Uncategorized

Paalam, Jojo V. Acuin, tinaguriang Nostradamus ng Asia, manghuhula ng mga artista!


Una naming nakilala si Jojo V. Acuin noong pansamantala kaming lumiban sa “Star News” ng “TV Patrol” noong mga huling taon ng 1980s. Isinama kami noon ng kaibigan naming namayapa na noong 2008 na si Gil E. Villasana, isa ring peryodistang pampelikula. Pero ang unang movie reporter na naging malapit kay Jojo ay si Andy […]

Una naming nakilala si Jojo V. Acuin noong pansamantala kaming lumiban sa “Star News” ng “TV Patrol” noong mga huling taon ng 1980s.

Isinama kami noon ng kaibigan naming namayapa na noong 2008 na si Gil E. Villasana, isa ring peryodistang pampelikula.

Pero ang unang movie reporter na naging malapit kay Jojo ay si Andy Garcia, isang makata at ngayon ay nagtatrabaho sa Manila City pagkatapos niyang maging peryodistang pampelikula at peryodista.

Gayunman, ang mas naging malapit kay Acuin ay si Kuya Gil at dito na nagsimula ang romansa ng panghuhula at showbiz sa katauhan nina Jojo at Villasana.

Nakilala na rin si Jojo na manghuhula sa showbiz bagamat bago ‘yon ay nakapagradyo na siya sa DZME at DWBL sa pamamagitan ng kanyang programang “Diwa.”

***

Tubong-San Pablo City sa Lalawigan ng Laguna si Acuin at dito sa bayan at siyudad na ito napanday ang kanyang kaalaman sa okultismo, feng shui, paranormal at marami pang ibang mga karunungang metapisikal.

Nagtiyaga si Acuin sa kanyang pagtahak sa landas ng panghuhula bago siya nakaakyat sa maraming baytang ng pag-unlad sa materyal at ispiritwal na dimensyon.

Ayon nga sa isang taga-Lopez, Quezon na tumulong sa kanya noong nagsisimula pa ang Nostradamus ng Asya sa showbiz at sa mga kanugnog na larangan nito, siya mismo ang nagtatatawag sa mga tao para magpahula kay Jojo.

Dahil ang panghuhula ay may kakabit ding trabaho, pagkamalikhain at pabuya tulad ng bayad o kaya naman ay kung anumang biyaya na mula sa hinulaan lalo na pag nagkatotoo ang magandang sinabi ng manghuhula o nakalutas ng problema ang psychic sa idinudulog na suliranin ng isang nanghihingi ng tulong.

***

Lumaki kinalaunan ang pangalan ni Jojo hindi lamang sa kanyang paglalantad ng kanyang sarili bilang manghuhula sa media ng radyo o magasin at pahayagan kundi sa kanyang mga naihulang para sa pananaw ng mga tao o nang nakasaksi sa hula ay nagkatotoo.

Sumikat si Jojo nang ihula niya na isang lalaki ang magiging susunod na pangulo ng bansa pagkatapos ni Cory Aquino.

Tumanyag din ang kanyang pangalan nang sabihin niyang may babagsak na eroplano at may bumagsaka nga.

Gayunman, ang mga hula ay senyales lamang, ang mga ito ay bunga ng mga pagbasa sa kaganapang nangyayari sa paligid at ang mga kaakibat na kakambal ng mga pangyayaring ito anuman ang larawan ng mga ito at epekto sa publiko.

Pero tinatayang siyento porsyento ang kredibilidad o batting average ng mga nagkakatotoong inihula ni Acuin.

***

Kontrobersyal din si Jojo mula sa panulat ng kanyang mga kritiko at pangunahin sa nakamarka sa kanyang isipan at damdamin ang pagdududa sa kanya ng isang Ros H. Matienzo na nagtanong kung gaano nga ba kapani-paniwala ang mga hula nito.

Natatandaan naming galit na galit si Jojo kay Ros na para bang isinumpa niya nang buhay ang manunulat.

Marami pang mga nagduda sa kanya pero pinatawad na lamang niya ang mga ito.

Magkapiling na sa dako pa roon sina Matienzo at Acuin.

May ilan pang mas marahas ang paghuhusga kay Jojo pero hindi na niya binigyan pa ng pansin ang mga ito dahil baka maging mitsa pa ng kanilang away.

***

Nawalan na ang Pilipinas ng isa sa mga sikat na manghuhula sa katauhan ni Jojo.

Namatay si Acuin noong ika-29 ng Abril, 2010 sa Philippine Heart Center sa pangkalahatang pagpalya ng kanyang mga pangunahing bahagi ng katawan.

Nagsimula ang suliranin ni Jojo sa kalusugan nang siya ay magka-diabetes subalit inom pa rin siya nang inom ng white wine o red wine o kahiman at brandy.

Nagkakomplikasyon pa nga sa kanyang puso ang kanyang mga sakit kinalaunan.

Nag-isang buwan at tatlong linggo sa ospital si Jojo at sa tulong ng kanyang mga kawaksi sa klinika at sa panghuhula na sina Tess Fuentes, Marivic, Dada, Rex, Rommel Orsolino, Joey at iba pa, naglabas-masok sa pagamutan ang manghuhula.

Mahal na mahal siya ng kanyang mga kasambahay kaya naman masamang-masama ang loob ng mga ito ngayon.

Malungkot na malungkot ang mga kasama sa trabaho ni Jojo at kahit ang mahusay na peryodistang pampelikula na si JC Nigado ay nalulumbay sa pagpanaw ni Jojo.

***

Marami ring artista ang nagluluksa sa pagkamatay ni Acuin kabilang sina Alma Moreno, Lani Mercado, Angelica Jones at marami pang iba dahil nakaranas na silang mahulaan ng pangunahing psychic sa bansa.

Natatandaan pa ba ninyo nang si Joseph Estrada ay senador pa lamang.

Dinali ni Gil Villasana ang kanyang kaibigang si Joseph sa kaarawan ni Jojo noong nakatira pa ito sa Biak-na-Bato sa may Santol sa Lunsod ng Quezon.

Malapit na malapit si Gil kay Estrada at nakuha nitong pagbigyan ang move writer.

Masayang-masaya at ipinagmamalaki ni Jojo ang kanyang kaibigang si Villasana at nadala sa kanyang kumpleanyo ang sikat na pulitiko.

Pati sina Vina Morales at Herbert Bautista ay nakibahagi sa okasyon ni Jojo na lumulutang noon sa alapaap sa kasiyahan.

Lahat silang mga taga-showbiz ay sumamba kay Jojo at kahit ang naging senador na si Marcelo Fernan ay kliyente ng Acuin sa panghuhula.

Disin sana’y mag-aanimnapu’t apat na taong gulang si Jojo sa ika-30 ng Mayo pero kinitil nga ang kanyang buhay isang buwan bago ang takdang kaarawan niya.

***

Nagdatingan na sa Doña Eusebia Subdivision sa San Pablo City ang malalapit na kaibigan at kaanak ni Jojo kabilang ang mga peryodistang pampelikula na sina Roland Lerum, Obette Serrano, Ohgie Ignacio at ang inyong likod.

Inaasahang dadagsa rin ng mga iba pang mga tao sa iba’t ibang larangan na napaglungkuran ni Acuin.

Kumpare pa ni Jojo si Mayor Amante ng San Pablo City dahil ang kanyang anak na si John Benedict o JB Acuin ay inaanak ng alkalde.

Ninong din ni JB si Daniel Fernando at ninang naman niya si Ilonah Jean.

Ayon kay JB, naaalala niya sa larawan ang mga taong may kaugnayan sa kanya mahal na mahal niya ang kanyang ama.

“Umiyak po ako no’ng malaman ko na namatay na si Daddy,” pahayag ni JB sa isang eksklusibong panayam.

Pati na ang sikat na kolumnistang si Vinia Vivar ay may malaking koneksyon kay Jojo dahil nagtrabaho nga ang babaing manunulat sa upisina ni Acuin nang wala pang masyadong pitak sa mga pahayagan ang peryodistang pampelikula.

Pati si May Isla ay naging bahagi rin ng buhay ni Jojo.

Mga tagapagsaliksik ni Jojo sina Vinia, May at JC at matitinong mga manunulat ang mga ito.

***

Dumating na rin mula sa Amerika ang isa pang kapatid ni Jojo na si Mrs. Auring Sandoc subalit ang isa pa niyang kapatid na babae na si Rosa Aquino ay nasa Los Baños, Laguna lang ang bahay kaya madaling nakauwi sa San Pablo.

Mahal na mahal nilang lahat si Jojo.

Sina Ohgie, Roland at Obette nga ay namasahe pa sa bus para lang makita sa huling pagkakataon ang mga labi ng kanilang kaibigan at kasamahan sa trabaho.

Hindi nga ba’t nakasama pa ni Jojo sa “Star & Spies” sa Channel 13 sina Lolit Solis, ang namayapang si Oskee Salazar at si Mario A. Hernando?

Produksyon ito ng Regal Baby na si Macoy Symaco na malapit na malapit din kay Jojo.

Maligayang paglalakbay sa dako pa roon, Jojo!