Ikalawang Pandayang Lino Brocka, ilulunsad sa UP

August 8, 2010

Sa harap ng pangakong “pagbabago” na inilalako ng kasalukuyang administrasyon, nananatili ang suliranin kaugnay ng karapatang pantao: welga sa pagawaan, kawalan ng trabaho para sa mga bagong gradweyt, pampulitikang pamamaslang, pagpapalayas sa mga katutubong mamamayan, migrasyon, at iba pa.

Ito ang nais isiwalat ng mga pelikulang ipalalabas sa ikalawang Pandayang Lino Brocka Politicial Film and New Media Festival. Tampok ang mga pelikulang tumatalakay sa pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang karapatan, ipinakikita ng mga ito ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa, migrante, at mga katutubo na kumakatawan sa batayang karapatan ng tao sa pagkakaroon ng kabuhayan.

Sa “Letters from Alaska” ni Roberto Reyes Ang, ginalugad ang repleksiyon ng isang migranteng Filipino sa pag-alis sa bansa para kumita ng pera habang inilalantad naman ng “Kababayang Kalakal” ni Ilang-Ilang Quijano ang malupit na katotohanan ng maraming migranteng Filipinong dineport, ikinulong at inabuso sa ibayong dagat habang binubusisi ang patakarang labor export ng pamahalaan.

Ang kahirapan naman ng paghahanap ng trabaho sa loob ng bansa ang paksa ng “Kibo” ni Rosswil Hilario habang naghahanap ng katarungan para sa mga manggagawang pinaslang sa pakikibaka para sa kanilang karapatan ang  “Kinulayang Kit” ni Richard Legaspi.

Sa kabila ng pagkakaroon ng bagong administrasyon, may pinapaslang pa rin dahil sa kanilang pakikibaka, at tulad sa nakaraang administrasyon ni Gloria Arroyo, wala pa ring nananagot sa mga pagpaslang na ito. Sa “Hamon ng Panahon” ng Kodao Production, ikinuwento ang dedikasyon ng mga taong-simbahan sa pag-oorganisa at pakikipamuhay sa piling mamamayan at kung paanong sa ganitong dahilan ay nagiging target sila ng kamapanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno. Samantala, ipinakikita ng maikling pelikulang “Wag Kang Titingin” ni Pam Mira ang pagkawasak ng domestikong buhay sa isang militarisadong bayan sa kanayunan. Sinipat naman mula sa mga mata ng isang paslit ang kauna-unahang pelikulang Kinaray-a, ang “Handum”, ni Manie Magbanua ang kalagayan ng repormang electoral at pamamahalang umiiral sa bansa.

Ang Pandayang Lino Brocka Politicial Film and New Media Festival ay magbubukas sa Agosto 11 – 12, mula ika-9 ng umaga hanggang ika-9 ng gabi sa UP (Unibersidad ng Pilipinas) Film Center. Magkakaroon ng maiikling talakayan sa umaga at magsisimula sa ganap na ika-1 ng hapon ang mga pelikula at wala itong bayad.

Ipinagdiriwang din ng naturang festival ang ika-25 anibersaryong pagpapalabas ng Bayan Ko, Kapit sa Patalim ng yumaong Lino Brocka. Ang naturang pelikula ay naging tanyag sa buong mundo nang mailahok ito sa prestihiyosong Cannes Film Festival noong 1985 at naging nominado para sa Palm D ‘Or. Ito rin ang nagsilbing simbolo ng paglaban ni Brocka at ng kanyang grupo sa pag-censor sa naturang pelikula. Nabilanggo si Brocka, natalo sa korte pero nagpunyagi sa laban sa kalayaan sa pamamahayag nang payagang ipalabas ang pelikula sa Pilipinas matapos ang ilang taon. Ang “Bayan Ko, Kapit sa Patalim” ay ipalalabas sa Agosto 11, ika-7 ng gabi sa UP Film Center.

Tampok din sa festival ang mga panayam kaugnay ng ‘Freedom of Information’ sa Agosto 11, ika-9 ng umaga, at ‘Media and Human Rights’ sa Agosto 12, ganap na ika-5 ng hapon. Inaanyayahan din ang mga estudyante at kalahok na filmmaker na dumalo sa isang visual storytelling/film grammar workshop na pangungunahan ni Direk Nick Olanka sa Agosto 12, ika-9 ng umaga. Kaalinsabay rin ng film festival ang isang eksibit ng Ugatlahi Artists Collective.

Ang naturang film fest ay gaganapin din sa Asia Pacific College sa Agosto 16 at sa UP Los Banos sa Agosto 26, gayundin sa mga maralitang komunidad at pagawaan sa Kamaynilaan mula Agosto hanggang Setyembre. Ang ilan sa mga pelikula ay itatanghal din sa Focus Philippines: New York Filipino Independent Film Series sa New York, USA sa Oktubre.

Ang ikalawang Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival ay handog ng Tudla Productions sa pakikipagtulungan ng UP Film Center, Institute for the Leadership and Advancement of Women at ng Rotary Club Pasay Gil Puyat.

Kabilang din sa mga pelikulang napili sa festival ang Ang Sandaling Sadya Nina Lire at Isa (Francis Losaria), Bingit (Michael Christian Cardoz), Ing Magdarame (University of Assumption Pampanga), Babae ako (Jeyow Evangelista), Dissatisfied (Jet Leyco), Tagulaylay sa Hacienda Yulo (Rom Factolerin), Lawa ng Bae (Donnie Sacueza), Hulagway (Jerry Jumawan), Kakasa ka ba?, (Mayday Productions) Kababayang Kalakal (Ilang Ilang Quijano at King Catoy), Badjao (La Consolacion College Manila), at Dumagat (Boy Villasanta).