‘Lalakeng Kausap’ poster ni Bayani, binuweltahan ng maralita


Isang araw bago ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, binuweltahan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, si Bayani Fernando, dating tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at tumatakbong bise-presidente, para sa mga campaign poster na ibinabandera ang sarili bilang ‘Lalakeng Kausap.’ “Ano ang gusto niyang palabasin? Na ang […]

Isang araw bago ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, binuweltahan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, si Bayani Fernando, dating tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at tumatakbong bise-presidente, para sa mga campaign poster na ibinabandera ang sarili bilang ‘Lalakeng Kausap.’

“Ano ang gusto niyang palabasin? Na ang salita ng babae ay hindi maaasahan? Na hindi uubra ang babae sa pamumuno?,” sabi ni Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay. Si Arellano ay isa sa tatlong kababaihan na nakaupo sa pinakamataas na mga posisyon sa grupo, kasama si Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela (pambansang tagapangulo) at Carmen ‘Nanay Mameng’ Deunida (chair emeritus).

“Kahit 2010 na, ang utak ni Fernando ay nasa sinaunang panahon pa rin. Wala na dapat lugar ang machismo sa pamumuno ngayon… pero kagaya ng ipinakita niya sa MMDA, ang tingin niya sa sarili niya ay action star na walang sinasanto at babanggain ang sinuman, kahit na ang sinasagasaan niya ay mga maralitang walang kalaban-laban,” dagdag pa ni Arellano.

“Ang mensahe namin kay Fernando: hindi sukatan ng pagkalalaki ang pagdedemolis at pagtataboy ng mga maralitang naghahanapbuhay, kung ‘yan ang pinagmamayabang niya. Ang sukatan ng pagiging lider, lalaki man o babae, ay ang pagkalinga at pagmamalasakit lalo sa mga naghihirap,” sabi pa niya.

Iginiit pa ni Arellano na bagaman babae si Pangulong Arroyo, bagsak din ito sa pamantayang ito, gaya ni Fernando. “Pareho silang dapat panagutin sa kanilang mga kasalanan sa mga mahihirap at hindi na dapat pa maupo sa gobyerno,” pagwawakas ni Arellano.

Kabilang ang Kadamay sa iba’t ibang grupong mamarkahan ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ng isang kilos-protesta patungong Mendiola bukas, Marso 8. Tinatayang 10,000 katao ang dadalo sa tinaguriang “Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihang Pilipino.”