‘Gloria lampas 2010’, tututulan sa Marso 26 martsa
“Panawagan namin sa mga mamamayan: huwag lang bantayan ang ating boto. Bantayan natin ang mga pihit ng sitwasyon sa eleksiyon at ang mga hakbangin ni Ginang Arroyo.” Ito ang pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa isang press conference kamakailan kung saan inanunsiyo ng iba’t ibang grupo ang isang malakihang martsa […]

“Panawagan namin sa mga mamamayan: huwag lang bantayan ang ating boto. Bantayan natin ang mga pihit ng sitwasyon sa eleksiyon at ang mga hakbangin ni Ginang Arroyo.”
Ito ang pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa isang press conference kamakailan kung saan inanunsiyo ng iba’t ibang grupo ang isang malakihang martsa papuntang Mendiola sa Marso 26 laban sa umano’y mga pakana ni Pangulong Arroyo na makapanatili sa puwesto lampas nang 2010, pinakahuli ang iginawad sa kanyang kapangyarihan ng Korte Suprema na magtalaga ng bagong chief justice.
Simula Lunes, Marso 22, pangungunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, grupo ng mga maralitang lungsod, KMU, at Bagong Alyansang Makabayan- National Capital Region ang serye ng mga protesta laban sa senaryong ‘Gloria Forever.’ Magululundo ito sa malakihang kilos-protesta sa Marso 26.

“Pagkatapos sirain ni Arroyo ang integridad kapwa ng ehekutibo at lehislatura, ang hudikatura naman ngayon ang nais niyang bulukin ang mga haligi, para lamang sa kanyang pansariling interes,” sabi ni Roy Velez, tagapagsalita ng Bayan-NCR.
Binanggit pa ng Bayan-NCR ang pagtalaga ni Arroyo kay Lt. Gen. Delfin Bangit bilang hepe ng Armed Forces of the Philippines, pagpapakat ng mga sundalo sa kalunsuran, at patuloy na panunupil sa mga grupong oposisyon bilang bahagi ng paglalatag ng pangulo ng sitwasyon para makapanatili sa puwesto, posible sa pamamagitan ng failure of elections.
Idiniin naman ng Kadamay pangangailangang “mismong taumbayan na ang maniguro” sa pagpapaalis kay Arroyo.
“Sa loob ng nakaraang siyam na taon, hindi matatawaran ang paglala ng kahirapan, kagutuman, at kawalang-kabuhayan. Nagbabanta pa itong magpatuloy, kung hindi natin mapipigilan ang malinaw na pagtatangka ni Ginang Arroyo na manatili pa sa poder,” sabi ni Leona “Nanay Leleng” Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.
Sa Marso 26, magmamartsa ang mga nasabing grupo patungo sa Mendiola, mula sa apat na tipunan sa Welcome Rotonda sa Quezon City at Taft Avenue, Tondo, at Sta. Cruz sa Maynila.
“Dapat palaganapin natin ang kaalaman sa mga hakbangin ni Ginang Arroyo at sumama sa mga protesta laban dito. Kumprontasyon ang kailangan para matanggal siya sa puwesto. Tinatawagan tayong maghanda para rito, sa isang posibleng pag-aalsang bayan,” pagtatapos ni Labog.