Tortyur ng militar sa menor-de-edad, kinondena
Kinondena ng Kabiba Alliance for Children’s Concerns ang pinakahuling kaso ng umano’y paglabag sa karapatang pantao ng mga menor-de-edad na binansagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang “child soldier” ng New People’s Army (NPA). Ayon sa grupo, inaresto noong Marso 7 sa Monkayo, Compostela Valley at dinetine nang mahigit 36 oras ang 13 […]

Kinondena ng Kabiba Alliance for Children’s Concerns ang pinakahuling kaso ng umano’y paglabag sa karapatang pantao ng mga menor-de-edad na binansagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang “child soldier” ng New People’s Army (NPA).
Ayon sa grupo, inaresto noong Marso 7 sa Monkayo, Compostela Valley at dinetine nang mahigit 36 oras ang 13 magsasakang Lumad ng mga miyembro ng 27th Infantry Batallion ng Philippine Army. Kabilang sa mga inaresto ang dalawang 15-anyos na babae na sina Ivy at Tere (mga di tunay na pangalan).
Umano’y tinortyur ng mga sundalo ang mga menor-de-edad para umaming mga miyembro ng NPA. Isinagawa ang operasyong militar matapos ang isang engkwentro kung saan isang sundalo ang napaslang at dalawa ang sugatan.
Sinabi pa ng grupo na noong Marso 15, ilegal na inaresto at dinetine ang isang 15-anyos na lalaki na si Allen (di tunay na pangalan). Inaakusahan si Allen ng mga sundalo ng 602nd Infantry Brigade na nagpasabog ng landmine sa isang sasakyang militar sa Makilala, North Cotabato.
“Ibinahagi ng tatlong menor-de-edad na ito sa Kabiba na isinailalim sila sa pisikal at sikolohikal na tortyur para mapaaming miyembro sila ng NPA,” sabi ni Honey May Idul-Suazo, executive secretary ng Kabiba.
Pinabulaanan ng mga kaanak ng tatlong menor-de-edad ang mga akusasyon ng militar. Kasalukuyang sumasailalim sina Ivy, Tere, at Allen ng psycho-social therapy sa Children’s Rehabilitation Center.
“Mas malala pa ang Oplan Bantay Laya (programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo) kaysa Batas Militar, dahil pati ang mga bata, pinupuntirya,” dagdag ni Suazo.
Ayon sa grupo, labag ang tortyur sa mga menor-de-edad sa Convention on the Rights of the Child at Universal Declaration of Human Rights, na pinirmahan ng gobyerno ng Pilipinas.
Noong Marso 31, 2007, pinatay ng mga miyembro ng 10th Infantry Division ang 9-anyos na babaing si Grecil Buya sa New Bataan, Compostela Valley. Binansagan din si Buya na isang “child soldier,” na pinabulaanan naman ng mga kaanak, kapitbahay, at guro ng bata.