Sa pagtalaga sa gabinete, ‘daang matuwid’ di sinunod ni Aquino?
Dahil sa komposisyon ng mga itinalaga ng bagong Pangulong Noynoy Aquino sa gabinete, marami ang nangangambang “walang pagbabagong” maaasahan sa mga polisiya ni Aquino.

Marami ang umaasang may pagbabagong dulot ang pagsumpa ni Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 pangulo ng bansa. Dala ng kanyang kampanya ang platapormang tungo umano sa “daang matuwid,” na kaiba sa dinaanan ng nagdaang mga rehimen.
Ngunit kung pagbabatayan ang kanyang unang mga desisyon, laluna ang pagtalaga niya ng mga posisyon sa gabinete, mukhang di pa kumawala si Aquino sa luma nang mga plataporma na kumakalinga sa interes ng mga naghahari sa bansa.
Itinukoy ng League of Filipino Students (LFS) ang pagtatalaga, halimbawa, kay Cayetano Paderanga bilang direktor-heneral ng National Economic Development Authority (NEDA). Ayon kay Terry Ridon, pangkalahatang kalihim ng LFS, masugid na tagasuporta si Paderanga ng mga polisiya ng liberalisasyon at deregulasyon sa ekonomiya noong panahon ng administrasyong Corazon Aquino at Fidel Ramos. “Nagresulta ito sa pagbagsak ng agrikulturang Pilipino, kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya,” ani Ridon.
Ang kasalukuyan at itinalagang mga pinuno ng mga serbisyong pampubliko ay nagtaguyod din sa deregulasyon ng pagsusuplay sa publiko ng tubig, kuryente at langis. Kabilang dito sina Meralco President Jose “Ping” de Jesus, Maynilad Water Services CEO Rogelio “Babes” L. Singson, at Manila Water Co. President Jose Rene D. Almendras all. Nagsresulta ang naturang mga polisiya sa bigla at matinding pagtaas ng presyo ng tubig, langis at kuryente.
Ikinabahala din ng LFS ang pagtalaga kay Alberto Lim ng Makati Business Club bilang kalihim sa Turismo at pagpapanatili kay Alberto Romulo bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs. Pabor umano sina Lim at Romulo sa pagbubukas sa ekonomiyang Pilipino sa dayuhang mga interes, kabilang ang pagpaplantsa ng ipinaplanong kasunduang “free trade” sa US.
Nakakabahala din umano ang pagtalaga ni Aquino sa dalawang administrador sa pribadong mga paaralan bilang pinuno ng mga ahensiya sa edukasyon. Si Bro. Armin Luistro ng De La Salle University ang itinalagang kalihim ng Department of Education, samantalang pinili namang pamunuan ni Dr. Patricia Licuanan ng Miriam College ang Commission on Higher Education.
Ayon kay Ridon, maaaring may “conflict of interest” ang pagtalaga ng dalawang pribadong administrador para pamunuana ang sistema ng pampublikong edukasyon sa bansa.
Samantala, kinuwestiyon naman ng militenteng sentro ng paggawa, Kilusang Mayo Uno (KMU), ang pagtalaga kay retiradong Chief Justice Hilario Davide Jr. bilang pinuno ng Truth Commission na mag-iimbestiga sa mga katiwalian at kriment diumano ng nagdaang rehimeng Arroyo.
“Bakit isang taong naging tapat kay Arroyo ang natalagang alamin ang katotohanan sa mga aktibidad niya (Arroyo) habang nasa kapangyarihan? Sa pamumuno ni Davide, nangangamba kami na baka hindi ito maging ‘truth commission’ kundi ‘lie commission’,” ayon kay Elmer Labog, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Kinilala ng KMU ang respeto ng mga mamamayan kay Davide sa pangunguna sa impeachment trial laban kay dating pangulong Joseph Estrada. Pero halatang iniwasan diumano ni Davide na batikusin si Arroyo sa gitna ng mga eskandalong yumayanig sa kanyang rehimen.
Gayunman, natuwa umano ang mga militante sa pagtalaga ni Aquino kay Leila de Lima bilang kalihim ng Department of Justice. Bilang tagapangulo ng Commission on Human Rights, pinangunahan ni De Lima ang pag-iimbestiga sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao na kinasasangkutan ng mga ahensiya pangseguridad ng rehimeng Arroyo.
“Umaasa kaming bilang hepe ng DOJ, ipagpapatuloy ni De Lima ang paggiit ng parehong antas ng independensiya tulad ng ginawa niya habang nasa CHR,” sabi ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.