Mga Aeta mangangampanya laban kay GMA


Para sa sinumang nakakaaalam ng rekord ni Pangulong Arroyo, ang pagboto o pagkampanya para sa sinumang tatakbo laban sa kanya ay halos kasing dali lang ng pagbasa ng ABKD. Ito ang naging pahayag ng mga katutubong Aeta sa pagtakbo ni Pangulong Arroyo sa ikalawang distrito ng Pampanga. “Tanong pa ba kung sino ang iboboto ng […]

Para sa sinumang nakakaaalam ng rekord ni Pangulong Arroyo, ang pagboto o pagkampanya para sa sinumang tatakbo laban sa kanya ay halos kasing dali lang ng pagbasa ng ABKD.

Ito ang naging pahayag ng mga katutubong Aeta sa pagtakbo ni Pangulong Arroyo sa ikalawang distrito ng Pampanga.

“Tanong pa ba kung sino ang iboboto ng mga aeta sa Pampanga?” ayon kay Nelson Mallari, pangkalahatang kalihim at third nominee ng Katribu Partylist.

Sinabi ni Mallari, isang katutubong Aeta mula sa Brgy. Nabuclod, Floridablanca na wala sanang lalaban kay Pangulong Arroyo sa pagkakongresista kung gusto ng kanyang mga “kabalen” na irepresenta sila nito.

Paliwanag ni Mallari, mahigpit silang mangangampanya laban kay Pangulong Arroyo, na tubong Lubao, dahil matindi ang kahirapang naranasan ng mga Filipino sa ilalim ng panunungkulan nito.

Hindi rin umano nakaligtas sa kahirapang ito kahit ang kanyang mga “kabalen.” Ibinigay na halimbawa ni Mallari ang karanasan ng mga Aeta na pinaniwala umanong “may puso para sa mga katutubo si Pangulong Arroyo,” samantalang itinutulak naman niya ang pagpasa ng nirebisang regulasyon ng Indigenous Peoples Rights Act o IPRA.

Karamihan ng mga Aeta ay naninirahan sa Floridablanca at Porac, na parehong saklaw ng ikalawang distrito ng Pampanga.

Iginiit ni Mallari na hindi iboboto ng mga taga-Pampanga si Pangulong Arroyo dahil sinuportahan nito ang malawakang pangangamkam ng lupa sa pamamagitan ng pag-isyu ng permit sa pagmimina at pagka-quarry, paglatag ng Subic-Clark Expressway (SCTex), proyektong eco-tourism sa Pinatubo at pagbigay ng malawak na bahagi ng lupain para sa jathropa, na pawang kumamkam sa kabuhayan ng mga Aeta.

Hindi rin umano dapat maging masaya ang mga Aeta na nabigyan ng certificates of ancestral domain titles o CADT dahil iniinstitusyonalisa lamang nito ang pangangamkam ng lupa.

“Kaalinsabay ng pagbibigay ng mga CADT, nariyan naman ang mga proyektong nang-aagaw ng mga lupaing ninuno,” ayon kay Mallari patungkol sa nakaambang pagka-quarry sa Nabuclod, na nauna nang nabigyan ng 7440-ektaryang CADT.

Patungkol naman sa SCTeX, sinabi ni Mallari “magiging mabilis ang pagpasok sa mga lupang ninuno dahil sa mga highway na iyan kaya naman ‘yung mga proyektong tulad ng mina at iba na umaagaw ng lupa namin ay mabilis din ang pasok.

Samantala, suportado naman ng Katribu party-list at mga Aeta ang kandidatura ni Architect Adonis Simpao na nauna nang inendorso ni Bayan Muna Partylist Rep. at Makabayan Senatorial bet Satur Ocampo, na mula naman sa bayan ng Sta. Rita, na saklaw rin ng ikalawang distrito.