Bayan Muna nanguna sa sarbey


Tatlong kinatawan ang mapapaupo ng Bayan Muna sa Kongreso kung ngayon gaganapin ang halalan, ayon sa pinakahuling sarbey na isinagawa ng Pulse Asia. Batay sa sarbey ng Pulse Asia noong Enero 22- 26, 8.03 porsiyento ang nakuha ng Bayan Muna, na “nagtitiyak” ng tatlong kinatawan para sa progresibong party-list. Pumangalawa sa Bayan Muna ang 1-Aangat […]

Tatlong kinatawan ang mapapaupo ng Bayan Muna sa Kongreso kung ngayon gaganapin ang halalan, ayon sa pinakahuling sarbey na isinagawa ng Pulse Asia.

Batay sa sarbey ng Pulse Asia noong Enero 22- 26, 8.03 porsiyento ang nakuha ng Bayan Muna, na “nagtitiyak” ng tatlong kinatawan para sa progresibong party-list. Pumangalawa sa Bayan Muna ang 1-Aangat Pilipino (1-AK) na mayroong 6.34 porsiyento.

Nasa ikatlo naman ang Anakpawis (AP) (5.88%) habang nakuha ng Gabriela Women’s Party (Gabriela) ang ikaapat na puwesto (5.55%), at ikalima ang Akbayan Citizens Action Party na may 5.07 porsiyento.

Ang limang nabanggit na mga party-list ay may “tiyak” na tig-tatatlong kinatawan sa Kongreso kung ngayon gaganapin ang halalan.

Ayon sa Bayan Muna, ipinakikita lamang ng naturang sarbey na patuloy pa rin ang suporta ng taumbayan sa  kanila. Lumabas sa sarbey na lampas pa sa kinakailangang boto ang nakuha ng Bayan Muna para sa tatlong kinatawan

Batay sa Party-List System Act, dalawang porsiyento ng kabuuang boto ang kailangan ng isang grupo para magkaroon ng isang kinatawan. Isinasaad din nito na hanggang tatlo lamang ang maaaring pauupuin ng isang party-list.

“Sa loob ng sampung taon, naging tapat ang Bayan Muna sa pagtatanggol sa interes ng inaapi at pinagsasamantalahan na siyang bumubuo sa mayorya ng lipunan. Nagpakita ito ng determinasyon at tapang sa paglaban para sa mga batayang karapatan ng taumbayan sa Kongreso man o sa iba pang laranagan. Ito ay sa kabila ng pampulitikang pamamaslang, pagdukot at panghaharas ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines laban sa mga miyembro at tagasuporta ng Bayan Muna at iba pang progresibong party-list,” pahayag ng Bayan Muna.

Kabilang sa mga naging kinatawan ng Bayan Muna sina Satur Ocampo, Liza Maza, Joel Virador, Siegfred Deduro, Neri Javier Colmenares, Teddy Casino, at ang yumaong Crispin Beltran. Sina Ocampo at Maza ay tumatakbo ngayon sa pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan at Nacionalista Party.

Nagpasalamat naman ang Bayan Muna sa patuloy na suporta ng taumbayan at sinabing ipagpapatuloy nila ang pagtataguyod sa prinsipyong Bayan Muna bago ang lahat.

Samantala, tig-isang kinatawan naman ang nakuha ng dalawa pang progresibong party-list, ang ACT Teachers (1.8%) at Kabataan (0.7%), ayon pa rin sa naturang sarbey.