Dapat bawiin


Kuwento ng pakikipamuhay ng mga guro ng Unibersidad ng Pilipinas sa piling ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo, na pilit na pinaaalis sa lupang matagal na nilang nililinang.

(para sa mga kasama sa CONTEND sa ating ika-16 ngayong buwan ng Agosto)

“Yung Tatay ko 1911 pinanganak, kung buhay lang siya ngayon siya ang makakapagsabi na wala naman talaga ang mga Yulo rito nang nagsimulang magtanim ang mga magsasaka rito.” Nagpatuloy ang usapan nila ni Ate Connie habang halos de-numero na ang aking paglalakad dahil napigtas na ang suot kong tsinelas at kinabit ko lang ulit para kunwari okay lang. Isang guide ang kausap ni Ate Connie, hindi ko na sasabihin ang kanyang pangalan. Kagaya ni Val, minsan pag may nakikilala akong mga kasama, naiisip ko na “Naku, baka ito na ang huling pagkakataong makita ko siya ng ganito–matapang, puno ng pag-asa, buhay.” Ganon din pala ang naiisip ni Roland nang mag-usap kami sa may UP pagkatapos ng mahabang paglalakbay mula sa Hacienda Yulo, Canlubang, Laguna.

Nagpapasalamat pa ang aming guide kay Ate Connie dahil sa tingin niyang sinserong suporta namin sa kanilang laban. Kasi raw pumunta kami doon kahit malayo, kahit walang tubig at kuryente, kahit nakakabuwang ang matatarik na bangin, ang mababatong ilog, ang sandamakmak na langgam na kumagat sa amin habang di namin malaman kung paano didiskartehan ang madulas na lupa na magkamali ka lang ng galaw siguradong dadausdos kang pababa na sugatan (hi roland, sana magaling na ang sugat mo). Natawa ako sa sagot ni Ate Connie. “Aba, sa hirap ba naman pumunta dito malamang sumusuporta talaga kami sa inyo anoh!?

Totoo yun. Marami nga sa amin ang naasar nang sabihin sa orientation na taong 1948 lang daw dumating ang mga Yulo doon. Kumuha sila ng mga tao sa komunidad upang magsaka para sa kanila. “Akin ang hacienda!” Malamang may ipapakita silang papeles upang patunayang kanila nga ang hacienda, madalas namang nakatali ang legalidad sa interes ng makapangyarihan. Basta para sa akin, matagal ko nang naresolba ang usaping iyan. Nasa kolehiyo pa ako nang mabasa ko ang tungkol kay Macli-ing Dulang ng Cordillera, ang sabi sa tekstong nabasa ko na sinabi niya “How can you own something that outlives you?” Kaya wala talaga akong bilib at respeto sa malalaking panginoong-may-lupa dahil sila na ang tunay na “nagfifeeling.”

Nagkaroon daw ng serye ng legal na aksyon ang mga Yulo upang ganap na angkinin ang lupa at mas naging agresibo nitong mga nakalipas na taon dahil gustong i-convert ang lupain sa isang golf course at gawing katono ng kabuuang pagrerekonstrak ng Hacienda Yulo sa isang Industrial Zone. Sa kasalukuyan, hati-hati na sa mga pangalang Yulo, Ayala at Henry Sy ang nagmamay-ari ng kabuuang lupain na dati’y malayang tinatamnan at pinagyayaman ng mga magsasaka.