specific ballots). Wala pa ring ulat ng anumang imbentaryong isinagawa sa mga sentro ng botohan (voting centers) para malaman kung sapat ba ang mga rekurso nito para sa AES. Hindi pa rin na isinasailalim sa initialization ang mga PCOS para masigurong walang resulta ng eleksiyon na nakalagak sa memorya nito bago ang botohan.
Kawalan ng plano sa pisikal na pangangalaga at transportasyon ng mga makina. Hindi pa naipapaliwanag ng Comelec ang plano nito sa pagsiguro ng kaligtasan ng mga makinang hawak nila, mula sa pag-iimbak sa mga warehouse hanggang sa paglilipat sa pangangalaga ng lokal na Comelec. Wala pang tiyak na iskedyul ng transportasyon at bagsakan ng mga makina.
Kabiguang isumite ang source code para pag-aralan. Nakasaad sa Republic Act 9369 o Poll Automation Act na dapat isumite ng Comelec sa lahat ng interesadong grupo ang source code na gagamitin sa AES. Ang source code, na bumubuo sa isang software, ang serye ng mga instruksiyon na nagtatakda ng tugon ng makina sa lahat ng pagkakataon. Mahalaga ito para masigurong tama ang pagbasa at pagbilang ng mga boto. Ayon sa AES Watch, wala nang pagkakataon ang mga grupo na pag-aralan ang source code, na hanggang ngayo’y hindi pa rin isinasapubliko ng Comelec.
Kawalan ng beripikasyon ng boto. May kakayahan sana ang mga PCOS na ikumpirma sa botante kung nabasa nang tama ang kanyang mga boto, pero hindi na ito pinagana ng Comelec, dahil sa umano’y tatagal ang botohan. Labag itong muli sa RA 9369 na nagsasabing dapat may sistema ng beripikasyon ng mga boto, ayon sa AES Watch.