Sports

Donnie Ahas Nietes ikalawang kampeon ng Pilipinas


Napanatili ni Donnie Nietes ang kanyang korona bilang kampeon ng World Boxing Organization minimum weight laban kay Mario Rodriguez. Matagumpay ang ikaapat na pagdedepensa ng tubong Murcia, Negros Occidental na boksingero. Ikatlong depensa ito ni Nietes na ginanap sa Mehiko – naunang mapagwagian ni Nietes ang kanyang laban kontra kina Erik Ramirez at Manuel Vargas. […]

Napanatili ni Donnie Nietes ang kanyang korona bilang kampeon ng World Boxing Organization minimum weight laban kay Mario Rodriguez.

Matagumpay ang ikaapat na pagdedepensa ng tubong Murcia, Negros Occidental na boksingero. Ikatlong depensa ito ni Nietes na ginanap sa Mehiko – naunang mapagwagian ni Nietes ang kanyang laban kontra kina Erik Ramirez at Manuel Vargas.

Una niyang dinepensahan ang titulo kontra kay Eddy Castro ng Nicaragua. Nakuha ng tinaguriang “Ahas” dahil sa kanyang kilos sa ring, ang titulo sa isang laban kontra kay Pornsawan Kratingdaeng-Gym ng Thailand sa noo’y bakanteng titulo.

Underrated ang tingin kay Ahas sa sirkulo ng boksing kahit may estado siya bilang kampeon. Bagay na gustong mabago ni Tony Aldeguer, may ari ng ALA Gym kung saan nagmula si Nietes, sa matagumpay na depensa ng kanyang kampeonato.

Bukod kay Manny Pacquiao, si Nietes ang nananatiling Pilipino na kampeon ng boksing. Binitiwan na ni Nonito Donaire ang kanyang mga korona sa IBF flyweight at interim WBA superflyweight sa pagkampanya niya bilang bantamweight at sa napipinto niyang laban kay WBC 118-pound champion Fernando Montiel bago matapos ang taon.