Kanya-kanyang palabas
Matandaan lamang ng masa ang mukha nila’t mga pangalan, sumabak sa kung anu-anong pakulo ang mga kandidato.

Ilang araw na lamang at eleksiyon na kaya hindi nakapagtataka ang pagbaha ng mga patalastas ng mga kandidato sa telebisyon. Minsan nakakaaliw panoorin ang mga ito. Piyesta ang kanilang makinarya upang pabanguhin ang kanilang pangalan sa mga botante. At sa kani-kanilang patalastas, iba’t ibang istilo ng panghihimok ang makikita sa kanilang “munting palabas”
Nitong mga huling araw, hindi na ipinapakita ang eroplano ni Gibo Teodoro. Maaari, nawalan na siya ng octane para sa mahaba-habang liparan. O nawalan na rin siyan ng gana dahil, paano ka nga naman magpapalipad ng pampasaherong eroplano kung wala nang sumasakay, o pinag-iiwanan na siya ng kanyang pasahero? Kabi-kabila kasi ang paglipat ng partido ng kanyang mga kasama sa Lakas-Kampi-CMD tungo sa Nacionalista o Liberal. Ngayon, ang kanyang patalastas ay nakasandig sa kabataan. Aniya, gusto niyang may college graduate ang bawat pamilya. Kaya, ang himok niya, (pagmasdan ang kanyang pagtatalumpati sa gitna ng mga tao at hawak ang mic, sa gitna ng tila-Wowowee na entablado) “sumama na kayo.” Uy sama na daw tayo… Wawa naman. Bigo.
Ayos naman ang mala-tulang patalastas ni NP standard bearer Manny Villar. Sa isang negatibong pagbasa, binaligtad niya ang tula at umagapay sa kanyang “ahon sa kahirapan” na islogan. Ayos na, marami namang na-belibs sa patalastas. Sana. Ang kaso, ginaya lang pala ang konsepto sa isa pang political ad mula sa Argentina, ng isang tumakbong presidente. Ang pamagat ng Argentinian? “This is what is real.” Ano, lumalabas na pinirata ang kay MV? At oo nga pala. natalo sa eleksiyon ang naturang tumakbong presidente sa Argentina. Hala kaaaaa…
Subjective ang pananaw ng reeleksionistang si Sen. Juan Ponce Enrile sa kanyang islogan. “Gusto ko happy ka.” Eh? sa anong paraan? At ano naman ang mga nagawa niya para maging “happy” ang sambayanan? Hindi naman lubusang bumaba ang singil sa kuryente kahit iyon pa ang ipinangako niya noon. “Happy” ba kamo manong? Tila walang-utak na islogan lamang na, tanggapin nyo na lang, ishmhyyyl na lang kayo with Manong Enrile, dahil gusto nya e. Happy? Happy. *ulit??!*

Pero kung todo-todong papansin lang ang usapin (at kung gusto mong maaliw kahit paano), panoorin na lamang ang patalastas ni Silvestre Bello, kandidato sa pagkasenador ng partido ng administrasyon. Tinaguriang siyang “Captain Justice,” kitang kita sa patalastas ang paggamit ng superhero na moda upang pangatawanan ang kanyang ngalan. Mabagsik pa, pinagsuot pa siya talaga ng superhero costume. Maaaring, trip nya talagang maglilipad, o frustrated siyang hindi naisali sa casting ng magiging tropa ni Kick Ass. Gayunman, niluma pa rin siya ng isa pang kumakandidato sa pagkasenador dahil kung siya ang Justice Man, meron pang malaki sa kanya, si Franklin Drilon a.k.a. Big Justice. Mas malaking tao, mas malaking katarungan?
Magandang laban ang islogan ni Liberal Party senatorial candidate Risa Hontiveros. At daanin pa ito sa sayaw at giling ng leeg habang nagpapakyut sa kamera sa gitna ng kapwa kababaihan. Teka lang naman ate Risa, pagpapaganda lang ba ang kaya mong gawin?
At kung numero at numero lang ang bagong labanan upang matandaan ang kandidato, wala na sigurong tatalo sa kantang pinasikat ni Bayani Agbayani. Nagsasayaw na numero otso pa ang pambato ni Bong Revilla! Waw ang giling ni otso. Ayun nga lang, hindi mawari kung ang sinabi sa dulo ng kanta ay “markahan ang eight”, o “markahan ang eks”. Ano ba talaga kuya Bong?
Asahan pang titindi at dadami ang patalastas at gimik ng kandidato. Asahan din ang kung anu-anong pakulo, matandaan lamang ng masa ang mukha nila’t mga pangalan. Asahan din na kung sila’y manalo, tiyak na wala silang matatandaan isa man sa kanilang mga pangako.