5 detenidong estudyante ng PUP, umani ng suporta
Umani ng suporta ang limang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na patuloy na naka-detine sa Manila Police District kaugnay ng “pagnanakaw” diumano ng mga silya bilang protesta sa 1,700 porsiyentong pagtaas ng singil sa matrikula sa unibersidad. Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, malinaw na porma ng “panghaharas” ng administrasyon ng PUP […]

Umani ng suporta ang limang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na patuloy na naka-detine sa Manila Police District kaugnay ng “pagnanakaw” diumano ng mga silya bilang protesta sa 1,700 porsiyentong pagtaas ng singil sa matrikula sa unibersidad.
Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, malinaw na porma ng “panghaharas” ng administrasyon ng PUP ang kasong robbery na isinampa laban kina Cheysser Soriano (presidente ng PUP Central Student Council), Judy Anne Fabito at Pi Em Canela (League of Filipino Students-PUP), Fennin Louise Umagat (bise-presidente ng College of Languages and Lingustics Student Council) at Abriel Mansilungan (Kabataan Party-list-PUP).
Sa Lunes, Marso 29, magkakaroon ng pagkilos ang mga estudyante ng PUP at kanilang mga magulang, alumni ng PUP, at estudyante sa iba pang paaralan para ipanawagan ang pagpapalaya sa PUP 5 at pagpugayan ang mga ‘Iskolar ng Bayan’ na matagumpay na naipaatras ang pagtaas ng singil sa matrikula.
Bilang tugon sa mga protesta, inanunsiyo ng Ched, Malakanyang, at PUP Pres. Dante Guevarra ang pagtaas ng singil sa matrikula mula P12 kada yunit patungong P200 kada yunit.
Nagmamartsa noong Marso 24 patungo sa opisina ng Commission on Higher Education (Ched) sa Unibersidad ng Pilipinas sa Quezon City ang mga estudyante nang harangin ng pulisya dahil sa pagkuha ng ilang mga silya mula sa kampus.
“Gusto lamang ipakita ng mga estudyante sa Ched ang sitwasyon ng kanilang kampus, na mailalarawan ng bulok na mga silya. Walang pagnanakaw na nangyari. Dapat nga hindi na sila inaresto, dahil pumapayag naman silang iwanan na ang mga silya,” sabi ni Palatino.
Inilahad pa ng mambabatas na lampas na sa 36 oras na taning sa paghahain ng impormasyon sa kaso laban sa PUP, kaya’t dapat noong Biyernes ng tanghali pa napalaya ang mga ito. Magsasampa rin sa Lunes ng kasong arbitrary detention sa Ched ang mga magulang ng PUP 5.
Sabi pa ni Palatino, “maaaring paraan ito ng administrasyon ng PUP para makaganti sa mga estudyante na naging matagumpay sa pagharang ng pagtaas sa singil ng matrikula.”
Nasa P100,000 ang piyansa bawat isa para sa kasong robbery.
Inamin umano ni Hen. Rodolfo Magtibay, hepe ng MPD, na nais na nilang pakawalan ang limang estudyante, “ngunit may presyur mula sa administrasyon ng PUP na manatili sila sa detensiyon,” sabi ni Palatino.