Nadawit sa Hello Garci, masaker sa Hacienda Luisita, at NBN-ZTE, tumatakbo sa ‘pekeng’ party-list?
Sa gitna ng pagkuwestiyon sa paglahok sa halalan sa party-list ng anak ng pangulo at anak ng isang mahigpit na kaalyado ng pangulo, naibunyag ang iba pang konektado sa administrasyong Arroyo na tumatakbo sa ilalim ng umano’y pekeng mga party-list. Kabilang dito ang isang dating heneral na may kinalaman umano sa anomalyang NBN-ZTE at isang […]
Sa gitna ng pagkuwestiyon sa paglahok sa halalan sa party-list ng anak ng pangulo at anak ng isang mahigpit na kaalyado ng pangulo, naibunyag ang iba pang konektado sa administrasyong Arroyo na tumatakbo sa ilalim ng umano’y pekeng mga party-list.
Kabilang dito ang isang dating heneral na may kinalaman umano sa anomalyang NBN-ZTE at isang opisyal ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (Isafp) na nadawit naman sa iskandalong “Hello Garci.”
Tumututol ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagiging pangalawang nominado ng Ang Galing Party-list (AGP) ni Dennis Pineda, alkalde ng Lubao, Pampanga at anak ni Bong Pineda, alyado ng pangulo at hinihinalang jueteng lord.
Sinabi ng KMP na gaya ni Rep. Mikey Arroyo, na unang nominado ng AGP, hindi mardyinalisado si Pineda at mula pa nga sa isang pamilyang warlord at mangangamkam ng lupa.
“Pinanood mismo ni Pineda ang demolisyon noong Pebrero ng bahay ng mga magsasaka sa Bgy. Prado Siongco, Lubao. Sangkot ang kanyang pamilya sa pangangamkam ng 200-ektaryang lupain ng mga magsasaka,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.
Pinapadiskuwalipika rin sa Commission on Elections (Comelec) ng KMP ang Araro Party-list, na unang nominado si retiradong heneral Quirino dela Torre ng Philippine National Police (PNP).
Regional commander si dela Torre ng PNP-Central Luzon nang maganap ang masaker ng pitong magsasaka sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004, ayon sa KMP.
Ibinunyag pa ng grupo na simula nang magretiro si dela Torre noong 2005, nagsilbi itong hepe ng seguridad ni Benjamin Abalos, dating chairman ng Comelec. Matatandaang nadawit si Abalos noong 2007 sa maanomalyang $329 Milyong proyektong NBN-ZTE.
Gayundin, noong Disyembre 2009, inulat ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley, rehiyunal na tsapter ng KMP, na ikinakampanya ng mga sundalong militar sa San Mariano, Isabela ang Araro Party-list.
Umano’y nagrerekluta ang militar ng mga miyembro ng Araro kapalit ng mga binhi at fertilizer na mula sa Department of Agriculture.
Nangangampanya rin umano ang nasabing mga sundalo laban sa Anakpawis Party-list, isang progresibong grupo, sa pamamagitan ng pag-aakusang rebeldeng New People’s Army ang mga kasapi nito.
Labag sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ang pakikisangkot ng Armed Forces of the Philippines sa partisan politics.
“Konektado kay Pangulong Arroyo ang lahat ng mga ito. Dapat nang umaksiyon ng Comelec. Ang sistemang party-list na nga lamang ang maiaalok ng gobyerno sa maliliit at walang boses, tapos hinahayaan pa ito sa mga buwitre,” sabi ni Ramos.
Samantala, kinuwestiyon naman ng Katribu Party-list ang Abante Tribung Makabansa (ATM), isang grupong party-list na binuo ng Mindanao Indigenous Peoples Conference for Peace and Development at inendorso umano ni Jesus Dureza, presidential adviser sa Mindanao at tagapangulo ng Mindanao Development Authority.
Unang nominado ng grupo si Col. Allen Capuyan ng Philippine Army, dating hepe ng special operations group ng Isafp na nasangkot sa wiretapping ng kontrobersiyal na pag-uusap sa pagitan ni Pangulong Arroyo at dating Comelec Komisyuner Virgilio Garcillano, ayon sa Katribu.
Sinabi rin ng grupo na program manager ng Social Integration Program para sa mga rebeldeng komunista, at dating itinalaga ni Arroyo na tagapangulo ng National Commission of Indigenous Peoples si Atty. Reuben Dasay Lingating, isa pang nominado ng ATM.
“Nangangamba kami na sinasamantala ng administrasyon maging ang mardyinalisadong kondisyon ng mga katutubo sa pamamagitan ng ilang party-list. Nakakabahala ang presensiya sa mga party-list ng maraming appointee at kamag-anak ni Pangulong Arroyo,” sabi ni Beverly Longid, tagapangulo at unang nominado ng Katribu.