Pagtaas ng presyo ng asukal, pinaiimbestigahan


Pinaiimbestigahan ni Gabriela Rep. Liza Maza ang pagtaas ng presyo ng asukal bunga ng umano’y “artipisyal” na kakulangan sa suplay nito. Sa isang pahayag, sinabi ni Maza na dapat ipaliwanag ng Department of Agriculture (DA) kung bakit inirerekomenda nito ang National Food Authority na mag-angkat ng 15,000 metriko tonelada ng asukal para maging istable umano […]

Pinaiimbestigahan ni Gabriela Rep. Liza Maza ang pagtaas ng presyo ng asukal bunga ng umano’y “artipisyal” na kakulangan sa suplay nito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Maza na dapat ipaliwanag ng Department of Agriculture (DA) kung bakit inirerekomenda nito ang National Food Authority na mag-angkat ng 15,000 metriko tonelada ng asukal para maging istable umano ang presyo ng asukal. Inirekomenda ito ng DA sa kabila ng pahayag ng Sugar Regulatory Administration na normal naman ang lokal na suplay ng asukal.

Sinabi ni Maza na sa halip na mag-angkat ng asukal, “dapat panagutin ang mga responsable sa pagmamanipula sa presyo ng asukal.” Nanawagan siya ng isang kagyat at indipendiyenteng imbestigasyon para dito.

“Kahit nga ang mga manggagawa sa mga pabrika ng asukal, hindi na kayang bilhin ang asukal dahil nakapako ang kanilang mga sahod sa gitna ng pagsirit ng presyo ng batayang mga bilihin,” aniya.

Binatikos din ni Maza ang umano’y kainutilan ng gobyernong Arroyo sa pagmonitor at pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin.

Samantala, inihayag naman ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na  isang tanda ng pangangailangan sa “tunay na reporma sa lupa” at “planadong ekonomiya” ang problema sa pagtaas ng presyo ng asukal.

“Hindi naman naaiiba ang sitwasyong ito sa bigas o sa langis–sinasamantala ng mga lokal na producer at distributor ng produkto ang mataas na presyo sa pandaigdigang merkado,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.

“Maiiwasan ito kung ginagamit ang ating mga lupain at likas-yaman para sa ating pangunahing mga pangangailangan, at planado ng gobyerno ang produksiyon, pagsusubi, at distribusyon ng mga ito, para matiyak na laging may sapat na suplay at abot-kaya ito ng taumbayan,” aniya pa.

Siniguro na ng Malakanyang na muling bababa ang presyo ng asukal kapag dumating na ang suplay na iaangkat mula sa ibang bansa.

Pero ayon sa Kadamay, mahirap na nakasandig ang bansa sa importasyon at sa di-kontroladong galawan ng suplay at presyo sa pandaigdigang merkado.

“Ang bawat pagsirit kasi ng presyo, lalo ng pang-araw-araw na mga bilihin, kahit ilang linggo lang ‘yan o ilang buwan, sobrang pahirap na sa mahihirap na hindi na mapagkasya ang badyet sa isang araw,” sabi ni Badion.