Serbian maaaring maglaro para sa Smart-Gilas Team Pilipinas
Isang sentro ang maaaring pumorma para sa Smart-Gilas Philippine Team sa pagsabak nila sa liga sa buwan na ito. Si Milan Vucicevic ang titignang maglalaro para sa koponan ng bansa sa darating na 21st FIBA-Asia Champions na gaganapin sa Doha, Qatar. Kayang maglaro ng Serbian sa posisyon ng forward at sentro. Tinitignan na malaking tulong […]
Isang sentro ang maaaring pumorma para sa Smart-Gilas Philippine Team sa pagsabak nila sa liga sa buwan na ito.
Si Milan Vucicevic ang titignang maglalaro para sa koponan ng bansa sa darating na 21st FIBA-Asia Champions na gaganapin sa Doha, Qatar. Kayang maglaro ng Serbian sa posisyon ng forward at sentro. Tinitignan na malaking tulong ito sa bahagi ng taas, na kakulangan pa rin ng pambansang koponan na binubuo ng mga batang manlalaro mula sa amateur na mga liga sa bansa.
Malaki ang karanasan ng 25-anyos na Serbian. Nakapaglaro na si Vucicevic sa mga liga sa tulad sa Gresya, Ukraine at Poland sa Europa, at sa Qatar, Iran at Lebanon naman sa Asya. Nitong huli lamang, pumirma siya ng kontrata para sa As Sadd, isang basketball club sa Qatar.
Batid daw ni Vucicevic ang problema ng paghahagilap ng import ng koponan ng Pilipinas. Nailaglag si CJ Giles sa koponan at hindi rin umubra ang kanyang kapalit na si Jamal Sampson. Ngunit bahagi rin ng kanyang pagsali sa koponan ang kanyang respeto kay coach Rajko Toroman. “I hope I’ll be the best choice (bilang import),” saad ni Vucicevic. “It’s an honor to be invited (ni Toroman). He’s a coach that I respect so much. I’m going to read the coach’s system, how he prepares. I watched Gilas in Dubai Tournament.”
Ngunit nasa lagay ng pag-iingat rin ang Smart-Gilas. “We already learned our lessons. We have to take a closer look at his performance, attitude and other factors before deciding to naturalize him,” saad ni Noli Eala, Executive Director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). “It will all depend on the assessment of coach Rajko.”
Bagaman, kasali na ang pangalan ng 6-10 na Serbian sa 19-kataong line-up na isinumite ng Pilipinas para sa torneo. Kasali rito ang dalawa pang prospect ng koponan ng Pilipinas, na sina Michael Fey and Jared Reiner. Ngunit nagdesisyon si Fey na manatili sa kanyang koponan sa Tsina, habang hindi naman nagpakita sa Reiner sa training camp ng Gilas sa Las Vegas noong nakaraang Linggo.
Magsisimula sa Mayo 22 ang Champions League.Ito ang nakatakdang mga laban ng Smart-Gilas para sa elimination round:
• May 23 – SG vs. Al Rayyan-Qatar
• May 24 – SG vs. Astana Tigers-Kazakhstan
• May 25 – SG vs. Mahram-Iran
• May 26 – SG vs. Dohuk-Iraq
Matatandaang nagtapos sa ika-limang puwesto ang Smart-Gilas noong isang taon sa torneo na ito. Kasapi pa rin sa grupong tinaguriang “Group of Death” ang Pilipinas. Kasali sa grupong ito ang defending champion na Iran, kasama ang Kazakhstan, Iraq at ang host na bansa. Gamit ng bansa ang torneo at ang Asian Games sa paghahanda para sa FIBA-Asia Championship, ang qualifying na torneo para sa Olimpiyadang 2012 na gaganapin sa London.
Ngunit ang masamang balita kay Vucicevic, kahit mahusay ang magawa niya sa Champions Cup, hindi siya makakapaglaro sa Asian Games na gaganapin sa Guangzhou, China. Maglalaro ng All-Filipino ang Smart-Gilas dahil kulang ang panahon upang matapos ang pagaasikaso ng iba pang papeles ni Vucicevic.