Sports

James pinakabatang manlalaro ng NBA na naka-15,000 puntos


Nalagpasan na ni LeBron James ang tala ni Kobe Bryant bilang pinakabatang manlalaro ng National Basketball Association (NBA) na makapuntos ng 15,000 sa kanilang karera. Kumana si James ng 29 puntos sa laban ng kanyang Cleveland Cavaliers kontra sa Chicago Bulls. Naibuslo niya ang makasaysayang puntos sa pagbubukas ng laro. Nagumpisa ang laban na kinakailangan […]

Nalagpasan na ni LeBron James ang tala ni Kobe Bryant bilang pinakabatang manlalaro ng National Basketball Association (NBA) na makapuntos ng 15,000 sa kanilang karera.

Kumana si James ng 29 puntos sa laban ng kanyang Cleveland Cavaliers kontra sa Chicago Bulls. Naibuslo niya ang makasaysayang puntos sa pagbubukas ng laro.
Nagumpisa ang laban na kinakailangan na lang pumuntos ni James ng tatlo upang maabot ang 15,000 puntos. Una siyang nakapuntos sa pamamagitan ng isang dunk, at sinundan ng dalawang freethrow upang makapuntos ng 15,001 sa kanyang karera.

Natapos niya ang laro na may kabuuang 15,026 puntos sa kanyang karera.

Ginapi ng Cavs ang Bulls sa laro, 92-85. Wala sa lineup ng Bulls ang kanilang mga pambato na sina Derrick Rose, Luol Deng at Joakim Noah dahil sa mga pinsala.

Naungusan ni James ang tala ni Bryant ng Los Angeles Lakers ng lagpas dalawang taon. Ang tala ng starplayer ng Lakers ay nagtala ng 27 taon at 136 araw, habang si James ay nagtala ng 25 taon at 27 araw. Nagawa rin ni James na itala ang pagpuntos sa ika-540 niyang pag-apak sa palaruan, kumpara sa 657 ni Bryant.

Hindi na nabigla si Mike Brown sa kanyang manlalaro. “There’s not a milestone that I think he’s going to attain that would shock me at all,” aniya.

“I was born with a God-given gift,” ani ng manlalaro ng Cavaliers. “I take full advantage of it by being able to do what I do on the basketball court. Hopefully, I can continue to stay healthy, and hopefully, I’ll continue to break records.”