Bakit star-studded rin ang burol at cremation ni Conrad Poe?
Kung ang pakahulugan ng marami sa mga pariralang star-studded ay nag-uumapaw sa malalaki, mga sikat at nagniningning na mga bituin, ‘yan din ang larawan ng pakikipaglamay at pakikiramay ng mga artista sa namayapang si Conrad Poe. Wala nga roon ang mga Amalia Fuentes o Gloria Romero, Nora Aunor o Vilma Santos, Sharon Cuneta o Maricel […]
Kung ang pakahulugan ng marami sa mga pariralang star-studded ay nag-uumapaw sa malalaki, mga sikat at nagniningning na mga bituin, ‘yan din ang larawan ng pakikipaglamay at pakikiramay ng mga artista sa namayapang si Conrad Poe.
Wala nga roon ang mga Amalia Fuentes o Gloria Romero, Nora Aunor o Vilma Santos, Sharon Cuneta o Maricel Soriano, Judy Ann Santos o Claudine Barretto, Romeo Vasquez o Luis Gonzales, Christopher de Leon o Tirso Cruz III, Gabby Concepcion o Albert Martinez, Piolo Pascual o John Lloyd Cruz, Kristine Hermosa o Angel Locsin, Marian Rivera o Bea Alonzo, Diether Ocampo o Richard Gutierrez, Dingdong Dantes o Jake Cuenca, marami ring bituin na dumalaw at dumalo sa pagpanaw ni Conrad na malalaki ring artista.
Kung titingnan lang ay maliliit o mga walang malalaking hukbo ng mga tagahanga, ang tulad ni Mary Grace Poe ay malaking nilikha sa showbiz kahit na siya ay hindi naman artista sa pelikula o telebisyon.
Dahil anak siya ni Fernando Poe, Jr., ang itinuturing na Hari ng Pelikulang Pilipino nang siya ay nabubuhay pa.
***
Kahit na kung titingnan ay tapos na si FPJ dahil wala na sa ating piling, ang kanyang legasiya ay mananatiling nasa ating piling lalo na sa kanyang mga nilikhang pelikula na sinubaybayan at tinangkilik ng maraming tagahanga at Filipino sa kalakhan.
Dahil si FPJ ay isang larawan ng malaking tao sa industriya at ang kanyang mga pamana ay pamana ng lahi hindi lang sa pagtatalaga sa kanya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, ang kanyang imahen bilang aktor ay repleksyon din ng mga katangian at adhikain ng mga Filipino.
Ang mga naiwan ni FPJ ay nagmana ng mga ibinigay na paghanga at respeto sa aktor kaya ang sinumang may kaugnayan sa kanya at may hibo at hibla ng paghanga at paggalang ng publiko sa kanya at kanila.
Kaya hindi dapat sabibing walang malalaking bituin sa lamay ni Conrad.
***
Ano ang ginagawa ng mga kapatid ni FPJ sa burol ni Conrad kung sasabihing hindi star-studded ang okasyon?
Nandoon ang mga bahagi ng kasaysayan tulad ng magkakapatid na Elizabeth, Evangeline, Jenny at Freddie Poe kaya paano sasabihing walang malalaking artista sa lamay?
Sila bilang Poe ay anino ni FPJ.
Hindi lang sa showbiz sila parte ni FPJ at ng bansang Pilipinas kundi sa pangkalahatang proseso ng buhay sa lipunang ito lalo na nang kumandidato si FPJ sa pagkapangulo ng bansa?
Silang mga kapatid at kaanak ni FPJ na lumikha ng pambansang kamalayan sa pulitika at liderato ng lipunang ito.
Sila na mga kadugo ni FPJ na lumaban sa kabuktutan ng pamamahala ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngayong iimbestigahan na ang mga ihahaing kaso laban kay Macapagal-Arroyo ng Truth Commission ni dating pinuno ng Korte Suprema na si Hilario Davide kabilang ang pagsisiyasat sa Hello Garcia scandal na pinangunahan ng umano’y pandaraya ni GMA sa presidential elections noong 2004, mahalaga muli ang partisipasyon ng mga Poe sa pagtuklas sa katotohanan bilang mahalagang yugto ng kasaysayan.
Kaya paano sasabihing hindi star-studded ang lamay ni Conrad?
Ang mga Poe ay higit pa sa mga artistang malalaki ang pangalan at sikat ngayon kung pagbabatayan ang karanasan at papel na ginagampanan ng mga ito sa kasaysayan ng bansa lalo na at minamata ang papel ng showbiz sa lipunang ito.
***
Paano kung mapatunayang dinaya nga ng administrasyon ni Macapagal-Arroyo ang halalan noong 2004 at ang tunay na nanalo ay si FPJ?
Nang dahil dito ay maiigpawan ang pangkaraniwang pananaw ng publiko sa pangkalahatan at ng showbiz sa partikular, sa kalakihan ng mga pangalan at imahen ng mga Poe na nasa lamay ni Conrad.
At kahit na hindi mapatunayan ang krimen ng pandaraya, ang maging Poe sa bisa ng pagkakasangkot sa pagkatao ni FPJ ay isang pambansang kahalagahan sa buhay na ito.
Marami kasi ang nagtatanong—kabilang ang mga extra ar character actor sa pelikula—kung bakit wala man lang o konti lang ang balita sa TV, radyo, pahayagan, magasin at internet tungkol sa kamatayan ni Conrad.
Lahat sila ay nagtatanong—si Vivian na stuntwoman at kinakasama ng kontrabidang si Danny Riel, si Amay na walang salang nagmumuni-muni kung bakit wala man lang lathalain na lumalaganap kaugnay sa pagpanaw ni Conrad samantalang kung si Rico Yan, FPJ, Julie Vega, Nida Blanca, Rudy Fernandez, Douglas Quijano at iba pa ang namatay, sumusugod ang mga kasalukuyang idolo ng bayan.
***
At paano sasabihing walang malalaking artista sa lamay ni Conrad kung nandoon si Susan Roces?
Si Susan Roces na katumbas ng kasaysayan ng showbiz at ng Pilipinas.
Dahil Reyna rin ng Pelikulang Pilipino si Susan kahit na sa komersiyalisadong kahulugan ay wala siyang pangkasalukuyang produkto tulad ng pelikula, TV show o anumang pagtatanghal na pinipilahan o pinanonood ng mga tagabili o konsyumer ng mga mamimili.
Mananatiling malaking pangalan si Roces sa kasaysayan tulad rin ng mga Nora at Vilma at Nida na may puwang sa analisis ng historya ng nasyon.
Hindi lang sa asawa ni FPJ si Susan o kaya ay siya ay naglakas ng loob na kastiguhin si GMA sa anya’y dalawang beses na paghablot nito ng kapangyarihan sa mga tunay na nagmamay-ari ng kapagyarihang ito kundi si Swanie ay nakagawa rin ng kanyang personal na kasaysayan sa lipunang ito sa pamamagitan ng pagsalamin sa lipunan sa pagsasalin ng mga eksenang nagapi nito sa pelikula at telebisyon gaano man makatotohanan o eskapismo ang mga tagpong ipinanood o ipinamalas sa taumbayan.
Bilang alagad ng sining, nakapag-ambag din si Susan ng kanyang ideya at emosyong positibo para sa pagsulong ng buhay, naramdaman o nakita man ito ng sambayanan o hindi.
***
Malaki ring bituin si Sheryl Cruz na madalas bumisita sa lamay ng kanyang tiyuhin.
Kahit na may mga bagong artistang pumalit na sa trono at trabaho ni Sheryl ay nanatili siya sa kanyang hanapbuhay at pagbibigay ng ligaya—kahit hindi lang ito ang layunin ng palabas telebisyon o pelikula o internet—o siphayo na sumasalamin sa tunggalian ng buhay ng bawat Filipino.
Patuloy lang ang pagdating at pag-alis ng mga taga-showbiz sa larangang ito pero ang papel ng tagapagpalaya sa isip at puso ng mga Filipino ay kailangang isapuso at isaisip din at may kamalayan man o wala ay dapat na isadiwa kahit na anong oras sa bawat araw ng ating buhay.
Kahit na sina Aileen Papin, Star Villareal, Laila Dee, Bella Flores, Rene Matias, Jess Sanchez, Leo Lazaro, Lynn Madrigal, Dexter Encarnado, Ronald Nepomuceno, Rey Roldan, Abel Acosta at marami pang iba ay sinasabing wala namang maraming tahahanga at walang pumapansin sa kanila, artista rin sila at may karapatang makapunta sa mga okasyong tulad nito.
***
Maliliit bang artista sina Efren Reyes, Jr., Bong Revilla, Phillip Salvador, Binibining Pilipinas Vida Doria, Rey “PJ” Abellana at iba pang may malalaking grupo ng mga tagahanga na nakibahagi rin sa burol?
Kahit nagpadala lang ng mga bulaklak at korona sina Joseph Estrada, Lani Mercado, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, Marynette Gamboa, Chiz Escudero at iba pa, ang diwa ng kanilang pakikiramay ay nandoon.
Sa cremation kay Conrad noong Sabado sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue ay nandoon ang buong angkan ng Poe, si Susan, si Mary Grace, si Sheryl, si Amay at si Zeny Marcelo-Poe, ang common-law wife ni Conrad.
Madaling maunawaan na wala roon ang ibang malalaking artista tulad halimbawa nina Cesar Montano, Pilar Pilapil, Jericho Rosales, Heart Evangelista, Rhian Ramos, Angelica Panganiban, Derek Ramsey, Cristine Reyes, Ara Mina at marami pang iba dahil hindi naman nila madalas makasama sa trabaho at pribadong lakaran si Conrad.
Sukatan sa samahan ng mga Filipino ang pisikal na pagkakasama-sama sa panahon na buhay pa ang sinuman sa kanila upang kahit na kahuli-hulinang sandali ay maalala siya o may pinagsamahang hindi makakalimutan.
Kahit na mahalaga ang impresyon na makita ang pagkakabuklud-buklod o pakikipagbuklod ng isang taga-showbiz sa kapwa niya, ang pagiging bahagi ng larangang ito ay sapat na para magbigay-pugay sa isang nilalang na naglaho na.
Sa katuusan naman, ang diwa ng pakikiramay kahit wala sa harapan ng mga labi ni Conrad ay sukatan ng isang kulturang nagbibigay ng katwiran sa hindi madalumat na mga katuturan ng tunay na pakikipagkapwa tao sa gitna ng paimbabaw na kalakaran ng industriya at ng lipunang mas malawak.
